Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 14

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na bumalik sila malapit sa Pi Hahirot, sa gitna ng Migdol at Dagat na Pula, at magkampo sila roon sa tabi ng dagat, sa harap ng Baal Zefon. Iisipin ng Faraon na nagkaligaw-ligaw kayo at hindi na makalabas ng disyerto. At patitigasin ko ang kanyang puso at hahabulin niya kayo. Pero papatayin ko siya at ang kanyang mga sundalo. Sa pamamagitan nitoʼy mapaparangalan ako, at malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.” Kaya ginawa ito ng mga Israelita.

Nang mabalitaan ng hari ng Egipto na tumakas ang mga Israelita, nagbago ang isip niya at ang lahat ng opisyal tungkol sa pag-alis ng mga Israelita. Sinabi nila, “Ano ba ang ginawa natin? Bakit natin pinaalis ang mga Israelita? Ngayon, wala na tayong mga alipin.” Kaya inihanda ng Faraon ang karwahe niya at ang kanyang mga sundalo. Dinala niya ang 600 na pinakamahuhusay na karwahe ng Egipto at ang iba pang mga karwahe. Bawat isaʼy pinamamahalaan ng opisyal. Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Egipto, kaya hinabol niya ang mga Israelita na naglalakbay na buo ang loob. Ang mga Egipcio na sumama sa paghabol ay ang mga sundalo ng hari, kasama ang mga mangangabayo niya sakay ng kanilang mga kabayo at karwahe. Naabutan nila ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila sa tabi ng Dagat na Pula malapit sa Pi Hahirot, sa harap ng Baal Zefon.

10 Nang papalapit na ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, nakita sila ng mga Israelita. Kaya lubha silang natakot at humingi ng tulong sa Panginoon. 11 Sinabi nila kay Moises, “Bakit dito mo pa kami dinala sa disyerto para mamatay? Wala bang libingan doon sa Egipto? Bakit mo pa kami pinalabas sa Egipto? 12 Hindi baʼt sinabi namin sa iyo sa Egipto na pabayaan mo na lang kaming magpaalipin sa mga Egipcio? Mas mabuti pang nanilbihan na lang kami sa mga Egipcio kaysa sa mamatay dito sa disyerto!”

13 Sumagot si Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Magpakatatag kayo at makikita ninyo ang pagliligtas ng Panginoon sa inyo sa araw na ito. Ang mga Egipciong nakikita ninyo ngayon ay hindi na ninyo makikita pang muli. 14 Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”

15 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit patuloy ka pa ring humihingi ng tulong sa akin? Sabihin mo sa mga Israelita na magpatuloy sila sa paglalakbay. 16 Pagkatapos, itaas mo ang iyong baston sa dagat para mahati ang tubig at makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa. 17 Patitigasin ko ang puso ng mga Egipcio para habulin nila kayo. Pero lilipulin ko ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, mangangabayo at mga karwahe. Sa pamamagitan nito, mapaparangalan ako. 18 At kapag nalipol ko na sila, malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.”

19 Pagkatapos, lumipat sa hulihan ang anghel ng Dios na nangunguna sa mamamayan ng Israel, ganoon din ang makapal na ulap. 20 Tumigil ito sa gitna ng mga Israelita at mga Egipcio. Sa buong gabi, nagbigay ng liwanag ang ulap sa mga Israelita at nagbigay ng kadiliman sa mga Egipcio. Kaya lumipas ang gabi na hindi nakalapit ang mga Egipcio sa mga Israelita.

21 Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nahati ang dagat sa pamamagitan ng malakas na hangin na ipinadala ng Panginoon mula sa silangan. Buong gabing umihip ang hangin hanggang ang gitna ng dagat ay naging tuyong lupa. 22 At tumawid ang mga Israelita sa tuyong lupa, na ang tubig ay parang pader sa magkabilang gilid.

23 Hinabol sila ng mga sundalo ng Egipto kasama ang kanilang mga mangangabayo, mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang mag-uumaga na, tiningnan ng Panginoon ang mga sundalo ng Egipto mula sa makapal na ulap at naglalagablab na apoy, at nilito niya sila. 25 Tinanggal[a] niya ang mga gulong ng mga karwahe nila para mahirapan silang patakbuhin ito. Sinabi ng mga Egipcio, “Umatras na lang tayo sa mga Israelita, dahil ang Panginoon ang lumalaban sa atin para sa kanila.”

26 Nang nakatawid na ang mga Israelita, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa dagat para bumalik ang tubig at matabunan ang mga Egipcio at ang karwahe nila at mga mangangabayo.” 27 Kaya itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nang sumisikat na ang araw, bumalik ang tubig sa dati nitong lugar. Tinangkang tumakas ng mga Egipcio pero ipinaanod sila ng Panginoon sa dagat. 28 Tinabunan ng tubig ang lahat ng sundalo ng Faraon na humabol sa mga Israelita pati na ang kanilang mga mangangabayo at karwahe. Wala ni isa mang nakaligtas sa kanila.

