Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 23:1-22

Mag-ingat sa mga Mapagpaimbabaw

23 Pagkatapos, si Jesus ay nagsalita sa napakaraming tao at sa kaniyang mga alagad.

Kaniyang sinabi: Ang mga guro ng kautusan at ang mga Fariseo ay umupo sa upuan ni Moises. Lahat nga ng kanilang sabihin sa inyo upang sundin ay inyong sundin at gawin. Ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa sapagkat sila ay nagsasalita ngunit hindi gumagawa. Ito ay sapagkat sila ay nagtatali ng mga mabibigat na pasanin na mahirap dalhin at inilalagay sa mga balikat ng mga tao. Ngunit ayaw man lamang nila itong maigalaw ng kanilang mga daliri.

Lahat ng kanilang mga gawa ay kanilang ginagawa upang makita ng mga tao. Iyan ang dahilan na pinalalapad nila ang kanilang mga pilakterya[a] at pinalalaki ang mga laylayan ng kanilang mga damit. Inibig nila ang pangunahing dako sa mga hapunan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga. Inibig din nila ang mga pagpupugay sa mga pamilihang dako at sila ay tawagin: Guro! Guro!

Huwag kayong patawag sa mga tao na guro sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo, at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ang sinuman dito sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na mga pinuno sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo. 11 Ngunit ang higit na dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. 12 Ang sinumang magtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at ang sinumang magpapakumbaba sa kaniyang sarili ay itataas.

13 Ngunit sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat isinasara ninyo ang paghahari ng langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumapasok at ang mga pumapasok ay inyong hinahadlangan. 14 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo. At sa pagkukunwari ay nananalangin nang mahaba. Dahil dito, kayo ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.

15 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nililibot ninyo ang mga dagat at ang mga lupain upang sila ay maging Judio. Kapag siya ay naging Judio na, ginagawa ninyo siyang taong patungo sa impiyerno nang makalawang ulit kaysa sa inyo.

16 Sa aba ninyo, mga bulag na tagapag-akay! Sinasabi ninyo: Kung sinumang sumumpa sa pamamagitan ng banal na dako, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng ginto sa banal na dako, siya ay may pananagutan. 17 Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang ginto o ang banal na dako na nagpabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo: Ang sinumang sumumpa sa pamama­gitan ng dambana, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng kaloob na nasa dambana ay may pananagutan. 19 Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng dambana ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa lahat ng mga bagay na naririto. 21 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng banal na dako ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa pamamagitan niya na naninirahan dito. 22 Siya na sumusumpa sa pamama­gitan ng langit ay sumusumpa sa pamamagitan ng trono ng Diyos at sa kaniya na nakaupo rito.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International