Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 16

Ang Huling Taon ni Asa(A)

16 Nang ika-36 na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda. At pinabakuran niya ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. Ipinakuha ni Asa ang mga pilak at ginto sa mga bodega ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. At ibinigay niya ito kay Haring Ben Hadad ng Aram[a] doon sa Damascus kung saan siya nakatira. Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan na magkakampihan tayo, gaya ng ginawa ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang ipinadala ko sa iyong pilak at ginto, at hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.”

Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang mga sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Maim, at ang lahat ng lungsod ng Naftali na ginagamit na bodega. Nang marinig ito ni Baasha, ipinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama. Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng lalaki ng Juda na kunin nila ang mga bato at mga troso na ginagamit ni Baasha sa paggawa ng pader ng Rama. At ginamit ito ni Haring Asa sa paggawa ng pader ng Geba at ng Mizpa.

Nang panahong iyon, pumunta ang propetang si Hanani kay Haring Asa ng Juda at sinabi sa kanya, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Aram at hindi sa Panginoon na iyong Dios, hindi nʼyo malilipol ang mga sundalo ng hari ng Aram. Naalala mo ba kung ano ang nangyari sa mga taga-Etiopia at taga-Libya, na ang mga sundalo, mga karwahe at mga mangangabayo ay napakarami? Nang panahong iyon, nagtiwala ka sa Panginoon, at kayoʼy pinagtagumpay niya sa kanila. Sapagkat nakatingin ang Panginoon sa buong mundo para palakasin ang mga taong matapat sa kanya. Kamangmangan ang iyong ginawa! Kaya mula ngayon makikipaglaban ka na.”

10 Dahil dito, labis na nagalit si Asa sa propeta, kaya itoʼy kanyang pinakulong. At sa panahong ding iyon, nagsimulang pahirapan ni Asa ang iba niyang mga mamamayan.

11 Ang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Asa mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at ng Israel. 12 Nang ika-39 na taon ng paghahari ni Asa, nagtiis siya ng karamdaman sa paa. Kahit malubha na ang kanyang karamdaman, hindi siya humingi ng tulong sa Panginoon kundi sa mga manggagamot. 13 At nang ika-41 taon ng paghahari niya, namatay siya. 14 Inilibing siya sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili sa Lungsod ni David.[b] Inilagay siya sa kabaong na may ibaʼt ibang mga pabango. At nagpaningas ng malaking apoy ang mga tao sa pagpaparangal sa kanya.

Pahayag 5

Ang Kasulatan at ang Tupa

Pagkatapos nito, nakita ko ang nakarolyong kasulatan na hawak-hawak ng nakaupo sa trono sa kanang kamay niya. May nakasulat sa magkabilang panig nito, at may pitong selyo[a] para hindi mabuksan. At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na sumisigaw, “Sino ang karapat-dapat na magtanggal ng mga selyo at nang mabuksan ang kasulatang ito?” Pero walang isa man sa langit, sa lupa o sa ilalim ng lupa na makapagbukas ng kasulatan upang mabasa ang nakasulat doon. Umiyak ako nang labis dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at bumasa ng kasulatang iyon. Sinabi sa akin ng isa sa mga namumuno, “Huwag kang umiyak dahil si Jesus na tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo upang mabuksan ang kasulatan.”

Pagkatapos, nakita ko ang isang Tupa[b] na mukhang pinatay, pero nakatayo na sa pagitan ng mga namumuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buhay na nilalang. Mayroon itong pitong sungay at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios[c] na isinugo sa lahat ng lugar sa mundo. Lumapit ang Tupa sa trono at kinuha niya ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo roon. Nang kunin niya iyon, lumuhod sa harap ng Tupa ang apat na buhay na nilalang at ang 24 na namumuno at sumamba sa kanya. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na gintong sisidlan na puno ng insenso, na siyang panalangin ng mga pinabanal.[d] May alpa[e] rin silang tinutugtog, at umaawit sila ng bagong awit na ito:

    “Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan at magtanggal ng mga selyo nito,
    dahil kayo ay pinatay, at sa pamamagitan ng inyong dugo ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Dios.
    Ang mga taong ito ay mula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.
10 Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari upang maglingkod sa ating Dios.
    At maghahari sila sa mundo.”

