Old/New Testament
14 Muling pinalapit ni Jesus sa kaniya ang napakaraming tao at sinabi niya sa kanila: Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain ang aking mga salita. 15 Ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pumapasok sa kaniya mula sa labas kundi ang lumalabas sa kaniya. 16 Ang sinumang may tainga na nakakarinig ay makinig.
17 Iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at nang makapasok siya sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad patungkol sa talinghaga. 18 Sinabi niya sa kanila: Kayo ba ay wala ring pang-unawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na anumang bagay na pumasok sa tao mula sa labas ay hindi nagpaparumi sa kaniya? 19 Ito ay sapagkat hindi ito pumapasok sa kaniyang puso kundi sa tiyan at ito ay idinudumi sa palikuran. Sinabi ito ni Jesus upang ipahayag na ang lahat ng pagkain ay malinis.
20 Sinabi niya: Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kaniya. 21 Ito ay sapagkat mula sa loob, sa puso ng tao nagmumula ang masamang kaisipan, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagpatay. 22 Mga pagnanakaw, mga pag-iimbot, mga kasamaan, pandaraya, kalibugan, pagkainggit, matang masama, pamumusong, kayabangan at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nagmumula sa loob at siyang nagpaparumi sa tao.
Ang Pananampalataya ng Babaeng Taga-Sirofenicia
24 Mula roon, umalis si Jesus at pumunta sa mga lupaing nasasakupan ng Tiro at Sidon. Pumasok siya sa bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na naroroon siya, ngunit hindi siya makapagtago.
25 Ito ay sapagkat narinig ng isang inang may anak na babae, na inaalihan ng karumal-dumal na espiritu, na naroroon si Jesus. Pumunta siya kay Jesus at nagpatirapa sa kaniyang paanan. 26 Ang babae ay taga-Grecia, ipinanganak sa Sirofenicia. Hiniling niya kay Jesus na palabasin ang demonyo mula sa kaniyang anak.
27 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Hayaan munang mabusog ang mga anak sapagkat hindi mabuti na kunin sa mga anak ang tinapay at itapon sa mga aso.
28 Subalit ang babae ay sumagot kay Jesus: Totoo, Panginoon. Sapagkat maging ang mga aso man na nasa ilalim ng hapag kainan ay kumakain ng mga nahuhulog na mumo mula sa mga anak.
29 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Dahil sa sinabi mong ito, lumakad ka na. Lumabas na ang demonyo sa iyong anak.
30 Pagdating ng babae sa kaniyang bahay, nakita niyang lumabas na ang demonyo sa kaniyang anak. Ang kaniyang anak ay nakahiga sa kama.
Ang Pagpapagaling sa Lalaking Bingi at Pipi
31 Muling umalis si Jesus sa lupaing nasasakupan ng Tiro at Sidon, at dumating siya sa lawa ng Galilea hanggang sa sakop ng Decapolis.
32 Kanilang dinala sa kaniya ang isang lalaking bingi na nahihirapang magsalita. Ipinamanhik nila sa kaniya na ipatong niya sa lalaking ito ang kaniyang mga kamay.
33 Nang mailayo siya ni Jesus mula sa napakaraming tao, isinuot niya ang kaniyang daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura si Jesus at hinipo ang dila nito. 34 Sa pagtingala niya sa langit, siya ay dumaing at sinabi sa lalaki: Efata.Ang ibig sabihin nito ay: Mabuksan. 35 Kaagad na nabuksan ang mga tainga ng lalaki. Nakalag ang tali na pumipigil sa kaniyang dila at nagsalita na siya nang malinaw.
36 Iniutos sa kanila ni Jesus na huwag itong sasabihin kaninuman. Ngunit kung gaano silang pinagbawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. 37 Sila ay lubhang nanggilalas na nagsasabi: Ang lahat ng kaniyang ginawa ay napakabuti. Ginawa niyang ang bingi ay makarinig at ang pipi ay makapagsalita.
Copyright © 1998 by Bibles International