M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Pagtatagumpay ni Haring David(A)
8 Kinalaunan, natalo at nasakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya mula sa kanila ang Meteg Amma. 2 Natalo rin ni David ang mga Moabita. Nakahanay na pinahiga niya ang mga ito sa lupa, at sinukat niya ang mga ito sa pamamagitan ng isang lubid. Ang mga napabilang sa sukat na dalawang lubid ay pinagpapatay, at ang mga napabilang naman sa sukat ng pangatlong lubid ay hinayaang mabuhay. Ang mga Moabitang hinayaang mabuhay ay nagpasakop kay David at nagbayad sa kanya ng buwis.
3 Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob, habang papunta si Hadadezer sa lupaing malapit sa Ilog ng Eufrates para bawiin ito. 4 Naagaw nila David ang 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe,[a] at 20,000 sundalo. Pinilayan nila David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe, maliban lang sa 100 kabayo na itinira nila para gamitin.
5 Nang dumating ang mga Arameo[b] mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito. 6 Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pupuntahan niya. 7 Kinuha ni David ang mga gintong kalasag na pag-aari ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem. 8 Kinuha rin niya ang napakaraming tanso sa Beta[c] at Berotai, mga bayang sakop ni Hadadezer.
9 Nabalitaan ni Haring Tou[d] ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Hadadezer. 10 Kaya pinapunta niya ang anak niyang si Joram kay Haring David para kamustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Joram ng mga regalong gawa sa pilak, ginto at tanso. 11 Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na nasamsam niya mula lahat ng bansang tinalo niya – 12 ang Edom,[e] Moab, Ammon, Filistia at Amalek. Inihandog din niya ang mga nasamsam nila mula kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob. 13 Naging tanyag pa si David nang mapatay niya ang 18,000 Edomita[f] sa lambak na tinatawag na Asin. 14 Naglagay siya ng mga kampo sa buong Edom, at sinakop niya ang mga Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pinupuntahan niya.
Ang mga Opisyal ni David
15 Naghari si David sa buong Israel. Ginawa niya ang matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya. 16 Si Joab na anak ni Zeruya ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehoshafat naman na anak ni Ahilud ang namamahala sa mga kasulatan ng kaharian. 17 Sina Zadok na anak ni Ahitub at Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga punong pari. Si Seraya ang kalihim. 18 Si Benaya na anak ni Jehoyada ang namumuno sa mga Kereteo at Peleteo na mga personal niyang tagapagbantay. At ang mga anak niyang lalaki ang mga tagapayo[g] niya.
Si David at si Mefiboset
9 Isang araw, nagtanong si David, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonatan?” 2 Ipinatawag ni David ang isang tao na nagngangalang Ziba, isang utusan mula sa sambahayan ni Saul. Pagdating niya, tinanong siya ni David, “Ikaw ba si Ziba?” Sumagot siya, “Ako nga po.” 3 Muling nagtanong ang hari, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan ng Dios?” Sumagot siya, “Mayroon po, ang lumpong anak na lalaki ni Jonatan.” 4 “Nasaan siya?” tanong ng hari. Sumagot si Ziba, “Naroon po sa Lo Debar, sa bahay ni Makir na anak ni Amiel.” 5 Kaya ipinasundo siya ni David mula sa bahay ni Makir.
6 Ang pangalan ng anak ni Jonatan ay Mefiboset at apo siya ni Saul. Pagdating niya kay David, yumukod siya bilang paggalang dito. Sinabi ni David sa kanya, “Ikaw pala si Mefiboset.” Sumagot siya, “Ako nga po.” 7 Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot. Ipinatawag kita dahil gusto kitang pakitaan ng kabutihan dahil sa iyong amang si Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at hindi lang iyan, dito ka na palagiang kakain kasama ko.” 8 Yumukod si Mefiboset at sinabi, “Sino po ako para tratuhin nʼyo ako ng ganito? Gaya lang po ako ng isang patay na aso.” 9 Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Ziba, ang dating utusan ni Saul at sinabi, “Ibinigay ko na sa apo ng amo mong si Saul ang lahat ng ari-arian ng kanyang lolo. 10 Ikaw, ang mga anak mo, at ang mga utusan mo ang magsasaka ng lupain para sa kanya, at dapat mong dalhin sa kanya ang mga ani para may pagkain ang sambahayan ng amo mo.[h] Pero si Mefiboset naman ay kakaing kasama ko.” (May 15 anak na lalaki at 20 utusan si Ziba.)