29 Pero ang mga Israelitaʼy dumaan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat, na parang pader ang tubig sa magkabilang gilid. 30 Sa araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa kamay ng mga Egipcio. At nakita ng mga Israelita ang mga bangkay ng mga Egipcio na nakahandusay sa dalampasigan. 31 Nakita ng mga Israelita ang dakilang kapangyarihan ng Panginoon na ginamit niya laban sa mga Egipcio. At dahil dito, iginalang nila ang Panginoon at siyaʼy pinagtiwalaan nila at ang lingkod niyang si Moises.

Lucas 17

Mga Dahilan ng Pagkakasala(A)

17 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hindi maiiwasan ang pagdating ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng tao. Ngunit nakakaawa ang taong magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. Mas mabuti pang talian siya sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat, kaysa siya ang maging dahilan ng pagkakasala ng isa sa maliliit[a] na ito. Kaya mag-ingat kayo.

“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo siya. At kung magsisi siya, patawarin mo. Kahit pitong beses pa siyang magkasala sa iyo sa maghapon, kung pitong beses din siyang hihingi ng tawad sa iyo ay patawarin mo.”

Tungkol sa Pananampalataya

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.” Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa malaking punong ito, ‘Mabunot ka at malipat sa dagat!’ At susundin kayo nito.”

Ang Tungkulin ng Alipin

Sinabi pa ni Jesus, “Halimbawa, may alipin kang nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa at kararating lang niya mula sa trabaho niya. Bilang amo sasabihin mo ba sa kanya, ‘Halika na, maupo ka at kumain’? Hindi! Sa halip, ito ang sasabihin ninyo, ‘Magbihis ka na at ipaghanda ako ng hapunan, at pagsilbihan mo ako habang kumakain. Saka ka na kumain pagkatapos ko.’ Hindi pinasasalamatan ang alipin dahil ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin. 10 Ganoon din naman sa inyo. Pagkatapos ninyong gawin ang mga iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Mga alipin lamang kami, at hindi nararapat papurihan dahil ginagawa lang namin ang aming tungkulin.’ ”

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Lalaking may Malubhang Sakit sa Balat

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Galilea at Samaria. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may malubhang sakit sa balat. Tumayo lang sila sa malayo 13 at sumigaw kay Jesus, “Panginoong Jesus, maawa po kayo sa amin!” 14 Nang makita sila ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.” At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat. 15 Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya, bumalik siya kay Jesus at nagsisigaw ng papuri sa Dios. 16 Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nagpasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano. 17 Sinabi ni Jesus, “Hindi baʼt sampu ang pinagaling ko? Nasaan ang siyam? 18 Bakit hindi bumalik ang iba upang magpuri sa Dios maliban sa taong ito na hindi Judio?” 19 Sinabi niya sa lalaki, “Tumayo ka at umuwi na. Iniligtas[b] ka ng pananampalataya mo.”

Ang tungkol sa Paghahari ng Dios.(B)

20 Minsan, tinanong ng mga Pariseo si Jesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Dios. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan na nagsisimula na ang paghahari ng Dios. 21 Kaya walang makapagsasabing, ‘Dito maghahari ang Dios!’ o, ‘Doon siya maghahari!’ Dahil naghahari na ang Dios sa puso ninyo.”[c]

22 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ako na Anak ng Tao kahit isang araw lang, pero hindi pa iyon mangyayari. 23 May mga magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Nandito siya!’ Huwag kayong sasama sa kanila para hanapin ako. 24 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan muna akong dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng henerasyong ito.

26 “Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 27 Sa panahon nga ni Noe, wala silang inaatupag kundi ang magsaya. Nagkakainan sila, nag-iinuman at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Dumating ang baha at nalunod silang lahat. 28 Ganoon din noong kapanahunan ni Lot. Ang mga taoʼy nagkakainan, nag-iinuman, nagnenegosyo, nagsasaka at nagtatayo ng mga bahay, 29 hanggang sa araw na umalis si Lot sa Sodom. At pagkatapos, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at namatay silang lahat doon sa Sodom. 30 Ganyan din ang mangyayari sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng mga ari-arian niya. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. 32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. 33 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, kapag may dalawang natutulog na magkatabi; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 Sa dalawang babaeng magkasamang naggigiling, kukunin ang isa at iiwan ang isa. 36 [At kapag may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa.]” 37 Tinanong siya ng mga tagasunod niya, “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” Sumagot siya sa pamamagitan ng kasabihan, “Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.”[d]

