Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mateo 14-15

14 Nang panahong yao'y narinig ni Herodes na tetrarka ang balita tungkol kay Jesus,

At sinabi sa kaniyang mga tagapaglingkod, Ito'y si Juan Bautista; siya'y muling nagbangon sa mga patay; kaya't ang mga kapangyarihang ito ay nagsisigawa sa kaniya.

Sapagka't hinuli ni Herodes si Juan, at siya'y iginapos, at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kaniyang kapatid.

Sapagka't sinabi ni Juan sa kaniya, Hindi matuwid sa iyo na aariin mo siya.

At nang ibig niyang ipapatay siya, ay natakot siya sa karamihan, sapagka't siya'y kanilang ibinibilang na propeta.

Datapuwa't nang dumating ang araw na kapanganakan kay Herodes, ay sumayaw sa gitna ang anak na babae ni Herodias, at kinalugdan ni Herodes.

Dahil dito'y kaniyang ipinangakong may sumpa na sa kaniya'y ibibigay ang anomang hingin niya.

At siya, na inudyukan ng kaniyang ina, ay nagsabi, Ibigay mo sa akin dito na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.

At namanglaw ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang mga sumpa, at sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay ipinagutos niyang ibigay na sa kaniya;

10 At nagutos siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.

11 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga: at dinala nito sa kaniyang ina.

12 At ang kaniyang mga alagad ay nagsiparoon, at kanilang binuhat ang bangkay, at kanilang inilibing; at sila'y nagsialis at isinaysay kay Jesus.

13 Nang marinig nga ito ni Jesus, ay lumigpit sila mula roon, sa isang daong na nasa isang dakong ilang na bukod: at nang mabalitaan ito ng mga karamihan, ay nangaglakad sila na sumunod sa kaniya mula sa mga bayan.

14 At siya'y lumabas, at nakita ang isang malaking karamihan, at nahabag siya sa kanila, at pinagaling niya ang sa kanila'y mga may sakit.

15 At nang nagtatakipsilim na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Ilang ang dakong ito, at lampas na sa panahon; paalisin mo na ang mga karamihan, upang sila'y magsiparoon sa mga nayon, at sila'y mangakabili ng kanilang makakain.

16 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kailangang sila'y magsialis; bigyan ninyo sila ng makakain.

17 At sinasabi nila sa kaniya, Wala tayo rito kundi limang tinapay at dalawang isda.

18 At sinabi niya, Dalhin ninyo rito sa akin.

19 At ipinagutos niya sa mga karamihan na sila'y magsiupo sa damuhan; at kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.

20 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis na pinagputolputol, na labingdalawang bakol na puno.

21 At ang mga nagsikain ay may limang libong lalake, bukod pa ang mga babae at ang mga bata.

22 At pagdaka'y pinapagmadali niya ang kaniyang mga alagad na magsilulan sa daong, at magsiuna sa kaniya sa kabilang ibayo, hanggang pinayayaon niya ang mga karamihan.

23 At pagkatapos na mapayaon niya ang mga karamihan, ay umahon siyang bukod sa bundok upang manalangin: at nang gumabi na, ay siya'y nagiisa doon.

24 Datapuwa't ang daong ay nasa gitna na ng dagat, na hinahampas ng mga alon; sapagka't pasalungat sa hangin.

25 At sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat.

26 At nang makita siya ng mga alagad na lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay nangagulumihanan sila, na nangagsasabi, Multo! at sila'y nagsisigaw dahil sa takot.

27 Datapuwa't pagdaka'y nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot.

28 At sumagot sa kaniya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.

29 At sinabi niya, Halika. At lumunsad si Pedro sa daong, at lumakad sa ibabaw ng tubig upang pumaroon kay Jesus.

30 Datapuwa't pagkakita niyang malakas ang hangin, ay natakot siya, at nang siya'y malulubog, ay sumigaw, na nagsasabi, Panginoon, iligtas mo ako.

31 At pagdaka'y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, at sa kaniya'y sinabi, Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan?

32 At pagkalulan nila sa daong, ay humimpil ang hangin.

33 At ang mga nasa daong ay nagsisamba sa kaniya, na nangagsasabi, Tunay na ikaw ang Anak ng Dios.

34 At nang makatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret.

35 At nang siya'y makilala ng mga tao sa dakong yaon, ay nangagpabalita sila sa palibotlibot ng buong lupaing yaon, at sa kaniya'y dinala ang lahat ng mga may sakit;

36 At ipinamamanhik nila sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nangagsihipo ay pawang nagsigaling.

15 Nang magkagayo'y nagsilapit kay Jesus na mula sa Jerusalem ang mga Fariseo at ang mga eskriba, na nagsisipagsabi,

Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa sali't-saling sabi ng matatanda? sapagka't hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka nagsisikain sila ng tinapay.

At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo'y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi?

Sapagka't sinabi ng Dios, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, Ang manungayaw sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala.

Datapuwa't sinasabi ninyo, Sinomang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Dios:

Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi.

Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi,

Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin.

Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.

10 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sa kanila'y sinabi, Pakinggan ninyo, at unawain.

11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao.

12 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga alagad, at sa kaniya'y sinabi, Nalalaman mo bagang nangagdamdam ang mga Fariseo, pagkarinig nila ng pananalitang ito?

13 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Ang bawa't halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin.

14 Pabayaan ninyo sila: sila'y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay.

15 At sumagot si Pedro, at sinabi sa kaniya, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.

16 At sinabi niya, Kayo baga nama'y wala pa ring pagiisip?

17 Hindi pa baga ninyo nalalaman, na ang anomang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?

18 Datapuwa't ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao.

19 Sapagka't sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong:

20 Ito ang mga bagay na nangakakahawa sa tao; datapuwa't ang kumaing hindi maghugas ng mga kamay ay hindi makakahawa sa tao.

21 At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng Tiro at Sidon.

22 At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio.

23 Datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya'y pinamanhikan, na nangagsasabi, Paalisin mo siya; sapagka't nagsisisigaw siya sa ating hulihan.

24 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.

25 Datapuwa't lumapit siya at siya'y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako.

26 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso.

27 Datapuwa't sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.

28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon.

29 At umalis si Jesus doon, at naparoon sa tabi ng dagat ng Galilea; at umahon sa bundok, at naupo doon.

30 At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila'y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila'y pinagaling niya:

31 Ano pa't nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel.

32 At pinalapit ni Jesus sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi, Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nagsisipanatili sa akin at wala silang makain: at di ko ibig na sila'y paalising nangagaayuno, baka sila'y manganglupaypay sa daan.

33 At sa kaniya'y sinabi ng mga alagad, Saan tayo mangakakakuha rito sa ilang ng sapat na daming tinapay na makabubusog sa ganyang lubhang napakaraming tao?

34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito, at ilang maliliit na isda.

35 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa;

36 At kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; at siya'y nagpasalamat at pinagputolputol, at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.

37 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at pinulot nila ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.

38 At silang nagsikain ay apat na libong lalake, bukod ang mga babae at mga bata.

39 At pinayaon niya ang mga karamihan at lumulan sa daong, at napasa mga hangganan ng Magdala.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain