Old/New Testament
8 Pagkatapos na mangyari ito, si Jesus ay naglakbay sa bawat lungsod at sa bawat nayon. Siya ay nangangaral at naghahayag ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos. Ang labindalawang alagad ay kasama niya. 2 Kasama rin niya ang ilang mga babae na pinagaling mula sa masamang espiritu at sakit. Kasama nila si Maria na tinaguriang Magdala na nilabasan ng pitong demonyo. 3 Kasama rin si Joana na asawa ni Chuza, na isang tagapangasiwa ng sambahayan ni Herodes. Kasama rin si Susana at ang marami pang iba. Naglilingkod sila sa kaniya ng mula sa kanilang mga ari-arian.
Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik
4 Nagtipun-tipon ang napakaraming mga tao at ang mga nanggaling sa bawat lungsod ay pumunta sa kaniya. Nagsalita siya sa pamamagitan ng talinghaga.
5 Ang manghahasik ay lumabas upang ihasik ang kaniyang binhi. Sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan at ito ay naapakan. Ito ay kinain ng mga ibon sa langit. 6 Ang iba ay nahulog sa bato. Nang ito ay umusbong, ito ay natuyo dahil sa kakulangan ng hamog. 7 Ang iba ay nahulog sa dawagan. Kasabay nitong umusbongang mga dawag at ito ay nasiksik ng mga dawag. 8 Ang iba ay nahulog sa matabang lupa. Umusbong ang mga ito at namunga ng isang daan.
Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, sumigaw siya: Ang may pandinig ay makinig.
9 Tinanong siya ng kaniyang mga alagad: Ano kaya ang kahulugan ng talinghagang ito? 10 Sinabi niya: Ipinagkaloob sa inyo ang makaalam ng mga hiwaga ng paghahari ng Diyos ngunit sa iba ay nagsalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga.
Ito ay upang sa pagtingin ay hindi sila makatalos at sa pagdinig ay hindi sila makaunawa.
11 Ngayon, ang talinghaga ay ito: Ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga nasa tabing-daan ay ang mga nakikinig. Dumating ang diyablo at kinuha ang salita mula sa kanilang mga puso. Ito ay upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mga nasa bato ay sila, na nang makarinig ay may kagalakang tinanggap ang salita. Ang mga ito ay walang mga ugat na sa ilang panahon ay sumampalataya. Sa panahon ng pagsubok sila ay lumayo. 14 Ngunit ang mga nahulog sa dawag ay sila na mga nakarinig. At nang sila ay humayo, sila ay nasakal ng mga kabalisahan at mga kayamanan at mga kasiyahan ng buhay. Hindi sila lumago. 15 Ang mga nahulog sa matabang lupa ay ang mga nakarinig ng salita at tumanggap nito. Tinanganan nila ito na may marangal at mabuting puso. Sila ay nasumpungang may pagtitiis.
Ang Ilawan sa Lagayan ng Ilaw
16 Walang sinumang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay tinatakpan ng banga. Wala ring nagsisindi ng ilawan at inilalagay ito sa ilalim ng higaan. Ito ay inilalagay sa lagayan ng ilawan upang ang liwanag nito ay makita ng mga pumapasok.
17 Ito ay sapagkat walang anumang nakatago na hindi mahahayag. Wala ring anumang lihim na hindi malalaman at maliliwanagan. 18 Mag-ingat nga kayo sa inyong pakikinig sapagkat sa sinumang mayroon, siya ay bibigyan pa. Sa sinumang wala, maging ang inaakala niyang sa kaniya ay kukunin pa sa kaniya.
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus
19 Sa oras na iyon, pumunta kay Jesus ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki. Hindi sila makalapit sa kaniya dahil sa napakaraming tao.
20 May nagsabi sa kaniya: Ang iyong ina at mga kapatid na lalaki ay nasa labas. Nais ka nilang makita.
21 Sinabi niya sa kanila: Ang aking ina at mga kapatid ay sila na nakikinig at gumagawa ng Salita ng Diyos.
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo
22 At isang araw, nangyari na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila: Pumunta tayo sa kabilang ibayo ng lawa. At sila ay pumalaot.
23 Habang sila ay naglalayag, si Jesusay nakatulog. Dumating ang isang unos sa lawa. Sila ay nanganib sapagkat napupuno ng tubig ang bangka.
24 Pagpunta nila sa kaniya, siya ay ginising nila. Kanilang sinabi: Guro, Guro, mapapahamak kami!
Paggising niya, sinaway niya ang hangin at alon ng tubig. Tumigil ang mga ito at nagkaroon ng kapayapaan.
25 Sinabi niya sa kanila: Nasaan ang inyong pananampalataya?
Sila ay natakot at namangha. Sinabi nila sa isa’t isa: Sino ang taong ito na kahit ang hangin at tubig ay inuutusan niya at sinusunod siya ng mga ito?
Copyright © 1998 by Bibles International