Old/New Testament
Nagbalak Sila ng Masama laban kay Jesus
26 Nangyari, nang matapos nang ituro ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, nagsalita siya sa kaniyang mga alagad.
2 Sinabi niya: Alam ninyo na pagkatapos ng dalawang araw ay magaganap na ang Paglagpas. May isang magkakanulo sa akin na Anak ng Tao upang ako ay ipapako sa krus.
3 Nagtipun-tipon nga ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at mga matanda sa mga tao sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote na ang pangalan ay Caifas. 4 Sila ay sumangguni sa isa’t isa upang si Jesus ay kanilang mahuli, malinlang at kanilang patayin. 5 Ngunit sinabi nila: Huwag sa araw ng paggunita na dumarating upang hindi magkagulo ang mga tao.
Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus
6 Sa oras na iyon, si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin.
7 May isang babaeng lumapit sa kaniya. Siya ay may dalang garapong alabastro na may mamahalin at napakabangong pamahid.Ibinuhos niya ito sa ulo ni Jesus habang siya ay nakadulog sa hapag.
8 Nang makita ito ng mga alagad, sila ay lubhang nagalit. Sinabi nila: Para ano at sinayang ito? 9 Ang pamahid na ito ay maaaring ipagbili sa malaking halaga at ipamigay sa mga dukha.
10 Ngunit nalalaman ito ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ginagambala ang babae? Siya ay gumawa ng mabuti sa akin. 11 Ito ay sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha ngunit ako ay hindi ninyo laging kasama. 12 Ginawa ng babaeng ito ang pagbuhos ng mabangong pamahid sa aking katawan para sa aking paglilibing. 13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Saan man ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaeng ito ay isasalaysay din bilang pag-alaala sa kaniya.
Nakipagkasundo si Judas upang Ipagkanulo si Jesus
14 Nang magkagayon isa sa labindalawang alagad, na tinatawag na Judas na taga-Keriot, ay pumunta sa mga pinunong-saserdote.
15 Sinabi niya: Ano ang ibibigay ninyo sa akin kapag maibigay ko si Jesus sa inyo? Itinakda nila sa kaniya ang tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula sa oras na iyon, siya ay naghanap ng pagkakataon upang maipagkanulo niya si Jesus.
Ang Huling Hapunan
17 Sa unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, pumunta kay Jesus ang mga alagad. Sinabi nila sa kaniya: Saan mo ibig na kami ay maghanda para sa iyo upang makakain ng hapunan ng Paglagpas?
18 Sinabi niya: Pumunta kayo sa isang lalaki na nasa lungsod. Sabihin ninyo sa kaniya: Sinabi ng guro: Ang aking oras ay malapit na. Gaganapin ko ang Paglagpas sa iyong bahay kasama ang aking mga alagad. 19 Ginawa ng mga alagad ang ayon sa iniutos sa kanila ni Jesus. Sila ay naghanda para sa Paglagpas.
20 Nang gumabi na, dumulog si Jesus sa hapag kasama ng labindalawa. 21 Habang sila ay kumakain, sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.
22 Ang bawat isa sa kanila ay labis na namighati. Nagsimula silang magsabi sa kaniya: Ako ba, Panginoon?
23 Ngunit sumagot siya: Ang kasama kong nagsawsaw ng kamay sa mangkok, siya ang magkakanulo sa akin. 24 Ang Anak ng Tao ay hahayo ayon sa isinulat patungkol sa kaniya. Ngunit sa aba ng taong iyon na magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi na siya naipanganak.
25 Sumagot si Judas, ang magkakanulo kay Jesus: Ako ba, guro?
Sinabi niya sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.
Copyright © 1998 by Bibles International