Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 8:18-34

Ang Halaga ng Pagsunod kay Jesus

18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa palibot niya, nag-utos siya upang tumawid sa kabilang ibayo ng lawa.

19 May lumapit sa kaniya na isang guro ng kautusan. Sinabi nito sa kaniya: Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.

20 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang mga sora ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad. Ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapaghihiligan ng kaniyang ulo.

21 At isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi: Panginoon, pahintulutan mo muna akong makauwi upang ilibing ang aking ama.

22 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Sumunod ka sa akin. Bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang patay.

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo

23 Pagkasakay niya sa isang bangka, sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

24 Narito, nagkaroon ng isang malakas na bagyo sa lawa. Ang bangka ay natatabunan ng malalakas na alon. Ngunit si Jesus ay natutulog. 25 Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at ginising siya. Sinabi nila: Panginoon, iligtas mo kami, napapahamak kami.

26 Sinabi ni Jesus sa kanila: Bakit kayo natatakot? O, kayong maliliit ang pananampalataya. Nang magkagayon, bumangon siya at sinaway ang mga hangin at ang mga alon. At nagkaroon ng isang malaking katahimikan.

27 Ngunit ang mga lalaki ay namangha at nagsabi: Anong uri ng tao ito na maging ang mga hangin at dagat ay tumatalima sa kaniya?

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Inaalihan ng Demonyo

28 Pagdating niya sa kabilang ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng mga demonyo. Sila ay nanggaling sa libingan at totoong napakabangis. Kaya walang sinumang maglakas-loob na dumaan sa daang iyon.

29 Narito, sila ay sumigaw na sinabi: Ano ang kinalaman ng bagay na ito sa amin at sa iyo Jesus, ikaw na Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago pa man dumating ang panahon?

30 Sa hindi kalayuan ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain. 31 Nagmakaawa ang mga demonyo sa kaniya. Sinabi nila: Kapag palalayasin mo kami, pahintulutan mo kaming pumaroon sa kawan ng mga baboy.

32 Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo. Pagkalabas nila, pumasok sila sa kawan ng mga baboy. Narito, ang buong kawan ng baboy ay tumakbong padaluhong sa isang malalim na bangin at nahulog sa kalalim-laliman ng lawa at nalunod. 33 Ang mga tagapag-alaga ay tumakbo at pumunta sa lungsod. Ipinamalita nila ang lahat ng nangyari at ang sinapit ng mga inalihan ng mga demonyo. 34 Narito, ang buong mamamayan sa lungsod ay lumabas upang salubungin si Jesus. Nang makita nila siya, nagmakaawa sila sa kaniya na umalis na sa kanilang lupain at sa mga hangganan nito.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International