Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Kawikaan 1-2

Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan

Ang(A) mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.

Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama. Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman. Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong.

Payo sa mga Kabataan

Ang(B) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
    ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.

Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama,
    at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina;
sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo,
    parang kuwintas na may dalang karangalan.
10 Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan,
    huwag kang papayag, tanggihan mo sila.
11 Kung sabihin nilang, “Halika't tayo ay mag-abang,
    bilang katuwaa'y daluhungin ang mga walang malay.
12 Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin,
    at sila ay matutulad sa patay na ililibing.
13 Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan,
    bahay nati'y mapupuno ng malaking kayamanan.
14 Halika at sa amin ikaw nga ay sumama,
    lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.”
15 Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama,
    umiba ka ng landas mo, papalayo sa kanila.
16 Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan,
    sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa pagpatay.
17 Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari,
    kung nakikita ng ibon na nais mo siyang mahuli.
18 Ngunit hindi nalalaman ng mga taong iyon,
    bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo.
19 Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan,
    sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay.

Ang Paanyaya ng Karunungan

20 Karununga'y(C) umaalingawngaw sa mataong lansangan,
    tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan.
21 Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog,
    ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod:
22 “Taong mangmang, walang hustong kaalaman,
    hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan?
Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan?
    Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman?
23 Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral;
    sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman.
24 Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo,
    ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko.
25 Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo,
    ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo.
26 Dahil dito, kayo'y aking tatawanan,
    kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan.
27 Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay,
    dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan,
    at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati,
28 sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan.
    Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan.
29 Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan,
    kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang.
30 Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo,
    itinapong parang dumi itong paalala ko.
31 Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa,
    at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama.
32 Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang,
    sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman.
33 Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay,
    mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.”

Ang Kahalagahan ng Karunungan

Aking anak, ang mga pangaral ko ay dinggin mo,
    at ang aking mga utos, ingatan nga at sundin mo.
Ang pakinig mo'y ibaling sa wastong karunungan,
    at ito ay isipin nang iyong maunawaan.
Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman,
    pang-unawa'y pilitin mong makita at masumpungan.
Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin,
    at tulad ng ginto, na iyong miminahin,
malalaman mo kung ano ang kahulugan ng paggalang at pagsunod kay Yahweh,
    at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos.
Sapagkat(D) si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan,
    sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay,
    at ang taong matapat ay kanyang iingatan.
Binabantayan niya ang daan ng katarungan,
    at ang lakad ng lingkod niya'y kanyang sinusubaybayan.
Kaya nga, iyong mauunawaan ang katuwiran at katarungan,
    at iyong susundan ang landas ng kabutihan.
10 Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan,
    madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman.
11 Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat,
    ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas.
12 Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay,
    at doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan;
13 ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan,
    na ang landas na pinili ay landas ng kadiliman,
14 mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan,
    ang kanilang kasiyaha'y pawang walang kabuluhan.
15 Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan,
    sila ay hindi tapat, hindi mapagkakatiwalaan.

16 Malalayo ka sa babaing mahalay,
    at sa kanyang pang-aakit ay hindi ka maaakay.
17 Siya ay babaing hindi tapat sa asawa;
    ang sumpaan sa altar ay binaliwala niya.
18 Kaya naman ang landas niya'y patungo sa kamatayan,
    at ang kanyang buhay ay tungo sa kawakasan.
19 Sinumang maakit niya ay tuluyang natatangay,
    at hindi na makakabalik sa maayos na pamumuhay.

20 Kaya nga, tahakin mo ang landas ng kabutihan,
    huwag itong hiwalayan hanggang hininga ay mapatid.
21 Pagkat ang mabuting tao'y magtatagal sa daigdig,
    ang may buhay na matapat ay hindi matitinag.
22 Ngunit ang masama sa lupai'y mawawala,
    bubunutin pati ugat ng lahat ng mandaraya.

1 Corinto 16

Tulong sa mga Kapatid sa Judea

16 Tungkol(A) naman sa ambagan para sa mga kapatid, gawin ninyo ang tulad sa ipinagbilin ko sa mga iglesya sa Galacia. Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita at ipunin iyon upang hindi na kailangang mag-ambagan pa pagpunta ko riyan. Pagdating ko riyan, bibigyan ko ng sulat ang mga taong pipiliin ninyo upang magdala ng inyong tulong sa Jerusalem. At kung kailangang pumunta rin ako, sasama ako sa kanila.

Mga Balak ni Pablo

Pupunta(B) ako riyan pagkagaling ko sa Macedonia, sapagkat binabalak kong dumaan doon. Mananatili muna ako riyan at maaaring diyan na ako magpalipas ng taglamig upang ako'y matulungan ninyo sa pagpapatuloy ng aking paglalakbay, saanman ako pupunta. Ayaw kong ako'y dadaan lamang diyan; nais kong magtagal nang kaunti kung loloobin ng Panginoon.

Titigil(C)(D) ako sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes dahil may magandang pagkakataong nabuksan doon para sa gawain, kahit na maraming kumakalaban.

10 Pagdating(E) diyan ni Timoteo, ipadama ninyo ang inyong pagtanggap sa kanya upang mapanatag ang kanyang kalooban, sapagkat siya'y tulad kong naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang maliitin, sa halip ay tulungan ninyo upang makabalik siya sa akin nang mapayapa, sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.

12 Tungkol naman sa ating kapatid na si Apolos, kinausap ko siyang mabuti upang dalawin kayo kasama ng ibang mga kapatid. Ngunit hindi pa siya makakapunta ngayon. Saka na siya dadalaw sa inyo kapag nagkaroon ng pagkakataon.

Pangwakas na Pananalita

13 Maging handa kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Maging matapang kayo at magpakatibay, 14 at ang lahat ng ginagawa ninyo'y gawin ninyo nang may pagmamahal.

15 Mga(F) kapatid, alam ninyong ang sambahayan ni Estefanas ang unang nakakilala sa Panginoon sa Acaya, at itinalaga nila ang kanilang sarili sa paglilingkod para sa mga hinirang ng Diyos. Nakikiusap ako sa inyo na 16 kayo'y pasakop sa mga tulad nila at sa sinumang kasama nilang nagpapakahirap sa paglilingkod.

17 Nagagalak ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat ginagawa nila ang hindi ninyo magawâ para sa akin. 18 Sila ang nagpasigla sa akin, gayundin sa inyo. Pahalagahan ninyo ang gayong mga tao.

19 Kinukumusta(G) kayo ng mga iglesya sa Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila, at ng mga kapatid na nagtitipon sa kanilang bahay sa pangalan ng Panginoon. 20 Kinukumusta rin kayo ng lahat ng kapatid dito.

Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[a]

21 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito.

22 Sumpain ang sinumang walang pag-ibig sa Panginoon!

Marana tha—Dumating ka nawa, Panginoon namin!

23 Sumainyo nawa ang pagpapala ng Panginoong Jesus.

24 Sumainyong lahat ang aking pagmamahal sa pangalan ni Cristo Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.