Old/New Testament
Ang Pananampalataya ng Isang Taga-Canaan
21 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa mga lupain ng Tiro at Sidon.
22 Narito, may babaeng taga-Canaan na nakatira sa lupain ding iyon ang lumabas at sumisigaw sa kaniya na sinasabi: O, Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa akin. Ang aking anak na babae ay labis na pinahihirapan ng demonyo.
23 Ngunit hindi niya siya tinugon ng kahit isang salita.Nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at pinakiusapan na sinasabi: Paalisin mo siya sapagkat sigaw siya nang sigaw habang sumusunod sa atin.
24 Sinabi niya: Sinugo lamang ako para sa mga naliligaw na tupa sa sambahayan ng Israel.
25 Ngunit lumapit siya sa kaniya at kaniya siyang sinamba na sinasabi: Panginoon, tulungan mo ako!
26 Ngunit sumagot siya: Hindi nararapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon ito sa mga aso.
27 Sinabi ng babae: Totoo, Panginoon. Ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag mula sa hapag kainan ng kanilang mga panginoon.
28 Nang magkagayon sinabi ni Jesus sa kaniya: O, babae, napakalaki ng iyong pananampalataya. Mangyari sa iyo ang ayon sa ibig mo. Mula sa oras ding iyon, gumaling ang kaniyang anak.
Pinakain ni Jesus ang Apat na Libo
29 Pagkaalis ni Jesus doon, nagtungo siya sa tabi ng lawa ng Galilea. Umahon siya sa isang bundok at doon naupo.
30 Lumapit sa kaniya ang napakaraming tao. Dinala nila ang mga pilay, ang mga bulag, ang mga pipi at ang mga may kapansanan, at marami pang iba. Inilagay nila sila sa kaniyang paanan at pinagaling niya sila. 31 Namangha ang napakaraming tao nang makita nilang nakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga may kapansanan, nakalakad na ang mga lumpo at nakakita na ang mga bulag. At niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.
32 Kaya tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at pinalapit sa kaniya. Sinabi niya: Nahahabag ako sa napakaraming taong ito sapagkat tatlong araw na silang sumusunod sa akin at wala man lang silang makain. Hindi ko ibig na pauwiin silang gutom at baka manlupaypay sila sa daan.
33 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Saan tayo kukuha sa ilang na ito ng sapat na tinapay upang mabusog ang napakaraming taong ito?
34 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ilang tinapay mayroon kayo? Sinabi nila: Pito at ilang maliliit na isda.
35 Inutusan niya ang mga tao na umupo sa lupa. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda. Nagpasalamat siya at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad at ibinigay naman ng mga alagad sa napakaraming tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pinulot nila ang mga lumabis sa mga pinagputul-putol at nakapuno sila ng pitong kaing. 38 Ang kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata. 39 Nang mapaalis na niya ang napakaraming tao, sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa mga hangganan ng Magdala.
Copyright © 1998 by Bibles International