Old/New Testament
3 Sinabi(A) niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang iyong natagpuan. Kainin mo ang balumbong ito, at ikaw ay humayo, magsalita ka sa sambahayan ni Israel.”
2 Kaya't ibinuka ko ang aking bibig at ipinakain niya sa akin ang balumbon.
3 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ito at busugin mo ang iyong tiyan.” Kaya't kinain ko iyon at sa aking bibig ay naging parang pulot sa tamis.
4 At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humayo ka, pumunta ka sa sambahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila.
5 Sapagkat ikaw ay hindi isinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sambahayan ni Israel—
6 hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo mauunawaan. Tunay na kung suguin kita sa mga iyon, papakinggan ka nila.
7 Ngunit hindi ka papakinggan ng sambahayan ni Israel; sapagkat ayaw nila akong pakinggan: sapagkat ang buong sambahayan ni Israel ay may matigas na noo at may mapagmatigas na puso.
8 Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at ang iyong noo laban sa kanilang mga noo.
9 Ginawa kong batong matigas kaysa batong kiskisan ang iyong ulo. Huwag mo silang katakutan o manghina man sa kanilang paningin, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.”
10 Bukod dito'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasabihin sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig.
11 Humayo ka, pumaroon ka sa mga bihag, sa iyong mga mamamayan at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos’; pakinggan man nila o hindi.”
12 Nang magkagayo'y itinaas ako ng Espiritu, aking narinig sa likuran ko ang tunog ng malakas na ugong na sinasabi, Purihin ang kaluwalhatian ng Panginoon mula sa kanyang dako.
13 At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng mga nilalang na may buhay habang sila'y magkakadikit, at ang tunog ng mga gulong sa tabi nila, na ang tunog ay parang malakas na ugong.
14 Itinaas ako ng Espiritu at ako'y dinala palayo; ako'y humayong nagdaramdam na nag-iinit ang aking diwa, at ang kamay ng Panginoon ay naging malakas sa akin.
15 At ako'y dumating sa mga bihag sa Tel-abib, na naninirahan sa pampang ng Ilog Chebar. Ako'y umupo roon na natitigilan sa gitna nila ng pitong araw.
Ang Bantay ng Israel(B)
16 Sa katapusan ng pitong araw, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin,
17 “Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sambahayan ni Israel. Tuwing makakarinig ka ng salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin.
18 Kapag aking sinabi sa masama, ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay,’ at hindi mo siya binigyan ng babala o nagsalita ka man upang bigyan ng babala ang masama mula sa kanyang masamang landas, upang iligtas ang kanyang buhay, ang gayong masamang tao ay mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay.
19 Gayunman, kung iyong balaan ang masama at siya'y hindi tumalikod sa kanyang kasamaan, o sa kanyang masamang lakad man, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit iniligtas mo ang iyong buhay.
20 Muli, kapag ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kanyang katuwiran at gumawa ng kasamaan, at ako'y naglagay ng katitisuran sa harap niya, siya'y mamamatay. Sapagkat hindi mo siya binalaan, siya'y mamamatay sa kanyang kasalanan, at ang matutuwid na gawa na kanyang ginawa ay hindi aalalahanin; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay.
21 Subalit kung iyong binalaan ang taong matuwid na huwag magkasala, at siya'y hindi nagkakasala, siya'y tiyak na mabubuhay, sapagkat tinanggap niya ang babala at iyong iniligtas ang iyong buhay.”
Ginawang Pipi ang Propeta
22 At ang kamay ng Panginoon ay sumaakin doon at sinabi niya sa akin, “Bumangon ka, lumabas ka sa kapatagan at doo'y makikipag-usap ako sa iyo.”
23 Nang magkagayo'y bumangon ako at lumabas sa kapatagan. At narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay naroon gaya ng kaluwalhatian na aking nakita sa pampang ng Ilog Chebar, at ako'y napasubasob.
24 At pumasok sa akin ang Espiritu, at itinayo ako sa aking mga paa. Siya'y nakipag-usap sa akin, at nagsabi sa akin, “Umalis ka, magkulong ka sa loob ng iyong bahay.
25 Ngunit ikaw, anak ng tao, lalagyan ka ng mga lubid at igagapos kang kasama nila upang ikaw ay hindi makalabas sa gitna nila.
26 Aking padidikitin ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay mapipi, at hindi maging taong sumasaway sa kanila, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
27 Ngunit kapag ako'y nagsalita sa iyo, aking ibubuka ang iyong bibig, at iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos’; siyang makikinig ay makinig; at ang tatanggi ay tumanggi; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
Ang Halimbawa ng Pagkubkob sa Jerusalem
4 “Ikaw naman, O anak ng tao, kumuha ka ng isang tisa at ilagay mo sa harapan mo, at gumuhit ka sa ibabaw niyon ng isang lunsod, ang Jerusalem;
2 kubkubin mo ito, at magtayo ka ng mga pader sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon. Maglagay ka rin ng mga kampo sa tapat noon, at maglagay ka ng mga trosong pambayo sa tapat noon sa palibot.
