Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 17-19

Paparusahan ng Diyos ang Damasco at ang Israel

17 Ganito(A) ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Damasco:

“Mawawala ang Lunsod ng Damasco,
    at magiging isang bunton na lamang ng mga gusaling gumuho.
Kailanma'y wala ng titira sa mga lunsod ng Siria.
    Magiging pastulan na lamang siya
    ng mga kawan ng mga tupa at baka at walang mananakot sa kanila.
Mawawasak ang mga tanggulan ng Efraim,
    babagsak ang kaharian ng Damasco.
Matutulad sa sinapit ng Israel ang kapalarang sasapitin ng malalabi sa Siria.”
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

“Sa araw na iyon
    maglalaho ang kaningningan ng Israel,
ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan.
Matutulad siya sa isang triguhan
    matapos gapasin ng mga mag-aani.
Matutuyot siyang gaya ng bukirin sa Refaim
    matapos simuting lahat ng mga mamumulot.
Ilang tao lamang ang matitira sa lahi ng Israel,
    matutulad siya sa puno ng olibo na pinitas ang lahat ng mga bunga,
at walang natira kundi dalawa o tatlong bunga
    sa pinakamataas na sanga,
apat o limang bunga
    sa mga sangang dati'y maraming magbunga.”
Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

Sa araw na iyon lalapit ang mga tao sa Lumikha sa kanila, sa Banal na Diyos ng Israel. Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila na rin ang gumawa. Hindi na sila magtitiwala sa mga diyus-diyosang Ashera o sa mga altar na sunugan ng insenso na inanyuan ng kanilang mga kamay. Sa araw na iyon, iiwan ng mga tao ang iyong mga lunsod. Tulad ng nangyari sa mga lunsod ng mga Hivita at Amoreo[a] noong dumating ang mga Israelita.

10 Kinalimutan ninyo ang Diyos na nagligtas sa inyo,
    at hindi na ninyo naaalaala ang Bato na inyong kanlungan,
sa halip, gumawa kayo ng mga sagradong hardin
    na itinalaga ninyo sa isang diyus-diyosan,
    sa paniniwalang pagpapalain niya kayo.
11 Ngunit kahit tumubo man ang mga halaman
    at mamulaklak sa araw na inyong itinanim,
wala kang aanihin pagdating ng araw
    kundi pawang sakuna at walang katapusang kahirapan.

Tatalunin ang mga Kaaway na Bansa

12 Ang ingay ng napakaraming tao
    ay parang ugong ng karagatan.
Rumaragasa ang mga bansa
    na parang hampas ng mga alon.
13 Nagkakaingay ang mga bansa na tulad ng daluyong ng tubig,
    ngunit pinigil sila ng Diyos, at sila'y tumakas,
parang alikabok na inililipad ng hangin sa ibabaw ng burol
    at dayaming tinatangay ng ipu-ipo.
14 Sa gabi'y magsasabog sila ng sindak
    ngunit pagsapit ng umaga'y wala na sila.
Ganyan ang mangyayari sa mga umaapi sa atin,
    iyan ang sasapitin ng mga nagnakaw ng ating mga ari-arian.

Paparusahan ng Diyos ang Etiopia

18 Pumapagaspas(B) ang pakpak ng mga kulisap
    sa isang lupain sa ibayo ng mga ilog ng Etiopia,[b]
mula roo'y may dumating na mga sugo
    sakay ng mga bangkang yari sa tambo,
at sumusunod sa agos ng Ilog Nilo.
Bumalik na kayo, mabibilis na tagapagbalita,
    sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog,
sa inyong bayan na ang tao'y matatangkad at makikinis ang balat,
    bayang kinagugulatan ng lahat, makapangyarihan at mapanakop.

Makinig kayong lahat na mga naninirahan sa daigdig!
    Abangan ninyo ang pagtataas ng watawat sa ibabaw ng bundok,
    hintayin ninyo ang tunog ng trumpeta!
Sapagkat ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:
“Buhat sa aking kinaroroonan, tahimik akong nagmamasid,
    parang sinag ng araw kung maaliwalas ang langit,
    parang ulap na may dalang hamog sa tag-araw.
Sapagkat bago dumating ang anihan kapag tapos na ang pamumulaklak
    at kapag nahinog na ang mga ubas,
ang mga sanga ay puputulin ng matatalas na karit
    saka itatapon.
Ibibigay sila sa ibong mandaragit
    at sa mababangis na hayop.
Kakainin sila ng mga ibon sa tag-araw
    at ng mga hayop sa taglamig.”

