Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 2:25-52

25 Narito, sa Jerusalem ay may isang lalaki na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at maka-diyos na naghihintay sa kaaliwan ng Israel. At ang Banal na Espiritu ay sumasakaniya. 26 Ang Banal na Espiritu ay naghayag sa kaniya na hindi siya mamamatay hanggang hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Siya ay pumunta sa loob ng templo sa pamamagitan ng Espiritu. Dinala ng mga magulang ang maliit na batang si Jesus sa templo. Ito ay upang magawa nilasa kaniya ang naaayon sa naging kaugalian sa kautusan. 28 Nang dinala nila ang maliit na bata, kinarga siya ni Simeon at pinuri ang Diyos. 29 Sinabi niya: Panginoon, ngayon ay papanawin mo na ang iyong alipin na may kapayapaan ayon sa iyong salita. 30 Ito ay sapagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas. 31 Inihanda mo ito sa harap ng lahat ng mga tao. 32 Ang kaligtasang ito ay isang liwanag upang maging kapahayagan sa mga Gentil. Ito ay kaluwalhatian ng Israel na iyong mga tao.

33 Si Jose at ang ina ni Jesus ay namangha sa mga bagay na sinabi patungkol sa kaniya. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria na ina ng bata: Narito, siya ay itinalaga upang ibagsak at itindig ang marami sa Israel. Siya ay magiging isang tanda na kanilang tututulan. 35 Ito ay mangyayari upang mahayag ang mga pagtatalo ng maraming puso. Sa iyo rin, isang tabak ang tatagos sa iyong kaluluwa.

36 Naroroon din si Ana, isang babaeng propeta na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay lubhang matanda na. Mula sa kaniyang kadalagahan, pitong taon siyang namuhay na may asawa. 37 Siya ay mga walumpu’t-apat na taon na at siya ay isang balo. At hindi na siya umalis sa templo. Araw at gabi siya ay naglilingkod na may mga pag-aayuno at mga pagdalangin. 38 Sa oras ding iyon, pumasok siya sa kinaroroonan nila at nagpuri sa Panginoon. Nagsalita siya patungkol kay Jesus sa kanilang lahat na nasa Jerusalem na naghihintay ng katubusan.

39 Naganap na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon. Sila ay bumalik sa Galilea, sa Nazaret na kanilang lungsod. 40 Ang bata ay lumaki at lumakas sa espiritu. Napuspos siya ng karunungan at ang biyaya ng Diyos ay sumakaniya.

Ang Batang si Jesus ay Naiwan sa Loob ng Templo

41 Taun-taon ay pumupunta ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem para sa pista ng Paglagpas.

42 Nang si Jesus ay labindalawang taong gulang na, sila ay umahon sa Jerusalem ayon sa kaugalian ng kapistahan. 43 Sila ay bumalik nang mabuo na nila ang mga araw ng kapistahan. Sa kanilang pagbabalik, ang batang si Jesus ay nanatili sa Jerusalem na hindi nalalaman ni Jose at ng ina ng bata. 44 Sa pag-aakala nilang siya ay nasa kasamahan nila, sila ay yumaon at naglakbay ng isang araw. Pagkatapos nito, hinanap nila siya sa mga kamag-anak at mga kakilala. 45 Nang hindi nila siya natagpuan, bumalik sila sa Jerusalem at hinanap siya. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, natagpuan nila siya sa templo. Siya ay nakaupo sa kalagitnaan ng mga guro, nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47 Ang lahat ng mga nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at mga sagot. 48 Nanggilalas ng labis ang kaniyang mga magulang nang makita siya. Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina: Anak, bakit mo ginawa sa amin ang ganiyan? Ako at ang iyong ama ay naghanap sa iyo ng may hapis.

49 Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako hinanap? Hindi ba ninyo alam na kinakailangan kong gawin ang mga bagay na may kinalaman sa aking Ama? 50 Hindi nila naunawaan ang mga salitang sinabi niya sa kanila.

51 At siya ay lumusong na kasama nila at dumating sa Nazaret. Siya ay nagpasakop sa kanila. At iningatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga bagay na ito. 52 At si Jesus ay lumago sa karunungan, at pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Diyos, at sa mga tao.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International