Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 21:23-46

Tinanong si Jesus Patungkol sa Kaniyang Kapangyarihan

23 Pagpasok niya sa templo, nilapitan siya ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda ng bayan habang siya ay nagtuturo. Sinabi nila sa kaniya: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?

24 Sumagot si Jesus sa kanila: Isang bagay lang ang itatanong ko sa inyo. Kung masasagot ninyo ako ay sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 25 Saan nanggaling ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao?

Sila ay nangatwiranan sa isa’t isa na sinasabi: Kapag sabihin nating mula sa langit, sasabihin niya sa atin: Kung gayon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?

26 Ngunit kung sabihin nating mula sa mga tao, dapat tayong matakot sa mga tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.

27 Sinagot nila si Jesus: Hindi namin alam.

Sinabi niya sa kanila:Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.

Ang Talinghaga Patungkol sa Dalawang Anak

28 Ngunit ano sa palagay ninyo? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa una at sinabi: Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at gumawa ka roon.

29 Sumagot siya: Ayaw ko. Ngunit nagsisi siya at pumunta rin pagkatapos.

30 Lumapit siya sa pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot siya: Pupunta ako. Ngunit hindi siya pumunta.

31 Sino sa kanilang dalawa ang gumanap ng kalooban ng ama?

Sinabi nila sa kaniya: Ang una.

Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang mga maniningil ng buwis at mga patutot ay mauuna sa inyo sa pagpasok sa paghahari ng Diyos.

32 Ito ay sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot. Samantalang kayo, nakita ninyo ito ngunit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kaniya.

Ang Talinghaga Patungkol sa mga Magsasaka

33 Narito ang isa pang talinghaga. May isang may-ari ng sambahayan na nagtanim ng ubasan. Binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaang-ubas at nagtayo ng isang mataas na bahay bantayan. Pagkatapos, ipinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lupain.

34 Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang kaniyang bahaging ani.

35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin. Hinagupit ang isa, pinatay ang iba pa at ang isa ay binato. 36 Muli siyang nagsugo ng mga alipin na higit na marami kaysa sa mga nauna. Gayundin ang ginawa sa kanila ng mga magsasaka. 37 Sa huli, ang kaniyang anak na lalaki ang kaniyang sinugo sa kanila na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.

38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang kaniyang anak, sinabi nila sa isa’t isa: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kaniyang mamanahin. 39 Sinunggaban nila siya. Itinapon nila siya sa labas ng ubasan at pinatay.

40 Sa pagbabalik nga ng panginoon ng ubasan, ano ang kaniyang gagawin sa mga magasasakang iyon?

41 Sinabi nila sa kaniya: Walang awa niyang pupuksain ang lahat ng mga tampalasang iyon. Ang ubasan naman ay ipauupahan niya sa ibang magsasaka na magbibigay sa kaniya ng mga bahaging ani pagdating ng panahon.

42 Sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa kasulatan:

Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siya ring naging batong panulok. Ginawa ito ng Panginoon at kahanga-hanga sa ating mga paningin.

43 Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Ang paghahari ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa bansang nagbubunga nang nararapat sa paghahari dito. 44 Ang sinumang bumagsak sa ibabaw ng batong ito ay magkakapira-piraso at ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog.

45 Nang marinig ng mga pinunong-saserdote at ng mga Fariseo ang talinghagang ito, naunawaan nila na sila ang tinutukoy niya. 46 Huhulihin sana nila siya ngunit natakot sila sa napakaraming tao sapagkat kinikilala nila siya na isang propeta.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International