Old/New Testament
Ang Malinis at ang Marumi
15 Nang magkagayon, lumapit kay Jesus ang mga guro ng kautusan at mga Fariseo na mula sa Jerusalem. Sinabi nila:
2 Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang kaugalian ng mga matanda? Ito ay sapagkat hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.
3 Sumagot siya sa kanila: Bakit nilalabag din ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? 4 Ito ay sapagkat iniutos ng Diyos na sinasabi: Igalang mo ang iyong ama at ina. Ang sinumang manungayaw sa kaniyang ama o sa kaniyang ina ay dapat mamatay. 5 Ngunit sinasabi ninyo: Ang sinumang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina: Ang anumang dapat ko sanang ibigay na kapakinabangan sa iyo ay naging kaloob ko na sa Diyos. At sa pamamagitan nito ay wala na siyang pananagutan sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. 6 Sa ganitong paraan ay winawalang kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian. 7 Kayong mapagpaimbabaw! Tama ang paghahayag ni Isaias sa inyo na sinabi:
8 Lumalapit sa akin ang mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga bibig at iginagalang nila ako sa pamamagitan ng kanilang mga labi. Ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin. 9 Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin. Ang aral na kanilang itinuturo ay mga kautusan ng mga tao.
10 Tinawag niya ang napakaraming tao. Sinabi niya sa kanila: Pakinggan ninyo ako at unawain. 11 Ang nakakapagparumi sa isang tao ay hindi ang pumapasok sa bibig kundi ang lumalabas sa bibig. Ito ang nagpaparumi sa isang tao.
12 Nang magkagayon, lumapit ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kaniya: Alam mo bang natisod ang mga Fariseo pagkarinig nila ng mga pananalitang ito?
13 Ngunit sumagot siya sa kanila: Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14 Pabayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na umaakay sa mga bulag. Kapag ang bulag ang aakay sa bulag, kapwa silang mahuhulog sa hukay.
15 Nang magkagayon, sinabi ni Pedro sa kaniya: Ipaliwanag mo sa amin ang talinghagang ito.
16 Sinabi ni Jesus: Wala pa rin ba kayong pang-unawa? 17 Hindi pa ba ninyo alam na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan? Pagkatapos, hindi ba idinudumi ito sa palikuran? 18 Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Ang mga ito ang nagpaparumi sa tao. 19 Ito ay sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, ang pakikiapid, mga pagnanakaw, mga walang katotohanang pagsaksi at mga pamumusong. 20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa isang tao. Ang hindi paghuhugas ng kamay bago kumain ay hindi nagpaparumi sa isang tao.
Copyright © 1998 by Bibles International