Old/New Testament
3 Muling pumasok si Jesus sa sinagoga at may lalaki doon na tuyot ang isang kamay. 2 Minamatiyagan nila siya kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa araw ng Sabat upang may maiparatang sila sa kaniya. 3 Sinabi ni Jesus sa lalaking tuyot ang kamay: Tumindig ka at pumunta ka sa kalagitnaan.
4 Sinabi niya sa kanila: Naaayon ba sa kautusan ang gumawa ng kabutihan o ang gumawa ng kasamaan sa araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o pumatay? Ngunit hindi sila sumagot.
5 Tiningnan ni Jesus ang mga taong nasa paligid niya na may galit at pagdadalamhati dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Iniunat niya ang kaniyang kamay at ito ay nanauli na gaya ng isa. 6 Sa paglabas ng mga Fariseo, kaagad silang nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano nila maipapapatay si Jesus.
Sinundan si Jesus ng Maraming Tao
7 Umalis si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad patungo sa lawa. Napakaraming taong mula sa Galilea at Judea ang sumunod sa kaniya.
8 Maraming dumating mula sa Jerusalem, sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon. Napakaraming tao ang pumaroon sa kaniya pagkarinig nila sa mga ginawa ni Jesus. 9 Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na maghanda para sa kaniya ng isang maliit na bangka upang hindi magsiksikan sa kaniya ang napakaraming tao. 10 Ito ay sapagkat marami siyang pinagaling, kaya nagsiksikan sa kaniya ang mga naghihirap sa kanilang sakit upang mahipo siya. 11 Nang makita siya ng mga karumal-dumal na espiritu, nagpatirapa ang mga ito sa harapan niya at sumigaw: Ikaw ang Anak ng Diyos! 12 Ngunit mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nilang ihayag kung sino siya.
Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad
13 Umahon siya sa bundok, tinawag niya ang kaniyang mga maibigan at sila ay lumapit sa kaniya.
14 Humirang siya ng labindalawang lalaki upang makasama niya at suguing mangaral. 15 Ito ay upang magkaroon sila ng kapamahalaang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo. 16 Si Simon ay tinagurian niyang Pedro. 17 Si Santiago, na anak ni Zebedeo at ang kapatid niyang si Juan na tinagurian ni Jesus na mga Boanerges, na ang ibig sabihin ay mga taong tulad ng kulog. 18 Sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago, na anak ni Alfeo, at si Tadeo at si Simon na kabilang sa mga Makabayan. 19 At si Judas na taga-Keriot na siyang nagkanulo sa kaniya. Sila ay pumasok sa isang bahay.
Copyright © 1998 by Bibles International