Old/New Testament
Payo sa mga Kabataang Lalaki
3 Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin,
lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim;
2 upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay,
at maging masagana sa lahat ng kailangan.
3 Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran,
ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan.
4 Sa(A) gayon, malulugod sa iyo ang Diyos,
at kikilalanin ka ng mga tao.
5 Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan,
at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.
6 Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin,
upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
7 Huwag(B) mong ipagyabang ang iyong nalalaman;
igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan.
8 Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag,
mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.
9 Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan,
at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan.
10 Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw,
sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.
11 Aking(C) (D) anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin,
at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil,
12 pagkat(E) lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan,
tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang.
13 Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan,
at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo.
14 Higit pa sa pilak ang pakinabang dito,
at higit sa gintong lantay ang tubo nito.
15 Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan,
at walang kayamanang dito ay maipapantay.
16 Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman,
may taglay na kayamanan at may bungang karangalan.
17 Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman,
at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw.
18 Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan,
para siyang punongkahoy na mabunga kailanman.
19 Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig,
sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit.
20 Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig,
pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit.
Ang Matiwasay na Pamumuhay
21 Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala,
huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita.
22 Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay.
23 At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay,
sa landas mo'y hindi ka matatalisod.
24 Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin,
at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing.
25 Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan,
hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang.
26 Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo,
at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo.
27 Ang(F) kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa,
kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ.
28 Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan,
huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.”
29 Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan
na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan.
30 Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan,
kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan.
31 Huwag kang maiinggit sa taong marahas
ni lalakad man sa masama niyang landas.
32 Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot,
ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot.
33 Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama,
ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala.
34 Ang(G) mga palalo'y kanyang kinasusuklaman,
ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban.
35 Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan,
ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang.
Ang Payo ng mga Magulang
4 Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng inyong ama,
sasainyo ang unawa kung laging diringgin siya.
2 Pagkat tiyak na mabuti itong aking sinasabi,
kaya't aking mga katuruan huwag mong isantabi.
3 Noong ako ay bata pa, nasa kupkop pa ni ama,
batambata, walang malay, tanging anak nga ni ina,
4 itinuro niya sa akin at kanyang sinabi,
“Sa aking mga aral buong puso kang manangan,
sundin mo ang aking utos at ikaw ay mabubuhay.
5 Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran,
ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan.
6 Huwag mo itong pabayaan at ika'y kanyang iingatan,
huwag mo siyang iiwanan at ika'y kanyang babantayan.
7 Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan,
ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal.
8 Karununga'y pahalagahan at ika'y kanyang itataas,
bibigyan kang karangalan kapag iyong niyakap.
9 Siya'y korona sa ulo, sakdal ganda, anong inam,
at putong ng kaluwalhatian sa iyong katauhan.”
10 Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin,
lalawig ang iyong buhay, maraming taon ang bibilangin.
11 Ika'y pinatnubayan ko sa daan ng karunungan,
itinuro ko sa iyo ang daan ng katuwiran.
12 Hindi ka matatalisod sa lahat ng iyong hakbang,
magmabilis man ng lakad ay hindi ka mabubuwal.
13 Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan,
ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong buhay.
14 Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran,
at ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan.
15 Kasamaa'y iwasan mo, ni huwag lalapitan,
bagkus nga ay talikuran mo, tuntunin ang tamang daan.
16 Sila'y hindi makatulog kapag di nakagawa ng masama,
at hindi matahimik kapag nasa'y di nagawa.
17 Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan,
ang kanilang iniinom ay bunga ng karahasan.
18 Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway,
tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal.
19 Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman,
ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal.
20 Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
21 Huwag itong babayaang mawala sa paningin,
sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.
22 Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay,
nagbibigay kalusuga't kagalingan ng katawan.
23 Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan,
pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
24 Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay,
ilayo ang mga labi sa kasinungalingan.
25 Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw,
ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan.
26 Siyasatin(H) mong mabuti ang landas na lalakaran,
sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay.
27 Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan;
humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan.
Babala Laban sa Pangangalunya
5 Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
2 Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya,
at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya.
3 Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot,
at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot.
4 Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog,
hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod.
5 Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan,
daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan.
6 Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay,
ang daan niya'y liku-liko, ni hindi niya ito nalalaman.
7 Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig,
huwag lilimutin, salita ng aking bibig.
8 Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay,
ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang bahay.
9 Baka dangal mo'y sirain at angkinin pa ng iba,
sa kamay ng masasama ay mamatay kang maaga.
10 Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala,
mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba.
11 Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap,
walang matitira sa iyo kundi buto't balat.
12 Dito mo nga maiisip:
“Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid,
puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig.
13 Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig,
sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig.
14 At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan,
isang kahihiyan sa ating lipunan.”
15 Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal,
at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang.
16 Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa,
walang buting idudulot, manapa nga ay balisa.
17 Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan,
upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong buhay.
18 Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay,
ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan.
19 Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit,
ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib.
20 Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit,
ni huwag mong papansinin makamandag niyang halik.
21 Ang paningin ni Yahweh sa tao'y di iniaalis,
laging nakasubaybay, bawat oras, bawat saglit.
22 Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang,
siya ang magdurusa sa sariling kasalanan.
23 Pagkat walang pagpipigil, siya ay mamamatay
at dahil sa kamangmangan, hantungan niya'y sa libingan.
1 Mula(A) kay Pablo na isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, kasama ang kapatid nating si Timoteo—
Para sa iglesya ng Diyos sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya.
2 Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat ni Pablo
3 Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kahabagan at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. 4 Inaaliw niya kami sa aming mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay maaliw naman namin sa mga nahahapis. 5 Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo. 6 Kung naghihirap man kami, ito'y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin. 7 Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan.
8 Mga(B) kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami. 9 Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.
Nagbago ng Balak si Pablo
12 Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat[a] at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa kagandahang-loob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao. 13 Ang isinulat namin sa inyo ay iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan. 14 Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong maipagmamalaki namin kayo.
15 Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang dalawang ulit kayong pagpalain. 16 Binalak(C) kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea. 17 Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala? 18 Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang aming salita sa inyo ay “Oo” kung “Oo” at “Hindi” kung “Hindi”. 19 Ang(D) Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” 20 sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin. 22 Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako.
23 Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko. 24 Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.