Old/New Testament
Ang Pangangaral sa Bundok
5 Pagkakita niya sa napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya, nilapitan siya ng kaniyang mga alagad.
2 Nagsalita siya upang turuan ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya:
3 Pinagpala ang mga mapagpakumbabang-loob sapagkat sa kanila ang paghahari ng langit. 4 Pinagpala ang mga nahahapis sapagkat sila ay aaliwin. 5 Pinagpala ang mga maaamo sapagkat mamanahin nila ang lupa. 6 Pinagpala ang mga nagugutom at mga nauuhaw sa katuwiran sapagkat sila ay bubusugin. 7 Pinagpala ang mga mahabagin sapagkat kahahabagan sila. 8 Pinagpala ang mga may dalisay na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. 9 Pinagpala ang mga mapagpayapa sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. 10 Pinagpala ang mga inuusig dahil sa katuwiran sapagkat sa kanila ang paghahari ng langit.
11 Pinagpala kayo kung kayo ay inaalimura ng mga tao at pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng masasamang salita na pawang kasinungalingan dahil sa akin. 12 Magalak at magsaya kayong totoo sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganyan din ang ginawa nilang pag-uusig sa mga propetang nauna sa inyo.
Kayo ay Asin at Ilaw
13 Kayo ang asin ng lupa. Ngunit kapag ang asin ay nawalan ng alat, paano pa ito muling aalat? Wala itong kabuluhan kundi itapon na lamang at yurakan ng mga tao.
14 Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. 15 Hindi rin sinisindihan ng sinuman ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan. Ngunit ito ay inilalagay sa lalagyan ng ilawan at nagliliwanag sa lahat ng nasa bahay. 16 Sa ganitong paraan pagliwanagin ninyo ang inyong ilawan sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa. Sa gayon ay luluwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.
Ang Katuparan ng Kautusan
17 Huwag ninyong isiping naparito ako upang sirain ang Kautusan o ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang sirain kundi upang tuparin ang mga ito.
18 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Lilipas ang langit at ang lupa ngunit kahit isang tuldok o isang kudlit sa Kautusan ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang matupad ang lahat. 19 Kaya ang sinumang lumabag sa isa sa mga utos na ito, kahit na ang kaliit-liitan, at ituro sa mga tao ang gayon, ay tatawaging pinakamababa sa paghahari ng langit. Ngunit ang sinumang gumaganap at nagtuturong ganapin ito ay tatawaging dakila sa paghahari ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo: Maliban na ang inyong katuwiran ay hihigit sa katuwiran ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo, sa anumang paraan ay hindi kayo makakapasok sa paghahari ng langit.
Ang Pagpatay
21 Narinig ninyong sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang papatay. Ang sinumang pumatay ay mapapasapanganib sa paghatol.
22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang sinumang nagagalit sa kaniyang kapatid ng walang dahilan ay mapapasapanganib ng kahatulan. Ang sinumang magsabi sa kaniyang kapatid: Hangal ka, siya ay mapapasapanganib sa Sanhedrin. Ngunit ang sinumang magsabi: Wala kang kabuluhan, siya ay mapapasapanganib sa apoy ng impiyerno.
23 Kaya nga, kapag ikaw ay magdala ng iyong kaloob sa dambana at doon ay maala-ala mo na ang iyong kapatid ay may laban sa iyo, iwanan mo roon sa harap ng dambana ang iyong kaloob. 24 Lumakad ka at makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid. Pagkatapos ay bumalik ka at maghandog ng iyong kaloob.
25 Makipagkasundo ka muna sa nagsasakdal sa iyo habang ikaw ay kasama niya sa daan. Kung hindi ay baka ibigay ka ng nagsasakdal sa iyo sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa opisyal at ipabilanggo ka. 26 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa anumang paraan ay hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang huling sentimo.
Copyright © 1998 by Bibles International