New Testament in a Year
Ang Ikatlong Pagbanggit tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
32 Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang ibang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. 33 Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”
Ang Pagiging Dakila(B)
35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”
36 “Ano ang nais ninyo?” tanong ni Jesus.
37 Sumagot sila, “Sana po ay makasama kami sa inyong karangalan at maupo ang isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
38 Ngunit(C) sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?”
39 “Opo,” tugon nila.
Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.”
41 Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42 Kaya't(D) pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 43 Ngunit(E) hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”
Pinagaling si Bartimeo(F)
46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47 Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”
48 Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”
49 Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.”
At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila.
50 Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus.
51 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus.
Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.”
52 Sinabi ni Jesus, “Makakaalis ka na. Magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.”
Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.