Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 27:27-50

Kinutya ng mga Kawal si Jesus

27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa hukuman at pinalibutan siya ng buong batalyon ng mga kawal.

28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng isang balabal na kulay ube. 29 Nagsalapid sila ng isang koronang tinik at inilagay sa kaniyang ulo. Isang tangkay ng tambo ang inilagay sa kaniyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap ni Jesus at siya ay kinutya. Sinabi nila: Binabati ang Hari ng mga Judio! 30 Dinuraan nila siya at kinuha ang tambo at ipinalo sa kaniyang ulo. 31 Kinutya nila siya at kinuha sa kaniya ang kaniyang balabal. Isinuot nila sa kaniya ang kaniyang damit at siya ay dinala upang ipako sa krus.

Ipinako nila sa Krus si Jesus

32 Nang sila ay papunta na roon, nakita nila ang isang lalaking taga-Cerene na nagngangalang Simon. Isinama nila siya upang ipapasan sa kaniya ang krus.

33 Dumating sila sa isang dako na tinatawag na Golgota. Ang kahulugan nito ay Lugar ng mga Bungo. 34 Binigyan nila si Jesus ng maasim na alak na hinaluan ng apdo upang inumin. Nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin. 35 Nang maipako na nila siya, pinaghati-hatian nila ang kaniyang damit at sila ay nagpala­bunutan. Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpala­bunutan sa aking kasuotan. 36 Sila ay naupo roon at binantayan siya. 37 Inilagay nila sa kaniyang ulunan ang paratang sa kaniya. Ito ang nakasulat: ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO. 38 Ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan. Ang isa ay sa kaniyang gawing kanang kamay at ang isa ay sa kaniyang gawing kaliwang kamay. 39 Nilait siya ng mga dumaraan na iniiling ang kanilang mga ulo. 40 Sinasabi nila: Ikaw na magwawasak ng banal na dako at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili. Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka mula sa krus.

41 Sa gayunding paraan kinutya siya ng mga pinunong-saserdote kasama ng mga guro ng kautusan at ng mga matanda, na sinasabi: 42 Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili. Kung siya ang hari ng Israel, bumaba siya mula sa krus at sasampalataya kami sa kaniya. 43 Nagtiwala siya sa Diyos. Magpaligtas siya sa kaniya, kung ililigtas siya sapagkat sinabi niya: Ako ay ang Anak ng Diyos. 44 Gayundin nilibak siya ng mga tulisang ipinakong kasama niya.

Si Jesus ay Namatay

45 Nagkaroon ng kadiliman sa buong lupa mula sa ika-anim na oras hanggang sa ika-siyam na oras.

46 Nang mag-iikasiyam na ang oras, si Jesus ay sumigaw nang may malakas na tinig. Sinabi niya: Eli, Eli, lama sabachthani? Ang ibig sabihin nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?

47 Narinig siya ng ilan sa mga nakatayo roon. Sinabi nila: Tinatawag ng lalaking ito si Elias.

48 Ang isa sa kanila ay agad-agad na tumakbo at kumuha ng isang espongha. Inilubog niya ito sa maasim na alak at inilagay sa isang tambo upang ipainom sa kaniya. 49 Sinabi ng iba: Pabayaan mo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.

50 Muling sumigaw si Jesus na may malakas na tinig. Pagkatapos, ipinaubaya niya ang kaniyang espiritu.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International