Old/New Testament
29 Pagkatapos ng mga paghihirap sa mga araw na iyon,
kaagad ang araw ay magdidilim. Ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay babagsak mula sa langit. Ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.
30 Pagkatapos ay makikita ang mga tanda ng Anak ng Tao sa langit. Pagkatapos ay mananaghoy ang lahat ng mga lipi ng lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta. Kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa mga hangganan ng mga langit hanggang sa mga kabilang hangganan.
32 Ngunit alamin ninyo ang talinghaga mula sa puno ng igos. Kapag ang sanga nito ay nanariwa na, at lumabas na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-init. 33 Gayon nga rin kayo. Kapag nakita na ninyo ang mga bagay na ito, alam ninyo na ito ay malapit na, nasa pintuan na. 34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang mangyari ang mga bagay na ito. 35 Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit kailanman ay hindi lilipas ang aking mga salita.
Walang Nakaaalam sa Araw at Oras
36 Patungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel kundi tanging ang aking Ama lamang.
37 Ngunit katulad sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. 38 Ito ay sapagkat katulad ng mga araw bago ang baha, sila ay kumakain at umiinom. Sila ay nag-aasawa at ipinakikipagkasundo sa pag-aasawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa loob ng daong. 39 Hindi nila ito nalaman hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat. Gayon nga ang pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon, dalawa ang nasa bukid. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan. 41 Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.
42 Kaya nga, dapat kayong magbantay sapagkat hindi ninyo alam kung anong oras darating ang inyong Panginoon. 43 Ngunit alamin ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng sambahayan ang oras ng pagdating ng magnanakaw, siya ay magbabantay. Hindi niya pababayaang mawasak ang kaniyang bahay. 44 Kaya nga, kayo rin ay maging handa sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.
45 Sino nga ang tapat at matalinong alipin na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon at ipinagkatiwala ang kaniyang sambahayan upang magbigay sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46 Pinagpala ang aliping iyon na pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gumagawa ng gayon. 47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakatiwala sa kaniya ang lahat ng ari-arian ng kaniyang panginoon. 48 Ngunit kapag ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kaniyang puso: Maantala ang pagdating ng aking panginoon. 49 Sisimulan niyang hampasin ang kaniyang mga kapwa alipin. Siya ay kakain at iinom kasama ng mga manginginom. 50 Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan. Siya ay darating sa oras na hindi niya alam. 51 Puputulin siya sa dalawa at ang kaniyang bahagi ay ilalagay kasama ng mga mapagpaimbabaw. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Copyright © 1998 by Bibles International