11 Sumagot si Ziba sa hari, “Gagawin ko po, Mahal na Hari, ang lahat ng iniutos nʼyo sa akin na inyong lingkod.” Mula noon, palaging kumakain si Mefiboset kasama ni David na parang isa sa mga anak niya. 12 May bata pang anak na lalaki si Mefiboset na nagngangalang Mica. Ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ziba ay naging utusan ni Mefiboset. 13 At si Mefiboset na lumpo ang dalawang paa ay nanirahan sa Jerusalem, at palagi siyang kumakain kasama ni Haring David.
2 Naisip kong huwag na munang pumunta riyan kung makapagdudulot lang naman ng kalungkutan ang pagdalaw ko sa inyo. 2 Kayo lang ang nagpapasaya sa akin. Ngunit kung magiging malungkot kayo nang dahil sa akin, papaano nʼyo pa ako mapapasaya? 3 Iyan ang dahilan kung bakit sumulat ako sa inyo noon. Ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay maging malungkot ang mga taong dapat sanaʼy magpapaligaya sa akin. At naniniwala ako na ang kaligayahan ko ay kaligayahan din ninyong lahat. 4 Nang sumulat ako noon sa inyo, nabagabag ang aking kalooban. Nalungkot akoʼt lumuha. Sumulat ako sa inyo hindi dahil sa gusto ko kayong saktan kundi dahil gusto kong maipakita kung gaano ko kayo kamahal.
Patawarin ang Nagkasala
5 Ngayon, tungkol naman sa taong nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi lamang ako ang binigyan niya ng kalungkutan. Ayaw kong magmalabis, pero nagbigay din siya ng kalungkutan sa inyong lahat. 6 Pero sapat na ang kaparusahang ibinigay ninyo sa kanya. 7 Kaya patawarin na ninyo siya at patatagin, dahil baka maging labis ang kanyang hinagpis at tuluyang panghinaan ng loob. 8 Nakikiusap ako na ipakita ninyo sa kanya na mahal nʼyo pa rin siya. 9 At ito nga ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo, dahil gusto kong malaman kung sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng sinasabi ko sa inyo. 10 Kung pinatawad na ninyo ang taong nagkasala, pinatawad ko na rin siya. At kung nagpatawad man ako, saksi si Cristo na ginawa ko iyon alang-alang sa inyo. 11 Nararapat lamang na magpatawad tayo para hindi tayo madaig ni Satanas. Alam naman natin ang mga binabalak niyang masama.
Si Pablo sa Troas
12 Nang dumating ako sa Troas para ipangaral ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon na magawa iyon. 13 Pero hindi ako mapalagay dahil hindi ko nakita roon ang kapatid nating si Tito. Kaya nagpaalam ako sa mga mananampalataya roon at pumunta sa Macedonia.
Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo
14 Salamat sa Dios dahil lagi siyang nasa unahan natin sa parada ng tagumpay. Ginagawa niya ito dahil tayo ay nakay Cristo. Saan man kami pumunta, ginagamit kami ng Dios para ipakilala si Cristo sa mga tao. At itong ipinapalaganap namin ay parang halimuyak ng pabango. 15 Para kaming mabangong handog na iniaalay ni Cristo sa Dios, at naaamoy ng mga taong naliligtas at ng napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, para kaming nakamamatay na amoy; ngunit sa mga naliligtas, para kaming halimuyak na nagbibigay-buhay. Sino ang may kakayahang gampanan ang gawaing ito? 17 Hindi kami tulad ng marami riyan na ginagawang negosyo ang salita ng Dios para magkapera. Alam naming nakikita kami ng Dios, kaya bilang mga mananampalataya ni Cristo at sugo ng Dios, tapat naming ipinangangaral ang kanyang salita.
