Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hebreo 10-11

10 Ang Kautusan ay anino lang ng mabubuting bagay na darating. Kailanman ay hindi ito nakakapagpabanal sa mga taong lumalapit sa Dios sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay nila taun-taon. Dahil kung napatawad na sila sa pamamagitan ng mga handog, hindi na sana sila uusigin ng kanilang budhi, at hindi na nila kailangang maghandog pa. Ngunit ang paghahandog na ginagawa nila taun-taon ay siya pang nagpapaalala sa mga kasalanan nila, dahil hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila. Kaya nga, nang dumating si Jesus dito sa mundo, sinabi niya sa kanyang Ama,

    “Hindi mo nagustuhan ang mga handog at kaloob ng mga tao,
    kaya binigyan mo ako ng katawan na ihahandog ko.
Hindi ka nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis.
Kaya sinabi ko sa iyo, ‘Narito ako para tuparin ang kalooban mo, O Dios, ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.’ ”[a]

Una, sinabi ni Cristo na hindi nagustuhan ng Dios ang mga handog at kaloob, at hindi siya nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis kahit na ipinapatupad ito ng Kautusan. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang Ama, “Nandito ako para sundin ang kalooban mo.” Kaya inalis ng Dios ang dating paraan ng paghahandog upang palitan ng paghahandog ni Cristo. 10 At dahil sinunod ni Jesu-Cristo ang kalooban ng Dios, nilinis niya tayo sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng sarili niya.

11 Naglilingkod ang mga pari araw-araw, at paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog, na hindi naman nakapag-aalis ng kasalanan. 12 Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa ating mga kasalanan, at hindi na ito mauulit kailanman. Pagkatapos nito, umupo na siya sa kanan ng Dios. 13 At hinihintay na lang niya ngayon ang panahong pasukuin sa kanya ng Dios ang mga kaaway niya. 14 Kaya sa pamamagitan lang ng minsang paghahandog, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinabanal[b] niya.

15 Ang Banal na Espiritu mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Sapagkat sinabi niya,

16 “ ‘Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa kanila sa darating na panahon,’ sabi ng Panginoon:
    ‘Ilalagay ko ang aking mga utos sa puso nila at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.’ ”[c]

17 Dagdag pa niya, “Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila.”[d] 18 At dahil napatawad na ang mga kasalanan natin, hindi na natin kailangan pang maghandog para sa ating mga kasalanan.

Lumapit Tayo sa Dios

19 Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. 20 Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. 21 At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Dios, 22 lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis[e] na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig. 23 Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin. 24 At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. 25 Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.

26 Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin. 27 Tanging ang nakakatakot na paghuhukom at nagliliyab na apoy ang naghihintay sa mga taong kumakalaban sa Dios. 28 Ipinapapatay noon nang walang awa ang lumalabag sa Kautusan ni Moises, kapag napatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang paglabag niya. 29 Gaano pa kaya kabigat ang parusang tatanggapin ng taong lumapastangan sa Anak ng Dios at nagpawalang-halaga sa dugo na nagpatibay sa kasunduan ng Dios at naglinis sa mga kasalanan niya? Talagang mas mabigat ang parusa sa mga taong ito na humamak sa maawaing Banal na Espiritu. 30 Sapagkat kilala natin ang Dios na nagsabi, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[f] At mayroon ding nakasulat na ganito: “Hahatulan ng Panginoon ang mga taong sakop niya.”[g] 31 Kakila-kilabot ang kahihinatnan ng mga hahatulan ng Dios na buhay.

32 Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, pero tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig. 33 Kung minsan, inaalipusta kayo at pinag-uusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok. 34 Dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis nʼyo ito nang may kagalakan dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuting kayamanan na hindi mawawala kailanman. 35 Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. 36 Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya. 37 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,

    “Sandaling panahon na lang at darating na siya. Hindi na siya magtatagal.
38 At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”[h]

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Dios at napapahamak, kundi kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.