3 Magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo iyon bilang pader na bakal sa pagitan mo at ng lunsod. Humarap ka sa dakong iyon at hayaang makubkob, at iyong pag-ibayuhin ang pagkubkob dito. Ito ay isang tanda sa sambahayan ni Israel.
4 “Pagkatapos, humiga ka nang patagilid sa iyong kaliwa at aking ilalagay ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel sa iyo ayon sa bilang ng mga araw na iyong inihiga roon, papasanin mo ang kanilang kaparusahan.
5 Sapagkat aking itinakda sa iyo ang bilang ng mga araw, tatlong daan at siyamnapung araw, katumbas ng bilang ng mga taon ng kanilang kaparusahan; gayon mo katagal papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel.
6 Kapag natapos mo na ang mga ito, ikaw ay hihiga sa ikalawang pagkakataon, sa iyong kanang tagiliran, at iyong papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Juda. Apatnapung araw ang aking itinakda sa iyo, isang araw sa bawat taon.
7 At ikaw ay haharap sa dako ng pagkubkob ng Jerusalem, na nakalitaw ang iyong kamay; at ikaw ay magpapahayag ng propesiya laban sa lunsod.
8 Narito, lalagyan kita ng lubid, upang ikaw ay hindi makabaling mula sa isang panig patungo sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga araw ng iyong pagkubkob.
9 “Magdala ka rin ng trigo, sebada, habas, lentehas, mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay. Sa panahon ng mga araw na ikaw ay nakahiga sa iyong tagiliran, tatlong daan at siyamnapung araw, kakainin mo iyon.
10 Ang pagkain na iyong kakainin ay magiging ayon sa timbang, dalawampung siklo isang araw; tuwi-tuwina ito'y iyong kakainin.
11 Ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin; ikaw ay iinom tuwi-tuwina.
12 Iyong kakainin ito na parang mga munting tinapay na sebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin.”
13 At sinabi ng Panginoon, “Ganito kakainin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila.”
14 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Panginoong Diyos! Narito, ang aking sarili ay hindi ko dinungisan. Mula sa aking pagkabata hanggang ngayon ay hindi ako kailanman kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig.”
15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Tingnan mo, hahayaan kitang gumamit ng dumi ng baka sa halip na dumi ng tao, na paglulutuan mo ng iyong tinapay.”
16 Bukod dito'y sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem. Sila'y kakain ng tinapay ayon sa timbang at may pagkatakot; sila'y iinom ng tubig ayon sa takal at may pagbabalisa.
17 Sapagkat magkukulang ng tinapay at tubig, at magtinginan sa isa't isa na may pagkabalisa, at manghina sa kanilang kaparusahan.
20 Sa(A) pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na mangyayari.
21 Sa(B) pananampalataya, si Jacob nang mamamatay na ay binasbasan niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose, at sumamba sa ibabaw ng kanyang tungkod.
22 Sa(C) pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose ay binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita, at nagbilin tungkol sa kanyang mga buto.
Ang Pananampalataya ni Moises
23 Sa(D) pananampalataya, nang ipanganak si Moises ay itinago siya ng tatlong buwan ng kanyang mga magulang, sapagkat kanilang nakitang maganda ang bata, at hindi sila natakot sa utos ng hari.
24 Sa(E) pananampalataya, nang nasa hustong gulang na si Moises ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon,
25 na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan.
26 Kanyang itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat kanyang pinagtutuunan ng pansin ang gantimpala.
27 Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari, sapagkat siya ay matiyagang nagpatuloy na tulad sa nakakakita sa kanya na hindi nakikita.
28 Sa(F) pananampalataya'y itinatag niya ang paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Mamumuksa ng mga panganay.
Ang Pananampalataya ng Iba Pang Israelita
29 Sa(G) pananampalataya'y tinahak nila ang Dagat na Pula na tulad sa tuyong lupa, ngunit nang tangkaing gawin ito ng mga Ehipcio ay nalunod sila.
30 Sa(H) pananampalataya'y gumuho ang pader ng Jerico, pagkatapos na malibot sa loob ng pitong araw.
31 Sa(I) pananampalataya si Rahab, na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga sumuway, sapagkat payapa niyang tinanggap ang mga espiya.
32 At(J) ano pa ang dapat kong sabihin? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at sa mga propeta;
33 na(K) ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng mga leon,
34 pumatay(L) ng bisa ng apoy, tumakas sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, nagpaurong ng mga hukbong dayuhan.
35 Tinanggap(M) ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli. Ang iba'y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli.
36 Ang(N) iba'y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo.
37 Sila'y(O) pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak, sila'y naglibot na may suot na balat ng mga tupa at kambing, mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi
38 (na sa mga iyon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan). Sila'y nagpalabuy-laboy sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.
39 At ang lahat ng mga ito, bagaman pinuri dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nila tinanggap ang ipinangako,
40 yamang naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal na hiwalay sa atin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001