M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
39 Nang dinala na si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto, binili siya ni Potifar na isa sa mga opisyal ng Faraon.[a] (Si Potifar ay kapitan ng mga guwardya sa palasyo.)
2 Ginagabayan ng Panginoon si Jose, kaya naging matagumpay siya. Doon siya nakatira sa bahay ng amo niyang Egipcio na si Potifar. 3 Nakita ni Potifar na ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya, 4 kayaʼt panatag ang kalooban niya kay Jose. Ginawa niya ito na sarili niyang alipin at tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng lahat ng kanyang ari-arian. 5 Mula nang panahong si Jose ang namamahala, binasbasan ng Panginoon ang sambahayan ni Potifar na Egipcio at ang lahat ng ari-arian niya sa kanyang bahay at bukirin. Ginawa ito ng Panginoon dahil kay Jose. 6 Ipinagkatiwala ni Potifar ang lahat kay Jose at wala na siyang ibang iniintindi maliban na lang sa pagpili ng kakainin niya.
Gwapo si Jose at matipuno ang katawan. 7 Hindi nagtagal, nagkagusto sa kanya ang asawa ng kanyang amo. Inakit niya si Jose para sumiping sa kanya.
8 Pero tumanggi si Jose. Sinabi niya sa babae, “Pakinggan nʼyo po ako! Ipinagkatiwala po sa akin ng amo ko ang lahat ng kanyang ari-arian kaya hindi na po siya nag-aalaa sa mga gamit dito sa kanyang sambahayan. 9 Wala na pong hihigit sa akin sa sambahayang ito. Ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat maliban lang sa inyo dahil asawa niya kayo. Kaya hindi ko po magagawang pagtaksilan ang amo ko at magkasala sa Dios.” 10 Kahit araw-araw ang pang-aakit ng babae kay Jose na sumiping sa kanya, hindi pa rin siya pumayag.
11 Isang araw, pumasok si Jose sa bahay para magtrabaho. Nagkataon na wala kahit isang alipin sa loob ng bahay. 12 Hinawakan siya sa damit ng asawa ng amo niya at sinabi, “Sipingan mo ako!” Pero tumakbong palabas ng bahay si Jose, at naiwan ang balabal niya na hawak ng babae.
13 Nang makita ng babae na nakalabas si Jose at hawak niya ang balabal nito, 14 tinawag niya ang kanyang mga alipin at sinabi, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo rito ng asawa ko ng isang Hebreo para hamakin tayo. Alam nʼyo ba na pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako, pero sumigaw ako. 15 Kaya tumakbo siya palabas, at naiwan niya ang kanyang balabal.”
16 Itinago ng babae ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang kanyang asawa. 17 Isinalaysay niya agad sa asawa niya ang nangyari. Sinabi niya, “Ang Hebreong alipin na dinala mo rito ay gusto akong hamakin dahil pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako. 18 Pero tumakbo siya palabas nang sumigaw ako, at naiwan pa nga ang kanyang balabal.”
19 Nang marinig ni Potifar ang salaysay ng kanyang asawa tungkol sa ginawa ni Jose, galit na galit siya. 20 Kaya ipinadakip niya si Jose at ipinasok sa bilangguan ng hari.
Pero kahit nasa bilangguan si Jose, 21 ginagabayan pa rin siya ng Panginoon. At dahil sa kabutihan ng Panginoon, panatag ang loob ng tagapamahala ng bilangguan kay Jose. 22 Kaya ipinagkatiwala niya kay Jose ang pamamahala sa lahat ng bilanggo at ang lahat ng gawain sa bilangguan. 23 Hindi nag-aalala ang tagapamahala ng bilangguan sa mga bagay na ipinagkatiwala niya kay Jose, dahil ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya.
9 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikitang dumarating ang paghahari ng Dios na dumarating nang may kapangyarihan.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
2 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan sa isang mataas na bundok. Sila lang ang naroon. At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. 3 Naging puting-puti ang damit niya at nakakasilaw tingnan. Walang sinuman dito sa mundo na makakapagpaputi nang katulad noon. 4 At nakita nila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. 5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabutiʼt narito po kami![a] Gagawa kami ng tatlong kubol:[b] isa po para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” 6 Ito ang nasabi niya dahil hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin sapagkat sila ay takot na takot. 7 Pagkatapos, tinakpan sila ng ulap. At may narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” 8 Tumingin sila agad sa paligid, pero wala nang ibang naroon kundi si Jesus na lang.
