Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 1:1-22

Inihanda ni Juan na Tagapagbawtismo ang Daan

Ito ang pasimula ng ebanghelyo patungkol kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos.

Ito ang nasusulat sa aklat ng mga propeta:

Narito, isusugo ko ang aking sugo na mauuna sa inyo. Siya ang maghahanda sa harap mo ng iyong daraanan.

May isang tinig ng isang sumisigaw sa ilang. Sinabi niya: Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

Si Juan ay dumating na nagbabawtismo sa ilang. Ipina­pangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikapagpapa­tawad ng mga kasalanan. Pumunta sa kaniya ang lahat ng mga taga-Judea at lahat ng mga taga-Jerusalem. Inihahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at lahat sila ay binawtismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan. Ang damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at sa baywang niya ay may pamigkis na katad. Balang at pulut-pukyutan ang kaniyang kinakain. Kani­yang ipinapangaral ang ganito: Ang sumusunod sa hulihan ko ay higit na maka­pangyarihan kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kaniyang mga panyapak. Bina­bawtismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babawtismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.

Binawtismuhan ni Juan si Jesus

Pagkatapos noon ay dumating si Jesus mula sa Nazaretng Galilea at binawtismuhan siya ni Juan sa ilog ng Jordan.

10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig ay nakita niyang nabuksan ang kalangitan. Ang Espiritu na katulad ng kalapati ay bumababa sa kaniya. 11 Isang tinig na nagmula sa langit ang nagsabi: Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.

12 Kaagad siyang itinaboy ng Espiritu sa ilang. 13 Apat­napung araw siyang naroroon sa ilang at tinukso ni Satanas. Ang kasama niya roon ay maiilap na hayop. At pinaglingkuran siya ng mga anghel.

Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad

14 Pagkatapos maipabilango ni Herodes si Juan, pumunta sa Galilea si Jesus at nangaral ng ebanghelyo ng paghahari ng Diyos.

15 Sinasabi niya: Naganap na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Magsisi kayo at sampalatayanan ninyo ang ebanghelyo.

16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon at ang kapatid nitong si Andres. Sila ay naghahagis ng lambat sa lawa sapagkat sila ay mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila: Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng tao. 18 Kaagad na iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.

19 Nang sila ay malayo-layo na, nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kapatid nitong si Juan. Sila ay nasa kanilang bangka at naghahayuma ng kanilang mga lambat. 20 Agad din silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga upahang katulong, at sumunod kay Jesus.

Nagpagaling si Jesus sa Capernaum

21 Dumating sila sa Capernaum. Pagdaka, pumasok si Jesus sa sinagoga nang araw ng Sabat at nagturo.

22 Nanggilalas ang mga tao sa kaniyang turo sapagkat nagturo siya sa kanila bilang isang may kapamahalaan at hindi gaya ng mga guro ng kautusan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International