Sa panahong iyon, dadalhin kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang mga handog na galing sa lupaing ito, sa lupaing hinahati ng mga ilog.
Magpapadala ng kanilang handog ang malakas na bansa,
    ang mga taong matatangkad at makikinis ang balat, na kinatatakutan sa buong daigdig.
Pupunta sila sa Bundok ng Zion,
    sa lugar na nakalaan sa pagsamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

Paparusahan ang Egipto

19 Narito(C) ang pahayag tungkol sa Egipto:

Tingnan ninyo! Nakasakay si Yahweh sa isang mabilis na ulap patungo sa Egipto.
Nanginginig sa takot ang mga diyus-diyosan ng Egipto,
    at ang mga Egipcio'y naduwag.
Ang sabi ni Yahweh:
“Paglalaban-labanin ko ang mga Egipcio:
    Kapatid laban sa kapatid,
    kasama laban sa kasama,
    lunsod laban sa lunsod, kaharian laban sa kaharian.
Masisiraan ng loob ang mga Egipcio,
    at guguluhin ko ang kanilang mga balak,
hihingi sila ng tulong sa mga diyus-diyosan,
    sa mga mangkukulam, sa mga nakikipag-usap sa espiritu ng patay at manghuhula.
Ibibigay ko ang Egipto sa kamay ng isang malupit na panginoon;
isang mabagsik na hari ang sasakop sa kanila.”
    Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihang Panginoon.

Bababaw ang tubig sa Ilog Nilo,
    at unti-unting matutuyo.
Babaho ang mga kanal,
    ang Ilog Nilo ng Egipto ay mauubusan ng tubig,
    at matutuyo rin ang mga tambo at mga talahib.
Malalanta ang mga halaman sa pampang ng Nilo,
itataboy ng hangin, at hindi na muling makikita.
Magluluksa ang mga mangingisda,
    at mananaghoy ang lahat ng namimingwit,
    ang mga naghahagis naman ng lambat ay manlulupaypay.
Manghihina ang loob ng mga gumagawa ng kasuotang linen;
10 manlulupaypay ang mga humahabi ng tela,
    at mawawalan ng pag-asa ang mga manggagawa.

11 Hangal kayong lahat, mga pinuno ng Zoan!
    Kayong matatalinong tagapayo ng Faraon, pawang walang saysay ang inyong ipinapayo.
Paano ninyo masasabi sa Faraon:
    “Ako'y mula sa lahi ng mga matatalino
    at ang mga ninuno ko'y hari noong unang panahon?”
12 Nasaan, Faraon, ang iyong mga matatalino?
    Bakit hindi nila sabihin sa iyo ngayon
    ang plano ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa Egipto?
13 Hangal ang mga pinuno ng Zoan,
    at baliw ang mga pinuno ng Memfis;
iniligaw nila ang Egipto tungo sa kapahamakan.
14 Ginulo ni Yahweh ang kanilang pag-iisip.
Iniligaw nila ang Egipto sa lahat nitong ginagawa,
    animo'y lasing itong pasuray-suray at nagsusuka habang daan.
15 Walang sinuman sa Egipto,
    dakila man o karaniwang tao ang makakapagbigay ng tulong.

Sasambahin na ng Egipto si Yahweh

16 Sa araw na iyon, ang mga Egipcio'y magiging parang mga babaing manginginig sa takot kapag iniunat na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang kamay upang sila'y parusahan. 17 Masisindak ang mga Egipcio sa mga taga-Juda marinig lamang nila ang pangalan nito, dahil sa balak ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa kanila.

18 Sa araw na iyon, limang lunsod sa Egipto ang gagamit ng wikang Hebreo, at manunumpa sila sa pangalan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Isa sa mga lunsod na ito ay tatawaging Lunsod ng Araw.

19 Si Yahweh ay ipagtatayo sa Egipto ng isang altar at siya'y pararangalan sa pamamagitan ng isang haliging bato sa may hangganan ng lupain. 20 Iyan ang magiging palatandaan na si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay naroon at sila'y bibigyan niya ng tagapagtanggol kapag sila'y humingi ng tulong sa panahon ng pag-uusig. 21 Magpapakilala si Yahweh sa mga Egipcio at siya nama'y kanilang kikilanlin, sasambahin at aalayan ng handog na susunugin. Gagawa sila ng mga sinumpaang pangako kay Yahweh at ang mga iyon ay kanilang tutuparin. 22 Paparusahan ni Yahweh ang mga Egipcio, ngunit sila nama'y kanyang aaliwin. Manunumbalik sila sa kanya at sila'y kanyang diringgin at pagagalingin.

23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng isang malawak na daan buhat sa Egipto patungo sa Asiria. Makakapunta sa Asiria ang mga Egipcio at ang mga taga-Asiria ay makakapunta sa Egipto; sila'y sama-samang sasamba.

24 Sa araw na iyon, ang Israel ay magiging kapanalig ng Egipto at Asiria, at sila'y magiging pagpapala sa buong daigdig. 25 Sa araw na iyon, sasabihin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Pagpapalain kita Egipto na aking bayan; ikaw Asiria na aking itinatag, at ikaw Israel na aking pinili.”

Efeso 5:17-33

17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

18 Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. 19 Sa(A) inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Tagubilin sa Mag-asawa

21 Pasakop kayo sa isa't isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo.

22 Mga(B) babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito. 24 Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa.

25 Mga(C) lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya 26 upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita. 27 Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan. 28 Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29 Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito'y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya. 30 Tayo nga'y mga bahagi ng kanyang katawan. 31 Gaya(D) ng sinasabi sa kasulatan, “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at silang dalawa ay magiging isa.” 32 Mayroon ditong malalim na hiwaga, at sinasabi ko na ito'y tumutukoy sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya. 33 Subalit ito'y para din sa inyo: kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang ninyo ang inyong asawa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.