Job 32

Nagsalita si Elihu

32 Kinalaunan, tumigil na sa pagsasalita ang tatlong kaibigan ni Job, dahil ipinipilit ni Job na wala siyang kasalanan.

May isang tao roon na ang pangalan ay Elihu. Anak siya ni Barakel, na taga-Buz. Mula siya sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job dahil sinisisi nito ang Dios, sa halip na ang kanyang sarili. Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job dahil hindi nila napatunayang nagkasala si Job at lumalabas pa na ang Dios ang may kasalanan. At dahil mas matanda sila kaysa kay Elihu, naghintay muna si Elihu na matapos silang magsalita bago siya nagsalita kay Job. Pero nang wala ng masabi ang tatlo, nagalit siya. Kaya sinabi niya, “Bata pa ako at kayoʼy matatanda na, kaya nag-aatubili akong magsalita. Hindi ako nangahas na magsalita sa inyo tungkol sa nalalaman ko. Ang akala ko ay kayo ang dapat magturo dahil matatanda na kayo at maraming nalalaman. Pero ang totoo, ang espiritu ng Dios na Makapangyarihan na nasa tao, ang siyang nagbibigay ng pang-unawa. Ang katandaan ay hindi garantiya ng karunungan at kaalaman kung ano ang tama. 10 Kaya pakinggan ninyo ako. Sasabihin ko ang nalalaman ko. 11 Naghintay ako habang iniisip ninyo kung ano ang nararapat ninyong sabihin. Pinakinggan ko ang inyong mga katuwiran. 12 Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi ninyo, pero ni isa sa inyoʼy walang nakapagpatunay na nagkasala si Job; ni hindi ninyo nasagot ang mga pangangatwiran niya. 13 Huwag ninyong sasabihing, ‘Napag-alaman naming mas marunong siya. Hayaan ninyong ang Dios ang sumagot sa kanya at hindi ang tao!’ 14 Kung sa akin siya nakipagtalo, hindi ko siya sasagutin na katulad ng mga sinabi ninyo. 15 Hindi na kayo makakibo ngayon at wala nang maisagot sa kanya. 16 At ngayong wala na kayong maisagot, kailangan ko pa bang maghintay? 17 Ako rin ay may sasabihin ayon sa nalalaman ko. 18 Dahil marami akong gustong sabihin, at hindi ko na talaga ito mapigilan. 19 Para akong bagong sisidlang-balat na punong-puno at malapit nang sumabog. 20 Kinakailangan kong magsalita para gumaan ang pakiramdam ko. 21 Wala akong kakampihan o pupurihin. 22 Hindi ako marunong mambola. Kung gagawin ko ito, parusahan nawa ako ng aking Manlilikha.”

2 Corinto 2

Naisip kong huwag na munang pumunta riyan kung makapagdudulot lang naman ng kalungkutan ang pagdalaw ko sa inyo. Kayo lang ang nagpapasaya sa akin. Ngunit kung magiging malungkot kayo nang dahil sa akin, papaano nʼyo pa ako mapapasaya? Iyan ang dahilan kung bakit sumulat ako sa inyo noon. Ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay maging malungkot ang mga taong dapat sanaʼy magpapaligaya sa akin. At naniniwala ako na ang kaligayahan ko ay kaligayahan din ninyong lahat. Nang sumulat ako noon sa inyo, nabagabag ang aking kalooban. Nalungkot akoʼt lumuha. Sumulat ako sa inyo hindi dahil sa gusto ko kayong saktan kundi dahil gusto kong maipakita kung gaano ko kayo kamahal.

Patawarin ang Nagkasala

Ngayon, tungkol naman sa taong nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi lamang ako ang binigyan niya ng kalungkutan. Ayaw kong magmalabis, pero nagbigay din siya ng kalungkutan sa inyong lahat. Pero sapat na ang kaparusahang ibinigay ninyo sa kanya. Kaya patawarin na ninyo siya at patatagin, dahil baka maging labis ang kanyang hinagpis at tuluyang panghinaan ng loob. Nakikiusap ako na ipakita ninyo sa kanya na mahal nʼyo pa rin siya. At ito nga ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo, dahil gusto kong malaman kung sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng sinasabi ko sa inyo. 10 Kung pinatawad na ninyo ang taong nagkasala, pinatawad ko na rin siya. At kung nagpatawad man ako, saksi si Cristo na ginawa ko iyon alang-alang sa inyo. 11 Nararapat lamang na magpatawad tayo para hindi tayo madaig ni Satanas. Alam naman natin ang mga binabalak niyang masama.

Si Pablo sa Troas

12 Nang dumating ako sa Troas para ipangaral ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon na magawa iyon. 13 Pero hindi ako mapalagay dahil hindi ko nakita roon ang kapatid nating si Tito. Kaya nagpaalam ako sa mga mananampalataya roon at pumunta sa Macedonia.

Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo

14 Salamat sa Dios dahil lagi siyang nasa unahan natin sa parada ng tagumpay. Ginagawa niya ito dahil tayo ay nakay Cristo. Saan man kami pumunta, ginagamit kami ng Dios para ipakilala si Cristo sa mga tao. At itong ipinapalaganap namin ay parang halimuyak ng pabango. 15 Para kaming mabangong handog na iniaalay ni Cristo sa Dios, at naaamoy ng mga taong naliligtas at ng napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, para kaming nakamamatay na amoy; ngunit sa mga naliligtas, para kaming halimuyak na nagbibigay-buhay. Sino ang may kakayahang gampanan ang gawaing ito? 17 Hindi kami tulad ng marami riyan na ginagawang negosyo ang salita ng Dios para magkapera. Alam naming nakikita kami ng Dios, kaya bilang mga mananampalataya ni Cristo at sugo ng Dios, tapat naming ipinangangaral ang kanyang salita.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®