Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 14:1-26

Nakipagkasundo si Judas na Ipagkanulo si Jesus

14 Pagkaraan ng dalawang araw ay ang pista ng Paglampas at pista ng tinapay na walang pampaalsa. Ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ay humahanap ng paraan upang palinlang nilang mahuli at maipapatay si Jesus.

Ngunit ang sabi nila: Huwag sa araw ng paggunita, at baka magkagulo ang mga tao.

Samantalang siya ay nasa Betania, dumulog siya sa hapag-kainan sa bahay ni Simon na isang ketongin. May dumating na isang babaeng may dalang garapong alabastro na puno ng mamahaling pabango na purong nardo. Binasag niya ang garapong alabastro at ibinuhos niya ang pabango sa ulo ni Jesus.

Ang ilan sa mga naroroon ay lubhang nagalit at nagsabi: Bakit niya sinayang ang pabango? Naipagbili sana ito nang higit sa tatlong daang denario at naipamahagi sa mga dukha. At pinagalitan nila ang babae.

Ngunit ang sabi ni Jesus: Hayaaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginagambala? Mabuti ang ginawa niya sa akin. Ito ay sapagkat ang mga dukha ay lagi ninyong kasama. Tuwing nais ninyo, magagawan ninyo sila ng mabuti. Ngunit ako ay hindi ninyo laging kasama. Ginawa ng babaeng ito ang kaniyang makakaya. Ipinagpauna na niya ang pagpahid sa aking katawan para sa aking libing. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Saan man ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa niyang ito ay mababanggit. Ito ay magiging isang pag-alaala sa kaniya.

10 Si Judas na taga-Keriot, isa sa labindalawang alagad ay pumunta sa mga pinunong-saserdote upang ipagkanulo si Jesus. 11 Pagkarinig nila, sila ay natuwa at nangakong bigyan siya ng salapi. Naghanap siya ng tamang panahon kung papaano ipagkakanulo si Jesus sa kanila.

Ang Huling Hapunan

12 Sa unang araw ng pista ng tinapay na walang pampaalsa, kaugalian nilang magkatay ng batang tupa ng Paglagpas. Sinabi ng mga alagad ni Jesus sa kaniya: Saan mo nais na kami ay pumunta upang maihanda namin ang hapunang Paglagpas upang ikaw ay makakain?

13 Kaya sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: Pumunta kayo sa lungsod at may masasa­lubong kayong lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya. 14 Sabihin ninyo sa may-ari ng sambahayan na kaniyang papasukan. Sinabi ng guro: Saan ang silid-pampanauhin na aking kakainan ng hapunan para sa Paglagpas kasama ng aking mga alagad? 15 Ipapakita niya ang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at nakaayos na. Doon kayo maghanda para sa atin.

16 Umalis ang mga alagad at pumasok sa lungsod. Natagpuan nila roon ang gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. Inihanda nila ang hapunang Paglagpas.

17 Nang gumabi na, si Jesus ay dumating kasama ng labindalawang alagad. 18 Habang nakadulog at kumakain, sinabi ni Jesus: Katotohonang sinasabi ko sa inyo: Ipag­kakanulo ako ng isa sa inyo na kumakaing kasalo ko.

19 Sila ay nagsimulang nalungkot at isa-isang nagsabi sa kaniya: Ako ba? Sinabi rin ng iba: Ako ba?

20 Sumagot sa kanila si Jesus: Ang isa sa inyo sa labindalawang alagad na kasabay ko sa pagsawsaw sa mangkok, siya iyon. 21 Ang naisulat patungkol sa Anak ng Tao ay siyang mangyayari sa akin. Ngunit sa aba ng taong magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi na siya ipinanganak.

22 Habang kumakain sila, dumampot ng tinapay si Jesus. Pinagpala niya ito, pinagputul-putol at ibinigay sa kanila. Sinabi niya: Kunin ninyo ito at kainin, ito ay aking katawan.

23 Kinuha niya ang saro at matapos magpasalamat ay ibi­nigay niya sa kanila. Silang lahat ay uminom sa saro. 24 Sinabi niya sa kanila: Ito ang aking dugo ng bagong tipan na nabuhos para sa marami. 25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi ako iinom ng bunga ng ubas hanggang sa araw na maipa­numbalik ko ang aking pag-inom nito sa paghahari ng Diyos.

26 Umawit sila ng isang himno. Pagkatapos, sila ay pumunta sa bundok ng mga Olibo.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International