M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Haring Jehoahaz ng Juda(A)
36 Kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama sa Jerusalem.
2 Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlong buwan sa Jerusalem.
3 Pagkatapos ay pinaalis siya sa Jerusalem ng hari ng Ehipto at pinagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at ng isang talentong ginto.
4 At(B) ginawa ng hari ng Ehipto bilang hari sa Juda si Eliakim na kanyang kapatid, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim; ngunit kinuha ni Neco si Jehoahaz na kanyang kapatid, at kanyang dinala siya sa Ehipto.
Si Haring Jehoiakim ng Juda(C)
5 Si(D) Jehoiakim ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem. Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon niyang Diyos.
6 Laban(E) sa kanya ay umahon si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at ginapos siya ng tanikala, upang dalhin siya sa Babilonia.
7 Dinala rin ni Nebukadnezar ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng Panginoon sa Babilonia at inilagay ang mga iyon sa kanyang palasyo sa Babilonia.
8 Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoiakim, at ang mga karumaldumal na kanyang ginawa, at ang natagpuan laban sa kanya ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda. At si Jehoiakin na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Haring Jehoiakin ng Juda(F)
9 Si Jehoiakin ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng tatlong buwan at sampung araw sa Jerusalem. At kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
10 Sa(G) tagsibol ng taon, si Nebukadnezar ay nagsugo at dinala siya sa Babilonia, pati ang mahahalagang kagamitan sa bahay ng Panginoon at si Zedekias na kanyang kapatid ay ginawang hari ng Juda at Jerusalem.
Si Haring Zedekias ng Juda(H)
11 Si(I) Zedekias ay dalawampu't isang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem.
12 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon niyang Diyos; siya'y hindi nagpakababa sa harapan ni propeta Jeremias na nagsalita mula sa bibig ng Panginoon.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem(J)
13 Naghimagsik(K) din siya laban kay Haring Nebukadnezar, na siyang nagpasumpa sa kanya sa pangalan ng Diyos, ngunit pinapagmatigas niya ang kanyang leeg at pinapagmatigas niya ang kanyang puso laban sa panunumbalik sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
14 Bukod dito'y lahat ng mga namumunong pari at ang taong-bayan ay gumawa ng maraming paglabag at sumusunod sa lahat ng karumaldumal ng mga bansa. Kanilang dinumihan ang bahay ng Panginoon na kanyang itinalaga sa Jerusalem.
15 At ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno ay paulit-ulit na nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga sugo, sapagkat siya'y may habag sa kanyang bayan, at sa kanyang tahanang dako.
16 Ngunit patuloy nilang tinuya ang mga sugo ng Diyos, hinahamak ang kanyang mga salita, at nililibak ang kanyang mga propeta, hanggang sa ang poot ng Panginoon ay tumindi laban sa kanyang bayan, hanggang sa wala nang lunas.
17 Kaya't(L) dinala niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuwaryo, at hindi naawa sa binata o sa dalaga, sa matanda o sa may uban. Kanyang ibinigay silang lahat sa kanyang kamay.
18 Lahat ng mga kagamitan sa bahay ng Diyos, malaki at maliit, ang mga kayamanan sa bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng hari at ng kanyang mga pinuno ay dinala niyang lahat sa Babilonia.
19 At(M) sinunog nila ang bahay ng Diyos, at giniba ang pader ng Jerusalem, at sinunog sa apoy ang lahat ng mga palasyo nito at sinira ang lahat ng mahahalagang sisidlan nito.
20 Kanyang dinalang-bihag sa Babilonia ang mga nakatakas sa tabak, at sila'y naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa pagkatatag ng kaharian ng Persia,
21 upang(N) matupad ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa matamasa ng lupain ang mga Sabbath nito. Sa lahat ng mga araw na ito ay naiwang wasak, ito ay nangilin ng Sabbath, upang ganapin ang pitumpung taon.
Pinabalik ni Ciro ang mga Judio(O)
22 Sa unang taon ni Ciro na hari ng Persia, upang ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng Panginoon ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia, kaya't siya'y nagpahayag sa kanyang buong kaharian, at ito ay kanya ring isinulat.
23 “Ganito(P) ang sabi ni Ciro na hari ng Persia, ‘Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Diyos ng langit. Kanyang inatasan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo ang kabilang sa kanyang buong bayan, sumakanya nawa ang Panginoon niyang Diyos! Hayaan siyang umahon.’”
Ang Ilog ng Buhay
22 At(A) ipinakita sa akin ng anghel[a] ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero
2 sa(B) gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay naroon ang punungkahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan; at ang mga dahon ng punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.
3 At(C) hindi na roon magkakaroon pa ng isinumpa. Ngunit ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan doon, at siya'y paglilingkuran ng kanyang mga alipin;
4 at makikita nila ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan ay masusulat sa kanilang mga noo.
5 Hindi(D) na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magbibigay-liwanag sa kanila, at sila'y maghahari magpakailanpaman.