11 Nakita ko at narinig ang tinig ng libu-libo at milyon-milyong mga anghel na nakapaligid sa trono, sa apat na buhay na nilalang at sa 24 na namumuno. 12 Umaawit sila nang malakas:

    “Ang Tupang pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan!”

13 At narinig ko ang lahat ng nilalang sa langit, sa lupa, sa ilalim ng lupa, at sa dagat na umaawit:

    “Ibigay sa nakaupo sa trono at sa Tupa ang kapurihan, kaluwalhatian, karangalan at kapangyarihan magpakailanman!”

14 Sumagot ang apat na buhay na nilalang, “Amen!” At lumuhod ang mga namumuno at sumamba.

Zacarias 1

Panawagan upang Manumbalik sa Dios

May sinabi ang Panginoon kay Propeta Zacarias noong ikawalong buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia. Si Zacarias ay anak ni Berekia na anak ni Iddo. 2-3 Inutusan ng Panginoong Makapangyarihan si Zacarias na sabihin ito sa mga mamamayan ng Israel:

“Matindi ang galit ko sa inyong mga ninuno. Kaya magbalik-loob na kayo sa akin at manunumbalik[a] ako sa inyo. Huwag ninyong gayahin ang ginawa ng inyong mga ninuno. Inutusan ko noon ang mga propeta na pagsabihan silang talikuran na nila ang kanilang mga ginagawang masama, ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila sumunod sa akin. Ang inyong mga ninuno at ang mga propetang iyon ay namatay na. Ngunit nangyari sa inyong mga ninuno ang aking mga sinabi at mga babala sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta. Kaya nagsisi sila at sinabi, ‘Pinarusahan tayo ng Panginoong Makapangyarihan ayon sa ating ginawa, gaya ng kanyang napagpasyahang gawin sa atin.’ ”

Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo

7-8 May sinabi ang Panginoon kay Zacarias sa pamamagitan ng isang pangitain. Nangyari ito noong gabi ng ika-24, buwan ng Shebat (ika-11 buwan), noong ikalawang taon ng paghahari ni Darius. At ito ang ipinahayag ni Zacarias:

Nakita ko ang isang tao na nakasakay sa kabayong kulay pula na nakatigil sa isang patag na lugar na may mga puno ng mirto. Sa likuran niya ay may nakasakay sa kabayong pula, kayumanggi, at puti. Itinanong ko sa anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga ito?” At sinabi niya sa akin, “Ipapaliwanag ko sa iyo ang ibig sabihin nito.”

10 Ang taong nakatayo malapit sa mga puno ng mirto ang siyang nagpaliwanag sa akin. Sinabi niya, “Ang mga mangangabayong iyon ay ipinadala ng Panginoon upang umikot sa buong mundo.”

11 Sinabi ng mga mangangabayo sa anghel ng Panginoon na nakatayo malapit sa mga puno ng mirto, “Nalibot na namin ang buong mundo at nakita naming tahimik ito.”

12 Sinabi ng anghel ng Panginoon, “Makapangyarihang Panginoon, hanggang kailan nʼyo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang iba pang bayan ng Juda? May 70 taon na po kayong galit sa kanila.” 13 Ang isinagot ng Panginoon sa anghel ay magagandang salita at nakapagbigay ng kaaliwan.

14 At sinabi sa akin ng anghel na sabihin ko itong mga sinabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Totoong nagmamalasakit ako sa Jerusalem na tinatawag ding Zion, 15 pero matindi ang galit ko sa mga bansang nagpapasarap sa buhay. Hindi ako gaanong galit sa kanila noon, ngunit sila na rin ang nagpaningas ng aking galit sa kanila. 16 Kaya babalik[b] akong may awa sa Jerusalem, at itatayo kong muli[c] ang lungsod na ito pati na ang aking templo.”