Mga Dakilang Halimbawa ng Pananampalataya

11 Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita. Dahil sa pananampalataya ng mga ninuno natin, kinalugdan sila ng Dios. Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Dios sa pamamagitan ng kanyang salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita.

Dahil sa pananampalataya, nag-alay si Abel ng mas mabuting handog kaysa kay Cain. At dahil sa pananampalataya niya, itinuring siyang matuwid ng Dios, dahil tinanggap ng Dios ang handog niya. Kaya kahit patay na si Abel, may itinuturo pa rin siya sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya niya.

Dahil sa pananampalataya, hindi namatay si Enoc kundi dinala siya sa langit,[i] “Hindi na siya nakita pa dahil dinala siya ng Dios.”[j] Ayon sa Kasulatan dinala siya dahil nalugod ang Dios sa buhay niya. Hindi makapagbibigay-lugod sa Dios ang taong walang pananampalataya, dahil ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Dios at nagbibigay siya ng gantimpala sa mga taong humahanap sa kanya.

Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Dios tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Dios.

Dahil sa pananampalataya, sinunod ni Abraham ang utos ng Dios na pumunta sa lugar na ipinangako sa kanya. Umalis siya sa bayan niya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil din sa pananampalataya, nanirahan si Abraham sa lupaing ipinangako sa kanya ng Dios kahit na sa tolda lang siya tumira na parang isang dayuhan. Tumira rin sa tolda ang anak niya na si Isaac at apong si Jacob, na mga tagapagmana rin ng pangako ng Dios. 10 Sapagkat ang talagang inaasahan ni Abraham ay isang lungsod na may matibay na pundasyon, na ang Dios mismo ang nagplano at nagtayo.

11 Dahil sa pananampalataya, nagkaanak si Abraham kahit na matanda na siya at baog ang asawa niyang si Sara, dahil naniwala si Abraham na tutuparin ng Dios ang pangako niya na magkakaanak si Sara. 12 Kaya mula kay Abraham, na wala nang pag-asang magkaanak pa,[k] nagmula ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.

13 Ang lahat ng taong itoʼy namatay na sumasampalataya. Hindi man nila natanggap ang mga pangako ng Dios noong nabubuhay pa sila, natitiyak naman nilang darating ang araw na matatanggap nila ang kanilang hinihintay. Itinuring nilang mga dayuhan ang sarili nila at naninirahan lang sa mundong ito. 14 Ang mga taong may ganitong pananaw ay nagpapahiwatig na naghahanap sila ng sariling bayan. 15 Kung ang bayang iniwan nila ang iniisip nila, may pagkakataon pa silang makabalik. 16 Ngunit hinahangad nila ang mas mabuting lugar, at itoʼy walang iba kundi ang lungsod na nasa langit. Kaya hindi ikinakahiya ng Dios na siyaʼy tawagin nilang Dios, dahil ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.

17-18 Dahil sa pananampalataya, handang ihandog ni Abraham ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Dios. Kahit na alam niyang si Isaac ang ipinangako ng Dios na pagmumulan ng kanyang lahi, handa pa rin niya itong ialay.[l] 19 Sapagkat nanalig si Abraham na kung mamamatay si Isaac, muli siyang bubuhayin ng Dios. At ganoon nga ang nangyari – parang bumalik sa kanya si Isaac mula sa kamatayan.

20 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau para maging mabuti ang hinaharap nila.

21 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Jacob ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Dios habang nakatukod sa kanyang tungkod.

22 Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose nang malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.

23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.

24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.

27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.

29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.

30 Dahil sa pananampalataya, gumuho ang mga pader ng Jerico matapos itong ikutan ng mga Israelita sa loob ng pitong araw.

31 Dahil sa pananampalataya, tinulungan ni Rahab na babaeng bayaran ang mga espiya at hindi siya pinatay kasama ng mga kababayan niyang suwail sa Dios.

32 Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Dios. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon, 34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo. 35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala. 36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo. 37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin. 38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.

39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila. 40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®