Ang Pagdating ni Jesus
6 At sinabi niya sa akin, “Ang mga salitang ito'y tapat at tunay. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kanyang anghel upang ipakita sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kailangang mangyari kaagad.
7 Ako'y malapit nang dumating![b] Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng propesiya ng aklat na ito.”
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.
9 Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.”
10 At sinabi niya sa akin, “Huwag mong tatakan ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat malapit na ang panahon.
11 Ang(E) masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa.”
12 “Ako'y(F) malapit nang dumating[c] at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa.
13 Ako(G) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.”
14 Mapapalad(H) ang naghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan.
15 Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.
16 “Akong(I) si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”
17 Ang(J) Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, “Halika.”
At ang nakikinig ay magsabi, “Halika.”
At ang nauuhaw ay pumarito,
ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.
Mga Babala at Basbas
18 Aking(K) binabalaan ang bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, idaragdag sa kanya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito,
19 at kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi sa punungkahoy ng buhay at sa banal na lunsod, na nakasulat sa aklat na ito.
20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, ako'y malapit nang dumating.”[d] Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus!
21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal. Amen.[e]
Darating ang Araw ng Panginoon
4 “Sapagkat narito, ang araw ay dumarating na gaya ng nagniningas na pugon, na ang lahat ng palalo at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang ipa, at ang araw na dumarating ang susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, anupa't hindi mag-iiwan sa kanila ng ugat ni sanga man.
2 Ngunit sa inyo na natatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran, na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak. Kayo'y lalabas at luluksong parang mga guya mula sa silungan.
3 Inyong yayapakan ang masasama sapagkat sila'y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na aking inihahanda, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 “Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod, ang mga tuntunin at batas na aking iniutos sa kanya sa Horeb para sa buong Israel.
5 “Narito,(A) susuguin ko sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.
6 Kanyang ibabaling ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; upang hindi ako dumating at saktan ang lupain ng isang sumpa.”[a]
Nagpakita si Jesus sa Pitong Alagad
21 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias, at siya'y nagpakita sa ganitong paraan.
2 Magkakasama noon sina Simon Pedro, si Tomas na tinatawag na Kambal, at si Nathanael na taga-Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad.
3 Sinabi(A) sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” Sinabi nila sa kanya, “Kami ay sasama rin sa iyo.” Sila'y umalis at sumakay sa bangka. Nang gabing iyon ay wala silang nahuli.
4 Ngunit nang mag-uumaga na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Subalit hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.
5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, mayroon ba kayong nahuling isda?” Sumagot sila sa kanya, “Wala.”
6 At(B) sinabi niya sa kanila, “Ihulog ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong makikita.” Inihulog nga nila, at hindi na nila ito mahila dahil sa dami ng mga isda.
7 Kaya't ang alagad na minamahal ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, “Ang Panginoon iyon.” Kaya't nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kanyang tunika (sapagkat siya'y walang damit), at tumalon sa dagat.
8 Subalit ang ibang alagad ay lumapit sa bangka na hila ang lambat na punô ng isda, sapagkat sila'y hindi malayo sa lupa, kundi halos siyamnapung metro[a] ang layo.
9 Nang sila'y makadaong sa lupa, nakakita sila roon ng mga nagbabagang uling, at may isdang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.
10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Dalhin ninyo rito ang ilang isdang nahuli ninyo ngayon.”
11 Kaya't si Simon Pedro ay sumampa sa bangka, at hinila ang lambat sa lupa na punô ng malalaking isda, na isandaan at limampu't tatlo, at kahit gayon karami ay hindi nasira ang lambat.
12 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at mag-almusal.” Sinuman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, “Sino ka?” yamang alam nila na iyon ay ang Panginoon.
13 Lumapit si Jesus, dinampot ang tinapay, at ibinigay sa kanila pati ang isda.
14 Ito nga ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y bumangon mula sa mga patay.
Inatasan si Pedro
15 Pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi ni Jesus[b] sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga kordero.”
16 Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi niya sa kanya, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi niya sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”
17 Sinabi niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong ulit nang sinabi sa kanya, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.
18 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nang ikaw ay bata pa, binibigkisan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.”
19 Ito'y sinabi niya upang ipahiwatig kung sa anong kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
Si Jesus at ang Ibang Alagad
20 Pagtalikod(C) ni Pedro, nakita niya ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod. Siya rin iyong nakahilig na malapit kay Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?”
21 Nang makita siya ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, at paano naman ang taong ito?”
22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo? Sumunod ka sa akin.”
23 Kaya't kumalat ang sabi-sabi sa mga kapatid na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Subalit hindi sinabi ni Jesus sa kanya na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo?”
24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at ang sumulat ng mga ito; at nalalaman namin na ang kanyang patotoo ay tunay.
Pagtatapos
25 Subalit marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, sa palagay ko, kahit sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga aklat na isusulat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001