Old/New Testament
Si Jesus sa Harap ni Pilato
15 Kapagdaka, sa kinaumagahan, ang mga pinunong-saserdote ay bumuo ng sanggunian kasama ang mga matanda at mga guro ng kautusan at ang buong Sanhedrin. Kanilang tinalian si Jesus at ibinigay nila siya kay Pilato.
2 Tinanong siya ni Pilato: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
Sumagot si Jesus na nagsasabi: Tama ang iyong sinabi.
3 Ang mga pinunong-saserdote ay nagparatang sa kaniya ng maraming bagay. 4 Tinanong siyang muli ni Pilato na nagsasabi: Tingnan mo kung gaano karami ang paratang nila laban sa iyo. Hindi ka ba sasagot?
5 Ngunit hindi pa rin tumugon si Jesus at namangha si Pilato.
6 Ngayon, sa araw ng paggunita, kaugalian ni Pilato na magpalaya sa kanila ng isang bilanggo na nais nilang hingin. 7 Mayroong isang lalaki na kung tawagin ay Barabas. Siya ay nakabilanggo kasama ang kapwa niyang mga maghihimagsik na nakapatay sa isang pag-aalsa. 8 Nagsimulang humiling kay Pilato ang napakaraming tao. Hiniling nila na gawin niya ang nakaugalian niyang ginagawa para sa kanila.
9 Sumagot sa kanila si Pilato na nagsasabi: Nais ba ninyong pakawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio? 10 Sinabi niya ito dahil batid niya na dinala si Jesus ng mga pinunong-saserdote dahil sa inggit. 11 Inudyukan ng mga pinunong-saserdote ang napakaraming tao na ang pawalan para sa kanila ay si Barabas.
12 Sumagot muli si Pilato. Sinabi niya sa kanila: Ano ang nais ninyong gawin ko sa kaniya na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio.
13 Muli silang sumigaw: Ipako siya sa krus!
14 Sinabi ni Pilato sa kanila: Ano bang kasamaan ang kaniyang ginawa?
Higit pa silang sumigaw: Ipako siya sa krus!
15 Sa pagnanais ni Pilato na bigyang-lugod ang napakaraming tao ay pinalaya niya si Barabas sa kanila. Si Jesus naman pagkatapos na hagupitin ay ibinigay sa kanila upang ipako siya sa krus.
Nilibak ng mga Kawal si Jesus
16 Dinala siya ng mga kawal sa loob ng patyo na tinatawag na hukuman. Tinawag nila ang buong batalyon ng mga kawal na naroroon upang magtipon.
17 Sinuotan nila siya ng kulay ubeng damit. Nagsalapid din sila ng koronang tinik at inilagay nila ito sa kaniya. 18 Nagsimula silang bumati sa kaniya na sinasabi: Binabati, Hari ng mga Judio. 19 Hinampas nila siya sa ulo sa pamamagitan ng tambo at dinuraan siya. Lumuhod sila at sinamba siya. 20 Matapos nila siyang kutyain, hinubad nila ang kulay ubeng damit at isinuot sa kaniya ang kaniyang mga damit. Kanilang inaakay siya papalabas upang ipako sa krus.
Ipinako Nila si Jesus sa Krus
21 May isang dumadaan na pinilit nilang magbuhat ngkrus ni Jesus. Ito ay si Simon na taga-Cerene na dumating galing sa kaniyang bukid. Siya ang ama ni Alejandro at ni Rufo.
22 Dinala nila si Jesus sa dako ng Golgota na ang kahulugan ay dako ng bungo. 23 Binigyan nila siya ng alak na may halong mira upang kaniyang inumin ngunit hindiniya ito tinanggap. 24 Matapos siyang ipako sa krus, pinaghati-hatian nila ang kaniyang mga damit. Nagpalabunutan sila upang malaman nila kung kanino at ano ang madadala ng bawat isa.
25 Ika-tatlo na ang oras nang siya ay ipako nila sa krus.
Copyright © 1998 by Bibles International