Old/New Testament
Nahati ang Kaharian(A)
10 Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang buong Israel upang gawin siyang hari. 2 Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam, anak ni Nebat na pumunta sa Egipto upang tumakas kay Haring Solomon, ay umuwi na ito. 3 Ipinasundo siya ng mga lipi sa hilaga at sama-sama silang pumunta kay Rehoboam. Sinabi nila: 4 “Binigyan po kami ng mabigat na pasanin ng inyong ama. Kung pagagaanin po ninyo ang pasanin na aming dinadala, paglilingkuran namin kayo.”
5 Sinagot sila ni Rehoboam: “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang pag-isipan ang inyong kahilingan, saka kayo bumalik.” At umalis nga ang mga tao.
6 Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod sa kanyang ama nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya kung ano ang dapat niyang sabihin sa mga tao. 7 Ganito ang sabi ng matatanda: “Kapag magiging mabait kayo sa mga taong ito, at pagbibigyan ninyo sila sa kanilang kahilingan, paglilingkuran nila kayo nang tapat habang panahon.”
8 Ngunit binaliwala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, sumangguni siya sa kanyang mga kababata na ngayo'y mga tagapayo niya. 9 Tinanong niya ang mga ito kung ano ang dapat niyang isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ang pasaning ipinataw sa kanila ng kanyang ama.
10 Ganito naman ang sagot ng mga kabataan: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina. 11 Dagdagan mo pa ang pahirap sa kanila. Kung latigo ang panghampas sa kanila noon ng iyong ama, ngayon ay gawin mong tinik na bakal.”
12 Nang ikatlong araw, bumalik nga si Jeroboam at ang mga taong-bayan ayon sa sinabi sa kanila ni Rehoboam. 13 Taliwas sa payo ng matatanda, mabagsik ang sagot niya sa mga tao. 14 Ang sinunod niya'y ang payo ng mga kabataan. Sinabi niya, “Kung mabigat ang ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan. Kung hinagupit niya kayo ng latigo, may tinik na bakal naman ang ihahagupit ko sa inyo.” 15 Hindi nga dininig ng hari ang karaingan ng bayan. Pinahintulutan iyon ng Diyos na si Yahweh upang matupad ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Ahias na taga-Shilo, tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat.
16 Nang(B) hindi sila pakinggan ng hari, sinabi nila: “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Bahala ka na sa buhay mo, Rehoboam!” At umuwi na ang mga mamamayan ng Israel. 17 Ngunit naghari si Rehoboam sa mga Israelitang naninirahan sa mga bayan ng Juda. 18 Sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram, ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawa sa sampung lipi ng Israel. Ngunit binato siya ng mga ito hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay sa karwahe si Rehoboam upang tumakas patungong Jerusalem. 19 Magmula noon, patuloy na naghimagsik sa paghahari ng angkan ni David ang sampung lipi ng Israel na nasa hilaga.
Ang Propesiya ni Semaias(C)
11 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ng Juda at Benjamin. Pumili siya ng 180,000 mahuhusay na mandirigma upang salakayin ang sampung lipi ng Israel at ibalik sila sa kanyang kapangyarihan. 2 Ngunit sinabi ni Yahweh kay propeta Semaias: 3 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng Juda at sa lahat ng mga Israelitang taga-Juda at Benjamin, 4 na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag na ninyong salakayin ang inyong mga kapatid. Hayaan na ninyo silang makauwi sa kani-kanilang tahanan. Ako ang may kagustuhan nito.’” Sinunod nga nila ang ipinasabi ni Yahweh. Nag-uwian na sila at hindi na nila dinigma si Jeroboam.
Pinaligiran ng Pader ang mga Lunsod
5 Sa Jerusalem tumira si Rehoboam at pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod na ito sa Juda at Benjamin: 6-10 Bethlehem, Etam, Tekoa, Beth-sur, Soco, Adullam, Gat, Maresa, Zif, Adoraim, Laquis, Azeka, Zora, Aijalon, at Hebron. 11 Pinatibay niya ang kuta ng mga ito, nilagyan ng kani-kanilang pinuno at mga imbakan ng pagkain, langis at alak. 12 Naglagay rin siya ng mga sibat at mga panangga sa mga nasabing lunsod. Pinatibay niyang mabuti ang mga lunsod na ito. Sa ganitong paraan, napanatili niya sa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang Juda at Benjamin.
Pumunta sa Juda ang mga Pari at Levita
13 Nagdatingan ang mga pari at ang mga Levita mula sa lahat ng panig ng Israel upang maglingkod kay Rehoboam. 14 Iniwan nila ang kanilang mga pastulan at mga ari-arian upang manirahan sa Juda at sa Jerusalem sapagkat inalis sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ni Yahweh. 15 Sa(D) halip, naglagay si Jeroboam ng kanyang mga sariling pari para sa mga sagradong burol, sa mga satiro at sa mga rebultong guya na ipinagawa niya. 16 Subalit mula sa lahat ng lipi, may mga tapat na lingkod si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sila ay sumunod sa mga pari at mga Levitang pumupunta sa Jerusalem upang maghandog kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 17 Dahil dito, pinatatag nila ang kaharian ng Juda at pinatibay ang kapangyarihan ni Rehoboam na anak ni Solomon sa loob ng tatlong taon, sapagkat sumusunod sila sa magagandang halimbawa ni David at ni Solomon.
