Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 6:1-29

Ang Propetang Walang Karangalan

Si Jesus ay umalis doon at nagtungo sa kaniyang sariling lalawigan. Sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

Nang sumapit ang Sabat, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Ang maraming nakarinig ay nanggilalas.

Sinasabi nila: Saan kinuha ng taong ito ang ganitong ang mga bagay? At ano itong karunungang ibinigay sa kaniya na maging ang ganitong himala ay ginawa ng mga kamay niya?

Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba kasama natin ang kaniyang kapatid na babae? Kaya nga, dahil sa kaniya natisod sila.

Subalit sinabi sa kanila ni Jesus: Ang isang propeta ay may karangalan maliban sa sarili niyang bayan, kamag-anak at sambahayan. Si Jesus ay hindi makagawa roon ng himala maliban lamang sa iilang maysakit. Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang kamay at sila ay pinagaling. Namangha siya dahil sa kanilang di-pananampalataya. Gayunman pumunta siya sa mga nayon at nagturo roon.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad

Tinawag niya ang labindalawang alagad. Sila ay isinugo niyang dala-dalawa at binigyan ng kapamahalaan laban sa mga karumal-dumal na espiritu.

Inutusan niya sila na huwag magdadala ng anumang bagay sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Hindi rin sila pinagdadala ng pamigkis o tinapay o salapi sa bulsa. Pinagsusuot sila ng sandalyas. Gayundin hindi sila pinagsusuot ng dalawang balabal. 10 Sinabi niya sa kanila: Saan mang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang kayo ay umalis. 11 Ang sinumang hindi tumanggap o makinig sa inyo, sa pag-alis ninyo roon, ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong talampakan. Gawin ninyo ito bilang patotoo laban sa kanila. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Higit na mabigat ang parusa sa lungsod na iyon kaysa sa parusa sa Sodoma at Gomora sa araw ng paghuhukom.

12 Sa kanilang paghayo, ipinangaral nila sa mga tao na magsisi. 13 Gayundin, maraming mga demonyo ang kanilang pinalabas, pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.

Pinugutan si Juan na Tagapagbawtismo

14 Narinig ni Herodes ang patungkol sa kaniya sapagkat bantog na ang pangalan ni Jesus. Sinabi ni Herodes: Si Juan na tagapagbawtismo ay bumangon mula sa mga patay kaya nakakagawa siya ng ganitong mga himala.

15 Ang iba ay nagsasabi: Siya ay si Elias.

May nagsasabi naman: Siya ay isang propeta o gaya ng isa sa mga propeta.

16 Subalit nang marinig ito ni Herodes, sinabi niya: Ito nga si Juan na siyang pinapugutan ko na ng ulo. Bumangon siya mula sa mga patay.

17 Sinabi ito ni Herodes dahil siya ang nagsugo noon ng mga tao upang dakpin at itanikala sa bilangguan si Juan. Ito ay sapagkat kinuha niya si Herodias para maging kaniyang asawa. Si Herodias ay asawa ni Felipe na nakakabatang kapatid ni Herodes. 18 Dahil sinabi ni Juan kay Herodes: Hindi matuwid na kunin mo ang asawa ng iyong kapatid. 19 Kaya si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at hinangad niyang ipapatay ito ngunit hindi niya ito magawa. 20 Wala siyang pagkakataong ipapatay si Juan sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Talastas niyang si Juan ay matuwid at banal na tao, kaya ipinagsanggalang niya siya. Sa pakikinig ni Herodes kay Juan, maraming bagay siyang ginawa. Gayunman, natutuwa siyang makinig sa kaniya.

21 At dumating ang pagkakataon ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes kaya ipinaghanda niya ng isang piging ang kaniyang mga matataas na opisyal, pinuno ng hukbo at mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Ang anak na babae ni Herodias ay pumasok at sumayaw. Nasiyahan si Herodes at ang mga kasama niya sa kainan.

Dahil dito sinabi ng hari sa dalagita: Hingin mo ang anumang ibigin mo at ibibigay ko sa iyo.

23 Nanumpa siya sa dalagita: Ibibigay ko ang anumang iyong hingin kahit na kalahati ng aking paghahari.

24 Lumabas ang dalagita at tinanong ang kaniyang ina. Ano ang hihingin ko?

Sinabi ng ina: Ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo.

25 Nagmamadaling pumasok ang dalagita sa kinaroroonan ng hari at humingi na nagsasabi: Ibig kong ibigay mo kaagad sa akin ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo na nakalagay sa isang bandehado.

26 Ang hari ay lubhang nagdalamhati. Ngunit dahil sa mga ginawa niyang panunumpa at sa mga panauhin hindi niya matanggihan ang dalagita. 27 Kaagad na isinugo ng hari ang kaniyang sundalo na dalhin sa kaniya ang ulo ni Juan. Umalis ang sundalo at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 28 Dinala ang kaniyang ulo na nasa bandehado at ibinigay ito sa dalagita. Ibinigay naman ito ng dalagita sa kaniyang ina. 29 Pumunta roon ang mga alagad ni Juan nang marinig nila ito. Kinuha nila ang bangkay at inilibing.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International