Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 9:1-29

Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Mayroong ilang nakatayo rito na sa anumang paraan ay hindi makakaranas ng kamatayan hangga’t hindi nila nakikita ang paghahari ng Diyos na dumating na may kapangyarihan.

 

Ang Pagbabagong Anyo

Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan. Dinala niya silang bukod sa mataas na bundok na sila lang ang naroroon. Siya ay nagbagong anyo sa harap nila.

Ang kaniyang kasuotan ay naging makinang, pumuti na gaya ng niyebe. Walang tagapagpaputi ng damit sa lupa ang makapag­papaputi ng ganoon. Si Elias, kasama ni Moises ay nagpakita sa kanila na nakikipag-usap kay Jesus.

Si Pedro ay nagsabi kay Jesus: Guro, mabuti para sa amin na kami ay naririto. Magtatayo kami ng tatlong kubol, isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias. Hindi niya alam ang kaniyang sasabihin sapagkat sila ay takot na takot.

At dumating ang isang ulap at nililiman sila. Narinig nila ang isang tinig mula sa ulap na nagsasabi: Ito ang minamahal kong Anak, pakinggan ninyo siya.

Ngunit kapagdaka sa pagtingin nila sa paligid, wala na silang nakitang sinuman kundi si Jesus na lamang na kasama nila.

Habang sila ay bumababa mula sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus na huwag nilang sabihin kaninuman ang kanilang nakita malibang mabuhay mula sa mga patay ang Anak ng Tao. 10 Iningatan nila sa kanilang sarili ang pananalitang ito at nagtatanungan sila kung ano ang ibig sabihin ng pagkabuhay mula sa mga patay.

11 Tinanong nila si Jesus: Bakit sinasabi ng mga guro ng kautusan na dapat munang dumating si Elias?

12 Sumagot si Jesus: Tunay na darating muna si Elias, at kaniyang pananauliin ang lahat ng mga bagay. Bakit isinulat ang patungkol sa Anak ng Tao na siya ay magdurusa ng maraming mga bagay at siya ay hahamakin? 13 Subalit sinasabi ko sa inyo: Si Elias ay dumating na. Ginawa sa kaniya ang anumang inibig nila ayon sa nasusulat patungkol sa kaniya.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu

14 Sa paglapit nila sa mga alagad, nakita niya ang napaka­raming tao na nakapalibot sa kanila. Ang mga guro ng kautusan ay nakikipagtalo sa kanila.

15 Kapagdaka nang makita siya ng lahat, sila ay lubhang nagtaka at naglapitan na bumabati sa kaniya.

16 Tinanong niya ang mga guro ng kautusan: Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?

17 Sumagot ang isa mula sa napakaraming tao: Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na may piping espiritu na siyang dahilan ng kaniyang pagkapipi. 18 Tuwing siya ay sinu­sunggaban nito, siya ay ibinabalibag nito. Bumubula ang kaniyang bibig at nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at siya ay nanunuyot. Sinabi ko sa iyong mga alagad na palabasin ang espiritu ngunit hindi nila kaya.

19 Sinabi ni Jesus: O lahing walang panananampalataya, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.

20 Dinala nga nila siya kay Jesus. Pagkakita kay Jesus, kaagad na pinangisay ng espiritu ang bata. Bumagsak ito sa lupa at nagpagulong-gulong na bumubula ang bibig.

21 Tinanong ni Jesus ang ama ng bata: Kailan pa nangyari sa kaniya ang ganito?

Sinabi ng ama: Mula pa sa pagkabata.

22 Madalas siyang itapon sa apoy at tubig upang siya ay patayin nito. Ngunit kung may magagawa ka, tulungan mo kami, mahabag ka sa amin.

23 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung sumampalataya ka, ang lahat ay maaaring mangyari sa kaniya na sumasampalataya.

24 Kaagad na sumigaw na may luha ang ama ng bata: Sumasampalataya ako, Panginoon. Tulungan mo ako sa kawalan ko ng pananampalataya.

25 Nang makita ni Jesus na patakbong dumarating ang mga tao, sinaway niya ang karumal-dumal na espiritu: Sinabi niya: Espiritu ng pipi at bingi, inuutos ko sa iyo na lumabas ka sa kaniya at huwag ka nang papasok sa kaniya.

26 Ang espiritu ay sumigaw, pinangisay ang bata at lumabas sa kaniya. Nagmistulang patay ang bata na anupa’t marami ang nagsabi na patay na ang bata. 27 Ngunit nang hawakan siya ni Jesus sa kamay at ibangon, ang bata ay bumangon.

28 Nang makapasok si Jesus sa bahay, tinanong siya nang bukod ng kaniyang mga alagad: Bakit hindi namin siya mapalabas?

29 Sinabi niya sa kanila: Ang ganitong uri ay hindi mapapa­labas maliban sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International