Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 14:27-53

Hinulaan ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro

27 Sinabi ni Jesus sa kanila: Katitisuran ninyo ako ngayong gabi sapagkat nasusulat:

Sasaktan ko ang pastol at ang tupa ay manga­ngalat.

28 Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.

29 Sumagot si Pedro: Kahit na katitisuran ka ng lahat, ako ay hindi.

30 Sinabi sa kaniya ni Jesus: Katotohonang sinasabi ko sa iyo, ngayong gabing ito, bago tumilaok nang dalawang ulit ang tandang, tatlong ulit mo akong ipagkakaila.

31 Ngunit lalong naging matigas ang sinabi ni Pedro: Kung kailangang ako ay mamatay na kasama mo, kailanman ay hindi kita ikakaila. Gayundin ang sinabi ng lahat ng alagad.

Nanalangin si Jesus Doon sa Bundok ng Olibo

32 Sila ay dumating sa lugar na kung tawagin ay Getsemane. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Umupo kayo rito habang ako ay nananalangin.

33 Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula siyang mabagabag nang lubha at lubos na nahirapan ang kaniyang kalooban. 34 Sinabi niya sa kanila: Ang kaluluwa ko ay lubhang namimighati na halos aking ikamatay. Dumito kayo at magbantay.

35 Nang makalayo siya ng kaunti, nagpatirapa siya sa lupa at nanalangin. Idinalangin niya na kung maaari ay lumagpas sa kaniya ang pangyayaring ito. 36 Sinabi niya: Abba, Ama. Ang lahat ng mga bagay ay magagawa mo. Alisin mo ang sarong ito sa akin, ngunit hindi ang aking kalooban ang mangyari kundi ang kalooban mo.

37 Lumapit siya sa mga alagad at nasumpungan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro: Simon, natutulog ka ba? Hindi mo ba kayang magbantay nang isang oras? 38 Manatili kayong gising at manalangin upang huwag kayong pumasok sa tukso. Ang espiritu ay nagnanais ngunit ang katawan ay mahina.

39 Siya ay muling umalis at nanalangin na sinasabi ang gayunding salita. 40 Siya ay bumalik at muling nasumpungan silang natutulog sapagkat antok na antok na sila. Hindi nila alam kung ano ang nararapat nilang isagot sa kaniya.

41 Lumapit siya sa ikatlong ulit at sinabi sa kanila: Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, dumating na ang oras. Narito, ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon kayo! Tayo na! Narito, ang magkakanulo sa akin ay papalapit na.

Dinakip Nila si Jesus

43 Kapagdaka, habang nagsasalita pa siya, si Judas na isa sa labindalawang alagad ay lumapit. Kasama niya ang napaka­raming tao na may dalang mga tabak at pamalo. Ang mga taong ito ay galing sa mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at mga matanda.

44 Siya na nagkanulo ay nagbigay sa kanila ng tanda na nagsasabi: Sinuman ang aking halikan ay siya na nga. Dakpin ninyo siya at dalhing palayo at bantayang mabuti. 45 Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. Sinabi niya: Guro! Guro! At mataimtim niyang hinalikan si Jesus. 46 Pagkatapos nito, si Jesus ay sinunggaban at dinakip ng mga tao. 47 Ngunit isa sa mga nakatayo doon ay bumunot ng tabak at tinaga niya ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang tainga nito.

48 Si Jesus ay sumagot na nagsasabi sa kanila: Pumunta ba kayo ditong may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na tulad ng isang tulisan? 49 Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo ngunit hindi ninyo ako dinakip. Ito ay upang ang mga kasulatan ay maganap. 50 Iniwan nila si Jesus at silang lahat ay nagmamadaling tumakbo.

51 Isang binata ang sumusunod kay Jesus na walang suot sa katawan maliban sa nakabalabal na lino. Siya ay sinunggaban ng mga binata. 52 Ngunit iniwan niya ang nakabalabal sa kaniya at nagmamadaling tumakbo mula sa kanila na walang damit.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin

53 Dinala ng mga tao si Jesus patungo sa pinakapunong-saserdote. Ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga matanda at mga guro ng kautusan ay nagkatipon sa kaniya.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International