Old/New Testament
Ang Talinghaga Ukol sa Binhi ng Mustasa
31 Isinalaysay niya sa kanila ang isa pang talinghaga na sinasabi: Ang paghahari ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa. Kinuha ito ng isang lalaki at inihasik sa kaniyang bukirin.
32 Pinakamaliit ito sa lahat ng mga binhi. Ngunit nang lumaki na, ito ang pinakamalaki sa mga gulay at naging isang punong-kahoy. Dumating dito ang mga ibon sa himpapawid at namugad sa kaniyang mga sanga.
Ang Talinghaga Patungkol sa Pampaalsa
33 Isa pang talinghaga ang isinalaysay niya sa kanila:Ang paghahari ng langit ay katulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae. Inihalo niya ito sa tatlong takal na harina hanggang sa mahaluan ang lahat.
34 Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa napakaraming mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi:
Magsasalita ako ng mga talinghaga. Ipahahayag ko ang mga bagay na natatago buhat pa nang likhain ang sanlibutan.
Ang Kahulugan ng Talinghaga ng Masamang Damo
36 Nang magkagayon, pinaalis ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at sinabi: Ipaliwanag mo sa amin ang talinghagang patungkol sa masamang damo sa bukid.
37 Siya ay sumagot at sinabi sa kanila: Ang naghasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi ay ang mga anak ng paghahari ng Diyos. Ngunit ang masamang damo ay ang mga anak ng masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang tag-ani ay ang katapusan ng kapanahunang ito. Ang mang-aani ay ang mga anghel.
40 Kung paano nga ang pagtipon at pagsunog sa apoy ng masasamang damo, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng kapanahunang ito. 41 Susuguin ng Anak ng Tao ang kaniyang mga anghel. Titipunin nila sa labas ng kaniyang paghahari ang lahat ng bagay na nakakapagpatisod at ang mga hindi kumikilala sa kautusan ng Diyos. 42 Ihahagis nila ang mgaito sa nagniningas na pugon ng apoy. Dito magkakaroonng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin. 43 Kung magkagayon ang mga matuwid ay magliliwanag katulad ng araw sa paghahari ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig.
Ang mga Talinghaga Patungkol sa Natatagong Kayamanan at sa Perlas
44 Ang paghahari ng langit ay katulad ng natatagong kayamanan sa bukid. Natagpuan ito ng isang tao at muli niyang itinago ito. Dahil sa kagalakan, siya ay umuwi at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili ang bukid na iyon.
45 Gayundin naman, ang paghahari ng langit ay katulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, umuwi siya. Ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili ang perlas.
Ang Talinghaga Patungkol sa Lambat
47 Ang paghahari ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihulog sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda.
48 Nang mapuno ito, hinila nila sa pampang. Umupo sila at tinipon ang mabubuting isda sa mga lalagyan. Ngunit ang masasamang isda ay itinapon nila. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng kapanahunang ito. Lalabas ang mga anghel at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid. 50 Itatapon nila ang masasama sa nagniningas na apoy.Doon magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
51 Sinabi ni Jesus sa kanila: Naunawaan ba ninyo ang lahat ng bagay na ito?
Sinabi nila sa kaniya:Oo, Panginoon.
52 Nang magkagayon, sinabi niya sa kanila: Ito aysapagkat ang bawat guro ng kautusan na naging alagad ng paghahari ng langit ay katulad sa isang lalaking may-ari ng sambahayan na naglabas ng kaniyang mga bago at mga lumang kayamanan.
Ang Propetang Walang Karangalan
53 Nangyari na nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, umalis siya roon.
54 Pagdating niya sa kaniyang sariling lupain, nagturo siya sa kanila sa kanilang sinagoga. Labis silang nanggilalas na sinabi: Saan kumuha ang lalaking ito ng karunungan at gayundin ang mga ganitong himala? 55 Hindi ba ito ang anak ng karpentero? Hindi ba ang kaniyang ina ay si Maria? Hindi ba ang mga kapatid niyang lalaki ay sina Santiago, Jose, Simon at Judas? 56 Hindi ba ang kaniyang mga kapatid na babae ay kasama natin? Kung gayon, saan nga kumuha ang lalaking ito ng ganitong mga bagay? 57 At kinatisuran nila siya.
Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Ang isang propeta ay walang karangalan sa kaniyang sariling bayan at sambahayan.
58 Hindi siya gumawa roon ng maraming himala dahil sa hindi nila pagsampalataya.
Copyright © 1998 by Bibles International