17 Sinabi ng anghel na sabihin ko pa itong ipinapasabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Uunlad muli ang aking mga bayan sa Juda. At aaliwin kong muli ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at muli ko itong ituturing na hinirang kong bayan.”

Ang Pangitain tungkol sa Apat na Sungay at Apat na Panday

18 Pagkatapos, tumingala ako at nakita ko ang apat na sungay. 19 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano ang ibig sabihin ng mga sungay na ito?” Sumagot siya, “Ang mga sungay ay ang mga bansang nagpakalat sa mga mamamayan ng Israel, Juda, at Jerusalem.”

20 Pagkatapos, ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday. 21 Itinanong ko, “Ano ang gagawin nila?” Sumagot siya, “Sisindakin nila at wawasakin ang mga sungay. Ang mga sungay na ito ay ang mga bansang lubusang nagwasak sa Juda at nagpangalat sa kanyang mga mamamayan.”

Juan 4

Si Jesus at ang Babaeng Taga-Samaria

1-2 Nabalitaan ng mga Pariseo na mas marami na ang mga tagasunod ni Jesus kaysa kay Juan, at mas marami na ang nabautismuhan niya. (Kahit na hindi mismong si Jesus ang nagbabautismo kundi ang mga tagasunod niya.) Nang malaman ni Jesus na nabalitaan ito ng mga Pariseo, umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea. Para makabalik sa Galilea, kailangan niyang dumaan sa Samaria.

Nang dumadaan na sila sa Samaria, dumating sila sa isang bayan na tinatawag na Sycar, malapit sa lupaing ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. May balon doon na ginawa ni Jacob. Dahil tanghaling-tapat na noon at pagod na si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon para magpahinga. 7-8 Tumuloy naman ang mga tagasunod niya sa bayan upang bumili ng pagkain. Habang nakaupo si Jesus, dumating ang isang babaeng taga-Samaria para umigib. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede bang makiinom?” Sumagot ang babae, “Kayo po ay isang Judio at ako ay Samaritano, at babae pa.[a] Bakit po kayo makikiinom sa akin?” (Sinabi niya ito dahil hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano.) 10 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kung alam mo lang ang ipinagkakaloob ng Dios, at kung sino ang nakikiinom sa iyo, baka ikaw pa ang manghingi sa akin para bigyan kita ng tubig na nagbibigay-buhay.” 11 Sinabi ng babae, “Malalim po ang balon at wala kayong pang-igib. Saan po kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Higit pa po ba kayo sa ating ninuno na si Jacob na humukay ng balong ito? Siya at ang mga anak niya, pati ang mga hayop niya ay dito umiinom noong araw.” 13 Sumagot si Jesus, “Ang lahat ng umiinom ng tubig na itoʼy muling mauuhaw, 14 pero ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Dahil ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae, “Bigyan nʼyo po ako ng tubig na sinasabi nʼyo upang hindi na ako muling mauhaw at hindi ko na kailangan pang pumarito para umigib.” 16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umuwi ka muna at isama mo rito ang iyong asawa.” 17 “Wala po akong asawa,” sagot ng babae. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sinabi mo na wala kang asawa, 18 dahil lima na ang naging asawa mo, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo tunay na asawa. Nagsasabi ka nga ng totoo.” 19 Sumagot ang babae, “Sa tingin ko, isa po kayong propeta. 20 Ang aming mga ninuno ay sumamba sa Dios sa bundok na ito, pero kayong mga Judio ay nagsasabi na sa Jerusalem lang dapat sumamba ang mga tao.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maniwala ka sa akin; darating ang panahon na hindi na kayo sasamba sa Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Kayo na mga Samaritano ay hindi nakakakilala sa sinasamba ninyo. Ngunit kilala naming mga Judio ang aming sinasamba, dahil sa pamamagitan namin ay ililigtas ng Dios ang mga tao. 23 Tandaan mo, darating ang panahon, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan. Ganito ang uri ng mga sumasamba na hinahanap ng Ama. 24 Ang Dios ay espiritu, kaya ang sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan.”

25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesias na tinatawag ding Cristo. At pagdating niya, ipapaliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Akong nagsasalita sa iyo ngayon ang tinutukoy mo.”