Ang Jerusalem ay Katulad ng Babaeng Nangangalunya
16 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang mga kasuklam-suklam niyang gawa. 3 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa kanya: Isa kang Canaanita! Ang ama mo ay isang Amoreo at ang iyong ina ay isang Heteo. 4 Nang ipinanganak kaʼy walang nag-asikaso sa iyo. Walang pumutol ng pusod mo, nagpaligo o nagpahid ng asin sa katawan mo at wala ring nagbalot ng lampin sa iyo. 5 Walang nagmalasakit sa iyo para gawin ang mga bagay na ito. Walang sinumang naawa sa iyo. Sa halip, itinapon ka sa kapatagan at isinumpa mula nang araw na isinilang ka.
6 “Pero nang mapadaan ako, nakita kitang kumakawag-kawag sa sarili mong dugo at sinabi ko sa iyong mabubuhay ka. 7 Pinalaki kita tulad ng isang tanim sa bukirin. Lumaki ka at naging dalaga. Lumaki ang dibdib mo at lumago ang iyong buhok, pero hubad ka pa rin.
8 “Nang muli akong mapadaan, nakita kong ganap ka nang dalaga. Kaya tinakpan ko ng aking balabal ang kahubaran mo at ipinangakong ikaw ay aking mamahalin. Gumawa ako ng kasunduan sa iyo, at ikaw ay naging akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
9 “Pinaliguan kita at nilinis ang mga dugo sa katawan mo at pinahiran din kita ng langis. 10 Pagkatapos, dinamitan kita ng mamahaling damit na pinong linen, seda na may magagandang burda at pinagsuot ng sandalyas na balat. 11 Binigyan kita ng mga alahas: mga pulseras at kwintas. 12 Binigyan din kita ng singsing para sa ilong, hikaw at korona. 13 Pinalamutian kita ng pilak at ginto, dinamitan ng burdadong seda at ang pagkain moʼy mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Napakaganda mo, para kang reyna. 14 Naging tanyag ka sa mga bansa dahil sa labis mong kagandahan, at sa karangyaang ibinigay ko sa iyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
15 “Pero, nagtiwala ka sa iyong kagandahan at ginamit mo ang iyong katanyagan. Tulad ng isang babaeng bayaran, ipinagamit mo ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki at nagpakasasa sila sa iyo. 16 Ginamit mo ang iba mong damit para pagandahin ang mga sambahan sa matataas na lugar[a] at dooʼy ipinagamit mo ang iyong sarili sa mga lalaki. Hindi ito dapat nangyari. 17 Ginamit mo rin ang mga pilak at gintong alahas na ibinigay ko sa iyo sa paggawa ng mga lalaking dios-diosan na sinamba mo. Kaya para ka na ring nangalunya. 18 Pinadamitan mo ang mga dios-diosang iyon ng mga damit na may mga burda na ibinigay ko sa iyo at inihandog mo sa kanila ang mga langis ko at insenso. 19 Inihandog mo rin sa kanila ang mga pagkaing ibinigay ko sa iyo mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Inihandog mo ito sa kanila bilang mabangong handog. Oo, iyan nga ang nangyari. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
20 “Inihandog mo ang mga anak natin sa iyong mga dios-diosan upang kainin. Hindi ka pa ba nasisiyahan sa pagpapagamit mo sa kanila? 21 Pinatay mo pa ang mga anak ko at inihandog sa mga dios-diosan. 22 Sa lahat ng kasuklam-suklam mong gawain at pagpapagamit sa iba ay hindi mo na naisip kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa, noong hubad ka at kumakawag-kawag sa sarili mong dugo.
23 “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, nakakaawa ka! Maliban sa mga kasamaang ito na ginawa mo, 24 nagtayo ka rin ng sambahan para sa mga dios-diosan, doon sa mga plasa 25 at kanto ng mga lansangan. Doon, dinumihan mo ang iyong kagandahan at ipinagamit ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki. Ipinagamit mo nang ipinagamit ang sarili mo. 26 Nagpagamit ka sa mga taga-Egiptong kalapit-bansa mong malibog. Ginalit mo ako sa pamamagitan ng patuloy mong pagpapagamit. 27 Kaya pinarusahan kita at pinaliit ang nasasakupan mo. Ipinasakop kita sa mga kaaway mong Filisteo. Kahit sila ay nagulat sa iyong kahalayan.
28 “At hindi ka pa nakontento, nagpagamit ka rin sa mga taga-Asiria. Pero pagkatapos, hindi ka pa rin nasiyahan. 29 Lalo pang tumindi ang iyong pagnanasa at nangalunya ka pa sa Babilonia na lugar ng mga mangangalakal, pero hindi ka pa rin nasiyahan.