9 Nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang nakita ninyo hanggaʼt ako na Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.” 10 Kaya hindi nila sinabi kahit kanino ang pangyayaring iyon. Pero pinag-usapan nila kung ano ang ibig niyang sabihin sa muling pagkabuhay. 11 Nagtanong sila kay Jesus, “Bakit sinasabi po ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Cristo?” 12-13 Sumagot siya sa kanila, “Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit sasabihin ko sa inyo: dumating na si Elias at ginawa ng mga tao ang gusto nilang gawin sa kanya ayon na rin sa isinulat tungkol sa kanya. Ngunit bakit nasusulat din na ako na Anak ng Tao ay magtitiis ng maraming hirap at itatakwil ng mga tao?”
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(B)
14 Pagdating nina Jesus sa kinaroroonan ng iba pa niyang mga tagasunod na naiwan, nakita nila na maraming tao ang nagtitipon doon. Naroon din ang ilang tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa mga tagasunod ni Jesus. 15 Nabigla ang mga tao nang makita nila si Jesus, at patakbo silang lumapit at bumati sa kanya. 16 Tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” 17 May isang lalaki roon na sumagot, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng masamang espiritu at hindi na makapagsalita. 18 Kapag sinasaniban siya ng masamang espiritu, natutumba siya, bumubula ang bibig, nagngangalit ang mga ngipin, at pagkatapos ay naninigas ang katawan niya. Nakiusap ako sa mga tagasunod nʼyo na palayasin ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 20 Kaya dinala nila ang bata kay Jesus. Pero nang makita ng masamang espiritu si Jesus, pinangisay niya ang bata, itinumba, at pinagulong-gulong sa lupa na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Kailan pa siya nagkaganyan?” Sumagot ang ama, “Mula pa po sa pagkabata. 22 Madalas siyang itinutumba ng masamang espiritu sa apoy o sa tubig para patayin. Kaya maawa po kayo sa amin; kung may magagawa kayo, tulungan nʼyo po kami!” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Bakit mo sinabing kung may magagawa ako? Ang lahat ng bagay ay magagawa ko sa taong sumasampalataya sa akin!” 24 Sumagot agad ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Dagdagan nʼyo po ang pananampalataya ko!”
25 Nang makita ni Jesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamang espiritu, at sinabi, “Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang babalik sa kanya!” 26 Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, “Patay na siya!” 27 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at itinayo, at tumayo ang bata.
28 Nang pumasok na sina Jesus sa bahay na tinutuluyan nila, tinanong siya ng mga tagasunod niya nang sila-sila lang, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin.”
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)
30 Umalis sila sa lugar na iyon at dumaan sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ng mga tao na naroon siya, 31 dahil tinuturuan niya ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin. Papatayin nila ako, ngunit muli akong mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.” 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natakot naman silang magtanong sa kanya.
Sino ang Pinakadakila?(D)
33 Dumating sila sa Capernaum. At nang nasa bahay na sila, tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo kanina sa daan?” 34 Hindi sila sumagot, dahil ang pinagtatalunan nila ay kung sino sa kanila ang pinakadakila. 35 Kaya umupo si Jesus at tinawag ang 12 apostol, at sinabi sa kanila, “Ang sinuman sa inyo na gustong maging pinakadakila sa lahat ay dapat magpakababa at maging lingkod ng lahat.” 36 Kumuha si Jesus ng isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanila, 37 “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin.”
Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(E)
38 Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” 39 Pero sinabi ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil walang sinumang gumagawa ng himala sa aking pangalan ang magsasalita ng masama laban sa akin. 40 Ang hindi laban sa atin ay kakampi natin. 41 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang magbigay sa inyo ng kahit isang basong tubig, dahil kayo ay kay Cristo, ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”
Mga Dahilan ng Pagkakasala(F)
42 “Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat. 43-44 Kung ang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang kamay mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay mo pero sa impyerno ka naman mapupunta, kung saan ang apoy ay hindi namamatay. 45-46 Kung ang paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang paa mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 47 At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero kabilang ka sa kaharian ng Dios, kaysa sa dalawa ang mata mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 48 Ang mga uod doon ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi rin namamatay.