27 Nang sandaling iyon, dumating ang mga tagasunod ni Jesus. Nagtaka sila nang madatnan nilang nakikipag-usap siya sa isang babae. Pero wala ni isa man sa kanila ang nagtanong kung ano ang kailangan niya, at hindi rin sila nagtanong kay Jesus kung bakit nakikipag-usap siya sa babae.

28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga taga-roon, 29 “Halikayo! Ipapakita ko sa inyo ang taong alam na alam ang lahat ng ginawa ko! Maaaring siya na nga ang Cristo.” 30 Kaya pinuntahan ng mga tao si Jesus.

31 Samantala, pinapakiusapan ng mga tagasunod niya si Jesus na kumain na. 32 Pero sumagot si Jesus, “May pagkain akong hindi ninyo alam.” 33 Kaya nagtanungan ang mga tagasunod niya, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko ay ang pagsunod sa kalooban ng nagsugo sa akin at ang pagtupad sa kanyang ipinapagawa. 35 Hindi ba sinasabi nʼyo na apat na buwan pa bago ang anihan? Ngunit sinasabi ko sa inyo, anihan na. Tingnan nʼyo ang mga taong dumarating, para silang mga pananim sa bukid na hinog na at pwede nang anihin! 36 Kayong mga tagapag-ani ay tatanggap ng gantimpala mula sa Dios. At ang mga taong inaani ninyo ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. Kaya magkasamang matutuwa ang nagtanim ng salita ng Dios at ang nag-ani. 37 Totoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba rin ang umaani.’ 38 Sinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang nagtanim ng salita ng Dios, at kayo ang umaani ng kanilang pinaghirapan.”

Maraming Samaritano ang Sumampalataya

39 Maraming Samaritano sa bayang iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa sinabi ng babae na alam ni Jesus ang lahat ng ginawa niya. 40 Kaya pagdating ng mga Samaritano kay Jesus, hiniling nila na manatili muna siya roon sa kanila. At nanatili nga siya sa kanila ng dalawang araw.

41 Dahil sa pangangaral niya, marami pa sa kanila ang sumampalataya. 42 Sinabi ng mga tao sa babae, “Sumasampalataya kami ngayon hindi lang dahil sa sinabi mo sa amin ang tungkol sa kanya, kundi dahil sa narinig namin mismo sa kanya. At alam naming siya nga ang Tagapagligtas ng mundo.”

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Opisyal

43 Pagkatapos ng dalawang araw na pamamalagi roon ni Jesus, umalis siya papuntang Galilea. 44 (Si Jesus mismo ang nagsabi na ang isang propeta ay hindi iginagalang sa sarili niyang bayan.) 45 Nang dumating siya sa Galilea, malugod siyang tinanggap ng mga tao, dahil naroon sila sa Jerusalem noong Pista ng Paglampas ng Anghel at nakita nila ang lahat ng ginawa niya roon.

46 Muling bumalik si Jesus sa bayan ng Cana sa Galilea kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Doon ay may isang opisyal ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay may sakit at nasa Capernaum. 47 Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito. Nakiusap siya kay Jesus na pumunta sa Capernaum at pagalingin ang anak niyang nag-aagaw-buhay. 48 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hanggaʼt hindi kayo nakakakita ng mga himala at kababalaghan, hindi kayo maniniwala sa akin.” 49 Sumagot ang opisyal, “Sumama na po kayo sa akin bago mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede ka nang umuwi. Magaling na ang anak mo.” Naniwala ang opisyal sa sinabi ni Jesus at umuwi siya. 51 Habang nasa daan pa lang ay sinalubong na siya ng mga alipin niya at sinabi sa kanya na magaling na ang anak niya. 52 Kaya tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila, “Kahapon po ng mga ala-una ng hapon ay nawala na ang lagnat niya.” 53 Naalala ng opisyal na nang oras ding iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus na magaling na ang anak niya. Kaya siya at ang buong pamilya niya ay sumampalataya kay Jesus.

54 Ito ang ikalawang himala na ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling niya sa Judea.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®