Ang Sambahayan ni Rehoboam
18 Napangasawa ni Rehoboam si Mahalat na anak ni Jerimot at ni Abihail. Anak ni David si Jerimot at si Abihail naman ay anak ni Eliab na anak ni Jesse. 19 Sina Jeus, Semarias at Zaham ang mga anak na lalaki ni Rehoboam kay Mahalat. 20 Napangasawa rin ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom at ang mga anak nila'y sina Abias, Atai, Ziza at Selomit. 21 Mahal na mahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom higit sa iba niyang mga asawa at asawang-lingkod. Labingwalo ang asawa niya at animnapu ang kanyang asawang-lingkod. Dalawampu't walo ang naging anak niyang lalaki at animnapu naman ang mga babae. 22 Sapagkat gusto ni Rehoboam na si Abias ang maging hari pagkamatay niya, inilagay niya itong pinuno at pangunahin sa kanyang mga kapatid. 23 Ipinadala ni Rehoboam ang kanyang mga anak na lalaki sa iba't ibang lugar sa lupain ng Juda at Benjamin, sa mga lunsod na napapaligiran ng pader. Binigyan niya sila ng lahat nilang kailangan at inihanap ng mga asawa.
Nilusob ng Egipto ang Juda(E)
12 Nang maging matatag na ang paghahari ni Rehoboam, tinalikuran niya at ng buong Israel ang Kautusan ni Yahweh. 2 Subalit nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sapagkat hindi sila naging tapat kay Yahweh, sinalakay ni Shishak, hari ng Egipto, ang Jerusalem. 3 Ang hukbo ni Shishak ay binubuo ng 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at di mabilang na mga tauhan pati mga taga-Libya, taga-Sukuim at taga-Etiopia. 4 Nakuha niya ang mga may pader na lunsod ng Juda at nakaabot siya hanggang Jerusalem.
5 Dahil sa pananalakay ni Shishak, ang mga pinuno ng Israel ay nagtipon sa Jerusalem kasama ni Rehoboam. Dumating naman ang propetang si Semaias at sinabi sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak.’”
6 Pagkarinig niyon, nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel at sinabi nila: “Makatarungan si Yahweh.”
7 Nakita ni Yahweh ang kanilang pagpapakumbaba, kaya sinabi niya kay Semaias: “Nagpakumbaba na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak. 8 Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa.”
9 Sinalakay(F) ni Haring Shishak ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem at sinamsam ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Kinuha niya ang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 10 Pinapalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng kalasag na tanso. Pinaingatan niya ang nasabing mga panangga sa pinuno ng mga bantay ng palasyo. 11 Tuwing pupunta sa Templo ang hari, inilalabas nila ang mga kalasag at pagkatapos ay ipinababalik sa silid ng mga bantay. 12 Sapagkat nagpakumbaba si Rehoboam, hindi ganap na ibinuhos ng Diyos ang galit nito sa kanya. Hindi sila nalipol nang tuluyan at naging matiwasay na ang kalagayan ng Juda.
Ang Buod ng Kasaysayan ng Paghahari ni Rehoboam
13 Naging matatag ang paghahari ni Rehoboam sa Jerusalem. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang magsimulang maghari at labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Yahweh sa lahat ng lipi ng Israel upang doon siya sambahin. Ang kanyang ina ay si Naama, na isang Ammonita. 14 Naging masama siya sapagkat hindi niya sinunod ang kalooban ni Yahweh.
15 Ang mga ginawa ni Rehoboam buhat sa simula hanggang sa wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Semaias at sa Kasaysayan ng propetang si Iddo. Patuloy ang digmaan nina Jeroboam at Rehoboam sa buong panahon ng paghahari nila. 16 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lunsod ni David at si Abias na anak niya ang humalili sa kanya bilang hari.
30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Martha. 31 Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus.
Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”
35 Tumangis si Jesus. 36 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo, talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” 37 Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya napigilang mamatay si Lazaro?”
Muling Binuhay si Lazaro
38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. 39 “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus.
Ngunit si Martha na kapatid ng namatay ay sumagot, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.”
40 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dininig mo ako, 42 at alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakabalot ding tela sa mukha niya. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalakad siya.”
Ang Balak Laban kay Jesus(A)
45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa.”
49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, ay nagsabing, “Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa inyo na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?” 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, nagpahayag siya ng propesiya na dapat mamatay si Jesus alang-alang sa bansa 52 at hindi lamang para sa bansa kundi upang tipunin ang mga anak ng Diyos na nasa iba't ibang dako. 53 Mula noon, pinagplanuhan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.
55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. 56 Hinanap nila si Jesus, at habang sila'y nag-uusap-usap sa Templo, sila'y nagtanungan, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.