30 “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing kay dali mong mahikayat! Para kang babaeng bayaran na walang kahihiyan! 31 Nagtayo ka ng mga sambahan para sa mga dios-diosan sa mga kanto ng lansangan at mga plasa. Mas masahol ka pa kaysa sa babaeng bayaran dahil hindi ka nagpapabayad sa mga gumagamit sa iyo. 32 Isa kang babaeng mangangalunya! Mas gusto mo pang sumiping sa iba kaysa sa asawa mo! 33 Tumatanggap ng bayad ang mga babaeng bayaran, pero ikaw, ikaw pa ang nagbibigay ng mga regalo sa mga mangingibig mo para suhulan silang makipagtalik sa iyo. 34 Kabaligtaran ka ng mga babaeng bayaran! Walang nagyayaya sa iyo para sumiping; ikaw pa ang nagyayaya. Hindi ka na nagpapabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Kakaiba ka talaga!
35 “Kaya ikaw babaeng bayaran, pakinggan mo ang sasabihin ko! 36 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Ipinakita mo ang iyong kahalayan at kahubaran sa mga mangingibig mo at sa mga kasuklam-suklam mong dios-diosan. Pinatay mo ang mga anak mo at inihandog sa kanila. 37 Dahil sa ginawa mong ito, titipunin ko ang mga mangingibig na pinasasaya mo, ang mga minahal at kahit ang mga kinainisan mo. Titipunin ko sila para kalabanin ka at huhubaran kita sa harap nila para makita nila ang kahubaran mo. 38 Paparusahan kita dahil sa pangangalunya mo at pagpatay. At dahil sa tindi ng galit ko at panibugho, papatayin kita. 39 Ibibigay kita sa mga naging mangingibig mo at gigibain nila ang mga sambahang itinayo mo para sa iyong mga dios-diosan. Huhubaran ka nila at kukunin ang naggagandahan mong alahas, at iiwan ka nilang hubad. 40 Dadalhin ka nila sa mga taong babato at tatadtad sa iyo sa pamamagitan ng kanilang espada. 41 Susunugin nila ang bahay mo at parurusahan ka nila sa harap ng maraming babae. Ipapatigil ko ang pagpapagamit mo at ang pagbabayad mo sa iyong mga mangingibig. 42 Sa gayon, mapapawi na ang matinding galit ko sa iyo at ang aking panibugho. Hindi na ako magagalit sa iyo.
43 “Kinalimutan mo kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa. Sa halip, ginalit mo ako sa iyong mga ginawa, kaya paparusahan kita ayon sa iyong mga gawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Hindi baʼt sa dami ng mga kasuklam-suklam mong ginawa, nagawa mo pang dagdagan ito ng kalaswaan?
44 “Tingnan mo, may mga taong nagsabi ng kasabihang ito sa iyo: ‘Kung ano ang ina, ganoon din ang anak.’ 45 Talagang pareho kayo ng iyong ina na nagtakwil ng kanyang asawaʼt mga anak. Ang ina mo ay isang Heteo at ang ama mo ay isang Amoreo. 46 Ang nakatatanda mong kapatid na babae ay ang Samaria sa hilaga kasama ang mga anak niyang babae[b] at ang nakababata mong kapatid na babae ay ang Sodom sa timog pati na ang mga anak niyang babae. 47 Sinunod mo ang mga pag-uugali at kasuklam-suklam na gawain nila. At sa loob lang ng maikling panahon ay mas masama pa ang ginawa mo kaysa sa kanila. 48 Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay nagsasabi na ang kapatid mong Sodom at ang mga anak niyang babae ay hindi gumawa ng tulad ng ginawa mo at ng mga anak mong babae. 49 Ang kasalanan ng kapatid mong Sodom ay pagmamataas. Siya at ang mga anak niyang babae ay sagana sa pagkain at maunlad ang buhay, pero hindi sila tumulong sa mahihirap at mga nangangailangan. 50 Sa pagmamataas nila, gumawa sila ng kasuklam-suklam sa paningin ko, kaya pinarusahan ko sila katulad nga ng nakita mo.
