Old/New Testament
Pagpapalayas ng Lalaki sa Asawang Babae
10 Si Jesus ay umalis doon. Dumaan siya sa kabilang ibayo ng Jordan, at pumunta sa mga nasasakupan ng Judea. Muling dumating ang napakaraming tao sa kaniya at tulad ng kinaugalian niya, sila ay tinuruan niyang muli.
2 Ang mga Fariseo, na lumapit kay Jesus, ay nagtanong upang subukin siya: Matuwid ba sa lalaki na palayasin ang kaniyang asawa?
3 Sumagot si Jesus na sinasabi sa kanila: Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?
4 Sumagot sila: Ipinahintulot ni Moises na sumulat ng katibayan ng paghihiwalay at palayasin siya.
5 Sa pagsagot ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Dahil sa katigasan ng inyong puso sinulat niya para sa inyo ang utos na ito. 6 Ngunit buhat pa sa pasimula ng paglalang, ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.
7 Dahil dito iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at siya ay makikipag-isa sa kaniyang asawa. 8 Ang dalawa ay magiging isang laman
kaya hindi na sila dalawa kundi isang laman.
9 Kaya nga, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.
10 Sa bahay, siya ay muling tinanong ng kaniyang mga alagad patungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi niya sa kanila: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kaniyang asawa. 12 Gayundin kapag pinalayas ng babae ang kaniyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nangangalunya rin.
Si Jesus at ang Maliliit na Bata
13 Dinala nila kay Jesus ang maliliit na bata upang mahipo niya, ngunit sinaway ng mga alagad ang nagdala sa mga bata.
14 Subalit lubhang nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila: Pahintulutan ninyong lumapit sa akin ang mga bata at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng Diyos. 15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos nang tulad sa isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon sa anumang paraan. 16 Nang makalong ni Jesus at maipatong ang kaniyang mga kamay sa mga bata, pinagpala niya sila.
Ang Mayamang Pinuno
17 Nang papaalis na si Jesus, may isang lalaking patakbong lumapit sa kaniya. Ang lalaki ay lumuhod sa harapan niya at tinanong siya: Mabuting guro, ano ang gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?
18 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Bakit mo ako tinawag na mabuti? Walang mabuti kundi isa lang, ang Diyos. 19 Alam mo ang mga utos: Huwag kang mangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnakaw, huwag kang sumaksi sa kasinungalingan, huwag kang mandaya. Igalang mo ang iyong ama at ina.
20 Sinabi ng lalaki sa kaniya: Guro, ang lahat ng mga bagay na ito ay aking sinunod mula sa aking kabataan.
21 Tiningnan siya ni Jesus at inibig siya. Sinabi niya sa kaniya: Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka at ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik. Ibigay mo ang salapi sa mga dukha at magkakaroon ka ng nakaimbak na kayamanan sa langit. Pagkatapos pumarito ka, pasanin mo ang krus at sumunod ka sa akin.
22 Ang lalaki ay nalungkot sa salitang ito at siya ay umalis na namimighati sapagkat marami siyang pag-aari.
23 Sa pagtingin sa palibot, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Napakahirap para sa mga mayroong kayamanan ang pumasok sa paghahari ng Diyos.
24 Namangha ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Muling sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Mga anak, napakahirap makapasok sa paghahari ng Diyos ang mga nagtitiwala sa kanilang kayamanan. 25 Madali pang dumaan ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa pumasok ang isang mayaman sa paghahari ng Diyos.
26 Sila ay lubhang nanggilalas at nagtanungan sa isa’t isa: Sino kaya ang maaaring maligtas?
27 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi: Ang mga ito ay hindi maaaring magawa ng mga tao subalit hindi gayon sa Diyos sapagkat ang lahat ng mga bagay ay maaaring magawa ng Diyos.
28 Pagkatapos, si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kaniya: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.
29 Sumagot si Jesus at sinabi: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May mga taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o asawang babae, o mga anak o mga bukid dahil sa akin at dahil sa ebanghelyo. 30 Ang sinumang nag-iwan ng mga ito ay tatanggap ngayon sa panahong ito ng tig-iisangdaang dami ng gayon. Tatanggap siya ng mga bahay, mga kapatid na lalaki at babae, mga ina, mga anak at mga lupain. Tatanggapin niya ang mga ito na may pag-uusig ngunit sa darating na kapanahunan, siya ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. 31 Subalit maraming nauna na mahuhuli. Gayundin ang nahuli ay mauuna.
Copyright © 1998 by Bibles International