49 “Sapagkat ang lahat ay aasinan[c] sa apoy. 50 Mabuti ang asin, pero kung mawalan ng lasa,[d] wala nang magagawa upang ibalik ang lasa nito. Dapat maging tulad kayo sa asin na nakakatulong sa tao. Tulungan ninyo ang isaʼt isa upang maging mapayapa ang pagsasamahan ninyo.”[e]
5 “Job, kahit humingi ka ng tulong, walang tutulong sa iyo. Kahit ang mga anghel[a] ay hindi ka tutulungan. 2 Ang galit at paninibugho ay pumapatay sa hangal at sa walang karunungan. 3 Ayon sa aking nakita at nalaman, maaaring umunlad ang pamumuhay ng isang hangal, pero bigla na lang isusumpa ng Dios ang sambahayan niya. 4 Ang mga anak niyaʼy walang malalapitan at wala ring magtatanggol sa kanila sa hukuman. 5 Ang ani niyaʼy kakainin ng iba. At kahit ang mga bungang nasa tinikan ay kukunin ng mga taong gutom. Ang kayamanan niyaʼy aagawin ng mga taong uhaw sa mga ari-arian. 6 Ang kahirapan at kaguluhan ay hindi tumutubo sa alikabok o lupa. 7 Likas sa tao ang gumawa ng kahirapan at kaguluhan, tulad ng alipatong mula sa apoy na lumilipad paitaas.
8 “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Dios. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalagayan. 9 Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin. 10 Nagpapadala siya ng ulan sa mundo at pinatutubigan niya ang mga bukirin. 11 Itinataas niya ang mga nagpapakumbaba at kinakalinga ang mga nagdadalamhati. 12 Sinisira niya ang plano ng mga mandaraya, para hindi sila magtagumpay. 13 Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan, at hinahadlangan ang plano ng mga mandaraya. 14 Hindi sila nakakakita kahit maliwanag, at nangangapa sila na parang gabi kahit na katanghalian. 15 Inililigtas ng Dios ang mga dukha mula sa kamatayan at sa mga taong makapangyarihan na umaapi sa kanila. 16 Kaya may pag-asa ang mga dukha, pero ang masasama ay kanyang sinasaway.
17 “Mapalad ang taong itinutuwid ng Dios ang pag-uugali. Kaya huwag mong mamasamain ang pagtutuwid ng Makapangyarihang Dios sa iyo. 18 Sapagkat ang kanyang mga sinusugatan ay kanya ring ginagamot, at ang kanyang sinasaktan ay kanya ring pinagagaling. 19 Palagi ka niyang ililigtas sa mga salot at panganib. 20 Ililigtas ka niya sa kamatayan sa panahon ng taggutom at digmaan. 21 Iingatan ka niya kung sisiraan ka ng iba, at wala kang katatakutan kung dumating man ang kapahamakan. 22 Ang taggutom at kapahamakan ay iyong tatawanan at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop, 23 sapagkat hindi ka gagalawin ng mga ito. At hindi ka na mahihirapang magtanim sa bukid mong mabato. 24 Mamumuhay ng payapa ang sambahayan mo at walang mawawala sa iyong mga hayop. 25 Dadami ang iyong angkan na parang kasindami ng mga damo sa lupa. 26 Hahaba ang buhay mo at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon.[b] 27 Ayon sa aming nalaman at naranasan, napatunayan namin na talagang totoo ang lahat ng ito. Kaya dinggin mo ito at isabuhay para sa ikabubuti mo.”
Ang Dios at ang mga Israelita
9 Ngayon, ako na mananampalataya ni Cristo ay may sasabihin sa inyo. Totoo ito at hindi ako nagsisinungaling. At pinapatunayan ng Banal na Espiritu sa aking konsensya na totoo ang sasabihin ko: 2 Labis akong nalulungkot at nababalisa 3 para sa aking mga kalahi at kababayang Judio. Kung maaari lang sana, ako na lang ang sumpain ng Dios at mahiwalay kay Cristo, maligtas lang sila. 4 Bilang mga Israelita itinuring sila ng Dios na kanyang mga anak; ipinakita niya sa kanila ang kanyang kadakilaan; gumawa ang Dios ng mga kasunduan sa kanila; ibinigay sa kanila ang Kautusan; tinuruan sila ng tunay na pagsamba; maraming ipinangako ang Dios sa kanila; 5 ang kanilang mga ninunoʼy mga pinili ng Dios; at nagmula sa kanilang lahi si Cristo nang siyaʼy maging tao – ang Dios na makapangyarihan sa lahat na dapat purihin magpakailanman! Amen.