51 “Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati man lang ng mga kasalanan mo. 52 Dapat kang mahiya dahil mas marami kang ginawang kasuklam-suklam kaysa sa mga kapatid mong babae, kaya lumabas pang mas matuwid sila kaysa sa iyo. 53 Pero darating ang araw na muli kong pauunlarin ang Sodom at Samaria, pati na ang mga anak nilang babae. At ikaw ay muli kong pauunlarin kasama nila, 54 para mapahiya ka sa lahat ng ginawa mo, dahil nagmukha pa silang matuwid kaysa sa iyo. 55 Oo, muli kong pauunlarin ang mga kapatid mong babae – ang Sodom at Samaria, ganoon din ang mga anak nilang babae. Ito rin ang mangyayari sa iyo at sa mga anak mong babae. 56 Nilait mo noon ang Sodom noong ikaw ay nagmamataas pa 57 at hindi pa nabubunyag ang iyong kasamaan. Pero ngayon, katulad ka na rin niya. Nilalait ka na rin ng mga taga-Edom at ng mga bansa sa palibot niya, pati na ng mga Filisteo. Kinukutya ka ng mga nakapalibot sa iyo. 58 Dadanasin mo ang parusa dahil sa iyong kahalayan at kasuklam-suklam na gawain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
59 Ito pa ang sinabi ng Panginoong Dios. “Parurusahan kita nang nararapat, dahil binalewala mo ang iyong pangako sa pamamagitan ng pagsira sa kasunduan natin. 60 Pero tutuparin ko pa rin ang kasunduang ginawa ko sa iyo noong kabataan mo pa at gagawa ako sa iyo ng kasunduan na walang hanggan. 61 Sa gayon, maaalala mo ang mga ginawa mo at mapapahiya ka, lalo na kung gagawin ko ang iyong mga kapatid na babae, ang Samaria at Sodom, na iyong mga anak, kahit na hindi sila kasama sa kasunduan natin. 62 Patitibayin ko ang kasunduan ko sa iyo, at malalaman mong ako ang Panginoon. 63 Maaalala mo ang mga kasalanan mo at mahihiya ka, lalo na kapag pinatawad ko na ang lahat ng ginawa mo, hindi ka na makakapagsalita dahil sa sobrang kahihiyan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Mapapahamak ang Masasama
58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
2 Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
3 Ang masasama ay lumalayo sa Dios
at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
6 O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
7 Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
8 Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.
9 Mabilis silang tatangayin ng Dios,
maging ang mga nabubuhay pa,
mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[a]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”
Panalangin Laban sa Masama
59 O Dios, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.
At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.
2 Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.
3 Panginoon, tingnan nʼyo!
Inaabangan nila ako para patayin,
kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.
4-5 Wala akong nagawang kasalanan,
ngunit handa silang salakayin ako.
Sige na po, Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel.
Tingnan nʼyo na ang nangyayari; tulungan nʼyo ako!
Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.
Huwag nʼyong kahabagan ang mga taksil na iyon.
6 Bumabalik sila kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
7 Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita; kasing sakit ng tusok ng espada.
At sinasabi pa nila, “Wala namang nakakarinig sa atin.”
8 Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon.
Kinukutya nʼyo ang mga taong hindi sumasampalataya sa inyo.
9 O Dios ikaw ang aking kalakasan.
Maghihintay ako sa inyo dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,
10 at ikaw ang Dios na nagmamahal sa akin.
Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin ang pagbagsak ng aking mga kaaway.
11 Pero huwag nʼyo silang patayin agad
para hindi makalimutan ng aking mga kababayan
kung paano nʼyo pinarurusahan ang inyong mga kaaway.
O Panginoon na aming pananggalang,
iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 Nagkakasala sila dahil sa kasamaan ng kanilang sinasabi.
Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan.
Nagmumura sila at nagsisinungaling,
13 kaya sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho.
Sa gayon ay malalaman ng buong mundo na kayo, O Dios, ang naghahari sa Israel.
14 Bumabalik ang mga kaaway ko kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
15 Naglilibot sila para humanap ng pagkain at umaalulong kapag hindi nabusog.
16 Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan.
Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig.
Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.
17 O Dios, kayo ang aking kalakasan.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo,
dahil kayo ang aking kanlungan at Dios na sa akin ay nagmamahal.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®