Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hebreo 3-5

Mas Dakila si Jesus kaysa kay Moises

Kaya nga mga kapatid ko sa pananampalataya, at mga kapwa ko na tinawag ng Dios na makakasama sa langit, alalahanin nʼyo si Jesus. Siya ang apostol at punong pari ng ating pananampalataya. Tapat siya sa Dios na nagsugo sa kanya, katulad ni Moises na naging tapat sa pamamahala ng pamilya ng Dios. Ngunit itinuring ng Dios si Jesus na higit kaysa kay Moises, dahil kung ihahalintulad sa bahay, higit ang karangalan ng nagtayo kaysa sa bahay na itinayo. Alam natin na may gumawa ng bawat bahay. Ngunit[a] ang Dios ang gumawa ng lahat ng bagay. Tapat si Moises sa pamamahala niya sa pamilya ng Dios bilang isang lingkod. At ang mga bagay na ginawa niya ay larawan ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap. Ngunit si Cristo ay tapat bilang Anak na namamahala sa pamilya ng Dios. At tayo ang pamilya ng Dios, kung patuloy tayong magiging tapat sa pag-asang ipinagmamalaki natin. Kaya gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu:

    “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios,
huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo,
    tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo.
    Naghimagsik sila laban sa Dios at siyaʼy sinubok nila roon sa ilang.
Sinabi ng Dios, ‘Sinubok nila ako sa kasamaan nila,
    kahit na nakita nila ang ginawa ko sa loob ng 40 taon.
10 Kaya galit na galit ako sa henerasyong ito at sinabi ko,
    “Laging lumalayo ang puso nila sa akin,
    at ayaw nilang sumunod sa mga itinuturo ko sa kanila.”
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.’ ”[b]

12 Kaya mga kapatid, mag-ingat kayo at baka maging masama ang puso nʼyo na siyang magpapahina ng pananampalataya nʼyo hanggang sa lumayo kayo sa Dios na buhay. 13 Magpaalalahanan kayo araw-araw habang may panahon pa, para walang sinuman sa inyo ang madaya ng kasalanan na nagpapatigas sa puso nʼyo. 14 Sapagkat kasama tayo ni Cristo kung mananatiling matatag ang pananampalataya natin sa kanya hanggang sa wakas. 15 Gaya nga ng nabanggit sa Kasulatan: “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo nang naghimagsik sila laban sa Dios.”[c] 16 Sino ba ang mga taong nakarinig sa tinig ng Dios at naghimagsik pa rin sa kabila nito? Hindi baʼt ang mga inilabas ni Moises sa Egipto? 17 At kanino ba nagalit ang Dios sa loob ng 40 taon? Hindi baʼt sa mga nagkasala at namatay sa ilang? 18 At sino ba ang isinumpa ng Dios na hindi makakamtan ang kapahingahan? Hindi baʼt ang mga ayaw sumunod sa kanya? 19 Kaya malinaw na hindi nila nakamtan ang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Dios.

Ngunit kahit na ganoon ang nangyari sa kanila, nanatili pa rin ang pangako ng Dios na makakamtan natin ang kapahingahang mula sa kanya. Kaya mag-ingat tayo at baka mayroon sa atin na hindi magkakamit ng pangakong ito. Sapagkat nakarinig din tayo ng Magandang Balita katulad nila, pero naging walang saysay ang narinig nila dahil hindi sila sumampalataya. Tayong mga sumasampalataya ang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios. Ngunit hindi ito makakamit ng hindi sumasampalataya, dahil sinabi ng Dios,

    “Sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”[d]

Hindi ibig sabihin na wala pa ang kapahingahan. Ang totoo, nariyan na ito mula pa nang likhain ang mundo. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan tungkol sa ikapitong araw,

    “Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Dios sa kanyang paglikha.”[e]

At sinabi rin sa Kasulatan, “Hinding-hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.” Malinaw na niloob ng Dios na may magkakamit ng kapahingahang ito, pero ang mga nakarinig noon ng Magandang Balita ay hindi ito nakamtan dahil sa pagsuway nila sa kanya. Kaya muling nagtakda ang Dios ng isa pang pagkakataon, na walang iba kundi ngayon. Dahil pagkalipas ng matagal na panahon sinabi ng Dios sa pamamagitan ni David,

    “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.”[f]

Dahil kung tunay na nadala ni Josue sa kapahingahan ang mga tao noong una, hindi na sana nagsalita ang Dios tungkol sa isa pang kapahingahan. Kaya may kapahingahan pang nakalaan sa mga taong sakop ng Dios. At ang kapahingahang itoʼy katulad ng pagpapahinga ng Dios sa ikapitong araw. 10 Sapagkat ang sinumang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios ay makapagpapahinga rin sa mga gawain niya, tulad ng pamamahinga ng Dios matapos niyang likhain ang lahat. 11 Kaya sikapin nating makamit ang kapahingahang ito. Huwag nating tularan ang mga tao noong una na sumuway sa Dios, at baka hindi natin ito makamtan. 12 Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Dios, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao. 13 Walang makapagtatago sa Dios. Nakikita niya at lantad sa paningin niya ang lahat, at sa kanya tayo mananagot.

Si Cristo ang Ating Punong Pari

14 Kaya panghawakan nating mabuti ang pinaniniwalaan natin dahil mayroon tayong dakilang punong pari na pumasok sa kalangitan, na walang iba kundi si Jesus na Anak ng Dios. 15 Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi siya nagkasala. 16 Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.

Ang bawat punong pari ay pinili mula sa mga tao upang maglingkod sa Dios para sa kanila. Tungkulin niyang maghandog ng mga kaloob at iba pang mga handog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. At dahil tao rin siyang tulad natin na may mga kahinaan, mahinahon siyang nakikitungo sa mga taong hindi nakakaalam na naliligaw sila ng landas. At dahil nagkakasala rin siya, kailangan niyang maghandog, hindi lang para sa kasalanan ng mga tao, kundi para rin sa sarili niyang mga kasalanan. Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari. Sapagkat ang Dios mismo ang humihirang sa kanya na maging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron. Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,

    “Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[g]

At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,

    “Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”[h]

Noong namumuhay pa si Jesus sa mundong ito, umiiyak siyang nananalangin at nagmamakaawa sa Dios na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig naman siya dahil lubos siyang naging masunurin. At kahit Anak siya mismo ng Dios, natutunan niya ang pagiging masunurin sa pamamagitan ng mga pagtitiis na dinanas niya. Naging ganap siya at pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan[i] ng lahat ng sumusunod sa kanya. 10 Kaya itinalaga siya ng Dios na maging punong pari tulad ng pagkapari ni Melkizedek.

Babala sa Pagtalikod sa Dios

11 Marami pa sana kaming sasabihin tungkol sa mga bagay na ito, pero mahirap ipaliwanag dahil mahina ang pang-unawa ninyo. 12 Dapat mga tagapagturo na sana kayo dahil matagal na kayo sa pananampalataya, ngunit hanggang ngayon ay kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Dios. Katulad pa rin kayo ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas dahil hindi nʼyo pa kaya ang matigas na pagkain. 13 Ang mga nabubuhay sa gatas ay mga sanggol pa at walang muwang kung ano ang mabuti at masama. 14 Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa may mga sapat na gulang na, at alam na kung ano ang mabuti at masama.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®