6 Hindi ito nangangahulugan na hindi natupad ang mga pangako ng Dios dahil hindi sila sumampalataya, sapagkat hindi naman lahat ng nagmula kay Israel ay maituturing na pinili ng Dios. 7 At hindi rin naman lahat ng nagmula kay Abraham ay maituturing na mga anak ni Abraham. Sapagkat sinabi ng Dios kay Abraham, “Ang mga anak lang na magmumula kay Isaac ang mga lahi na aking ipinangako.”[a] 8 Ang ibig sabihin, hindi lahat ng anak ni Abraham ay itinuturing na anak ng Dios, kundi ang mga anak lamang na ipinanganak ayon sa ipinangako. 9 Sapagkat ganito ang ipinangako ng Dios sa kanya, “Babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”[b]
10 Hindi lang iyon, kundi nangyari rin ang ganoon sa dalawang anak ni Rebeka sa ating ninunong si Isaac, ipinakita rin ng Dios na hindi lahat ng nagmula kay Abraham ay itinuturing na mga anak niya. 11-12 Bago pa man ipanganak ang kambal, sinabi na ng Dios kay Rebeka, “Maglilingkod ang nakatatanda sa nakababatang kapatid.”[c] Sinabi ito ng Dios noong wala pa silang nagagawang mabuti o masama, para patunayan na ang pagpili niya ay batay sa sarili niyang pasya at hindi sa mabubuting gawa ng tao. 13 Gaya nga ng sinabi ng Dios sa Kasulatan,
“Minamahal ko si Jacob, pero si Esau ay hindi.”[d]
14 Baka naman sabihin ng iba na hindi makatarungan ang Dios. Aba, hindi! 15 Sapagkat sinabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan.”[e] 16 Kung ganoon, ang pagpili ng Dios ay hindi batay sa kagustuhan ng tao o sa paggawa niya ng mabuti, kundi sa awa ng Dios. 17 Sapagkat ayon sa Kasulatan, sinabi ng Dios sa Faraon, “Pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at makilala ang pangalan ko sa buong mundo.”[f] 18 Kaya nga, kinaaawaan ng Dios ang ibig niyang kaawaan, at pinatitigas niya ang ulo ng ibig niyang patigasin.
Ang Galit at Awa ng Dios
19 Maaaring may magsabi sa akin, “Kung ganoon, bakit pa niya pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan? At sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Pero sino ka para magreklamo sa Dios ng ganyan? Tayoʼy mga nilikha lang ng Dios, kaya hindi tayo makakapagreklamo kung bakit niya tayo ginawang ganito. 21 Tulad sa isang gumagawa ng palayok, may karapatan siyang gawin ang putik ayon sa gusto niya. May karapatan siyang gumawa ng dalawang uri ng sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik: ang isa ay pang-espesyal, at ang isa naman ay pangkaraniwan lang.
22 Ganoon din naman ang Dios. Nais niyang ipakita ang kanyang kapangyarihan at matinding galit sa mga makasalanan, pero minabuti niyang tiisin muna nang buong tiyaga ang mga taong dapat sanang lipulin na. 23 Ginawa niya ito para ipakita kung gaano siya kadakila sa mga taong kinaaawaan niya, na inihanda na niya noon pa para parangalan. 24 Itoʼy walang iba kundi tayo na mga tinawag niya, hindi lang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga hindi Judio. 25 Ito ang sinabi ng Dios sa aklat ni Hoseas:
“Ang dating hindi ko mga tao ay tatawagin kong, ‘Mga tao ko.’
At ang dating hindi ko mahal ay mamahalin ko.[g]
26 At sa mga sinabihang, ‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’
silaʼy tatawaging, ‘Mga anak ng Dios na buhay.’ ”[h]
27 Tungkol naman sa mga Israelita, sinabi ni Propeta Isaias: “Kahit na maging kasindami pa ng buhangin sa tabing-dagat ang lahi ni Israel, kakaunti lang sa kanila ang maliligtas, 28 dahil mabilis at matindi ang gagawing paghatol ng Panginoon sa mga tao sa mundo.”[i] 29 Sinabi rin ni Isaias,
“Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay walang itinira sa ating lahi, natulad na sana tayo sa Sodom at Gomora.”[j]
Ang Israel at ang Magandang Balita
30 Ano ngayon ang masasabi natin tungkol dito? Ang mga hindi Judio na hindi nagsikap na maging matuwid ay itinuring ng Dios na matuwid nang dahil sa kanilang pananampalataya. 31 Pero ang mga Judio na nagsikap na maituring na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod nila sa Kautusan ay nabigo. 32 Bakit sila nabigo? Sapagkat nagtiwala sila sa kanilang mga gawa at hindi sila sumampalataya kay Jesu-Cristo. Natisod sila sa “batong nakakatisod.” 33 Gaya nga ng sinabi ng Dios sa Kasulatan,
“Maglalagay ako sa Zion ng batong naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.
Pero hindi mapapahiya ang mga sumasampalataya sa kanya.”[k]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®