Old/New Testament
Pinugutan si Juan na Tagapagbawtismo
14 Nang panahong iyon, narinig ni Herodes na tetrarka[a] ang patungkol sa katanyagan ni Jesus.
2 Sinabi niya sa kaniyang mga lingkod: Ito ay si Juan na tagapagbawtismo. Siya ay muling nabuhay mula sa mga patay kaya nakakagawa siya ng ganitong mga himala.
3 Ito ay sapagkat si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan noon. Ginapos niya siya at ipinabilanggo alang-alang kay Herodias na asawa ni Felipe na kaniyang nakakabatang kapatid. 4 Ito ay sapagkat sinabi ni Juan sa kaniya: Hindi matuwid na ariin mo siyang asawa. 5 Hangad ni Herodes na ipapatay si Juan ngunit natakot siya sa mga tao sapagkat ibinilang nila siya na isang propeta.
6 Ngunit nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak ni Herodias sa harapan nila. Labis na nasiyahan si Herodes sa kaniya. 7 Kaya nangako siyang may panunumpa na ibibigay sa kaniya ang anumang hingin niya. 8 Sa udyok ng kaniyang ina, sinabi niya: Ibigay mo sa akin dito ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo na nakalagay sa isang pinggan. 9 Ang hari ay labis na nagdalamhati. Ngunit dahil sa kaniyang sinumpaan at sa mga kasalo niya sa dulang, iniutos niyang ibigay sa kaniya ang kahilingan. 10 Nagsugo siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 Dinala ang kaniyang ulo na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Dinala naman ito sa kaniyang ina. 12 Dumating ang kaniyang mga alagad at kinuha ang kaniyang bangkay at inilibing ito. Pumaroon sila kay Jesus at ibinalita ito sa kaniya.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki
13 Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng bangka upang magtungong mag-isa sa isang ilang na pook. Nang marinig nga ito ng mga tao, sumunod sila sa kaniya na naglalakad mula sa mga lungsod.
14 Pumunta si Jesus sa baybayin at nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila. Pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.
15 Nang magtatakip-silim na, lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad. Sinabi nila: Ito ay isang ilang na pook at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang napakaraming tao upang sila ay pumunta sa mga nayon at nang makabili sila ng kanilang makakain.
16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi na kailangang umalis pa sila. Bigyan ninyo sila ng makakain.
17 Sinabi nila sa kaniya: Mayroon lang tayo ritong limang tinapay at dalawang isda.
18 Sinabi niya: Dalhin ninyo sa akin ang mga iyan. 19 At inutusan niya ang napakaraming tao na umupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at kaniyang pinagpala at pinagputul-putol ito. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa kaniyang mga alagad at ibinigay naman ng kaniyang mga alagad sa napakaraming tao. 20 Kumain silang lahat at nabusog. Inipon nila ang mga lumabis at nakapuno ng labindalawang bakol. 21 May mga limang libong kalalakihan ang mga kumain bukod pa ang mga babae at mga bata.
Copyright © 1998 by Bibles International