Old/New Testament
Ang Babaeng Maysakit at Batang Babaeng Patay
18 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na iyon sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno. Sinamba siya at kaniyang sinabi: Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae. Ngunit sumama ka sa akin at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya at mabubuhay siya.
19 Tumindig si Jesus at sumama sa kaniya at gayundin ang kaniyang mga alagad.
20 At narito, isang babaeng may labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa kaniyang likuran. Hinipo niya ang laylayan ng damit ni Jesus. 21 Ito ay sapagkat iniisip ng babae: Kung mahihipo ko lamang ang kaniyang damit, gagaling na ako.
22 Ngunit lumingon si Jesus at pagkakita niya sa kaniya, sinabi niya: Anak, lakasan mo ang iyong loob. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At ang babae ay gumaling mula sa oras na iyon.
23 Nang dumating si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga tumutugtog ng plawta at ang maraming tao na nagkakagulo. 24 Sinabi niya sa kanila: Lumabas na kayo sapagkat ang batang babae ay hindi patay kundi natutulog lamang. At pinagtawanan nila siya. 25 Nang mapalabas na niya ang mga tao, pumasok siya. Hinawakan niya ang kamay ng batang babae at siya ay bumangon. 26 At napabalita ang pangyayaring ito sa buong lupaing iyon.
Pinagaling ni Jesus ang Bulag at Pipi
27 Nang lisanin ni Jesus ang dakong iyon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sila ay sumisigaw na sinasabi: Ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin.
28 Pagpasok niya sa bahay, lumapit ang dalawang lalaki sa kaniya. Sinabi ni Jesus sa kanila: Sumasampalataya ba kayong magagawa ko ito?
Sinabi nila sa kaniya:Oo, Panginoon.
29 Nang magkagayon, hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi: Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya. 30 Namulat ang kanilang mga mata. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na sinasabi: Huwag ninyong sabihin ito kahit na kanino. 31 Ngunit nang makaalis na sila, ikinalat nila ang nangyari sa buong lupaing iyon.
32 Nang sila ay papaalis na, narito, may mga taong nagdala sa kaniya ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. 33 Nang mapalayas na niya ang demonyo, nagsalita ang pipi. Ang napakaraming tao ay namangha na sinasabi: Kailanman ay hindi pa nasaksihan sa Israel ang ganito.
34 Ngunit sinabi ng mga Fariseo: Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.
Kakaunti ang mga Manggagawa
35 Nilibot ni Jesus ang lahat ng lungsod at nayon. Siya ay nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng ebanghelyo ng paghahari. Siya ay nagpagaling ng lahat ng uri ng mga sakit at karamdaman.
36 Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat nanlulupaypay sila at nangalat katulad ng mga tupang walang pastol. 37 Nang magkagayon, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Totoong marami ang aanihin ngunit kakaunti ang manggagawa. 38 Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng anihan na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang anihan.
Copyright © 1998 by Bibles International