M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
8 Pagkaraan ng ilang araw, muling nagtipon ang napakaraming tao. Wala silang makain, kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, 2 “Nahahabag ako sa maraming taong ito sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain. 3 Kung pauuwiin ko silang nagugutom, mahihilo sila sa daan lalo na't ang iba sa kanila'y nanggaling pa sa malayo.” 4 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Saan po dito sa ilang makakukuha ng sapat na pagkain para sa mga taong ito?” 5 “Ilan ba ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus. “Pito,” sagot nila. 6 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat ay hinati-hati niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi, at ipinamahagi nga nila ito sa mga tao. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Nang mabasbasan ang mga ito, iniutos niya sa mga alagad na ipamahagi rin ito sa mga tao. 8 Kumain sila at nabusog at pagkatapos ay tinipon nila ang lumabis na pagkain na pitong kaing. 9 May apat na libong lalaki ang naroon. Pinauwi sila ni Jesus, 10 pagkatapos ay agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta. 11 Dumating doon (B) ang mga Fariseo at nakipagtalo kay Jesus. Hinihingan nila si Jesus ng himala mula sa langit upang subukin siya. 12 Napabuntong-hininga (C) nang malalim si Jesus at sinabi, “Bakit humahanap ng himala ang salinlahing ito? Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang himalang ipapakita sa salinlahing ito.” 13 Sila'y iniwan niya, at muling sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.
Ang Pampaalsang Gamit ng mga Fariseo at ni Herodes(D)
14 Nakalimutan ng mga alagad[a] na magdala ng tinapay, maliban sa isang tinapay na dala nila sa bangka. 15 Binalaan (E) sila ni Jesus, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang pampaalsang gamit ng mga Fariseo at ni Herodes.” 16 Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay.” 17 Dahil alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, tinanong niya sila, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nauunawaan? Manhid ba kayo? 18 Mayroon (F) kayong mga mata, bakit hindi kayo makakita? Mayroon kayong mga tainga, bakit hindi kayo makarinig? Hindi ba ninyo natatandaan 19 nang hati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing ng mga lumabis ang inyong pinulot?” “Labindalawa,” sagot nila. 20 “Nang pagputul-putulin ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing ng mga lumabis ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.” 21 “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?” tanong ni Jesus.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag
22 Pumasok sila sa Bethsaida at dinala sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap na kanyang hipuin. 23 Hinawakan ni Jesus sa kamay ang bulag at inakay palabas ng nayon. Niluraan niya ang mga mata nito, ipinatong ang kanyang mga kamay at tinanong, “Mayroon ka bang nakikita?” 24 Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita po ako ng mga tao, parang mga punongkahoy na naglalakad.” 25 Muling ipinatong ni Jesus ang kanyang kamay sa mga mata ng lalaki. Iminulat ng lalaki ang kanyang mga mata. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Pinauwi siya ni Jesus at pinagbilinan, “Huwag ka nang pumasok sa nayon.”
Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(G)
27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos. Habang sila'y nasa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 28 Sumagot (H) sila, “Sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba'y si Elias, at ng iba'y isa sa mga propeta.” 29 “At kayo, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” (I) tanong niya sa kanila. Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo.”[b] 30 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(J)
31 Mula noo'y sinimulan niyang ituro sa mga alagad na ang Anak ng Tao ay dapat dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng matatandang pinuno, ng mga punong pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y papatayin ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Maliwanag niyang sinabi ang mga ito sa kanila, kaya dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. 33 Ngunit lumingon si Jesus, tumingin sa mga alagad at pinagsabihan si Pedro, “Lumayas ka sa harapan ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi galing sa tao!” 34 Tinawag (K) ni Jesus ang maraming tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Sinumang nais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat (L) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ang pakinabang ng tao makamtan man niya ang buong sanlibutan kung mapapahamak naman ang kanyang buhay? 37 Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kanyang buhay? 38 Sinumang ikahiya ako at ang aking salita sa mapakiapid at makasalanang salinlahing ito, ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya na taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama, kasama ang mga banal na anghel.”
Pamumuhay ayon sa Espiritu
8 Ngayon nga'y wala nang hatol na parusa sa mga nakipag-isa kay Cristo Jesus.[a] 2 Sapagkat pinalaya na tayo[b] ng Kautusan ng Espiritu na nagbibigay-buhay sa pamamagitan ni Cristo Jesus mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan. 3 Ang hindi magawa ng Kautusan, na pinahihina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang pagkatao upang hatulan niya ang kasalanan. Sa gayon, sa kanya iginawad ang hatol sa kasalanan. 4 Ginawa ito ng Diyos upang ang makatarungang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin, na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa laman. 5 Ang mga namumuhay ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa masasamang hilig nito. Subalit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nakatuon sa mga nais ng Espiritu. 6 Ang pag-iisip ng laman ay naghahatid sa kamatayan, subalit ang pag-iisip ng Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. 7 Ang pag-iisip ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa Kautusan ng Diyos, at talaga namang hindi niya ito magagawa. 8 At ang mga namumuhay ayon sa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos. 9 Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu, kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit sinumang walang Espiritu ni Cristo ay hindi kay Cristo. 10 Ngunit kung nasa inyo si Cristo, ang katawan ninyo ay patay dahil sa kasalanan, ngunit ang Espiritu ay buháy dahil sa katuwiran. 11 Kung (A) naninirahan sa inyo ang Espiritu niya na muling bumuhay kay Jesus mula sa kamatayan, siya na muling bumuhay kay Cristo Jesus mula sa kamatayan[c] ay magbibigay rin ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo. 12 Kaya nga, mga kapatid, may pananagutan tayo, ngunit hindi sa laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa laman, subalit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay. 14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat (B) (C) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muli kayong matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkupkop, bilang mga anak na sa pamamagitan nito'y tumawag tayo, “Abba! Ama!” 16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At dahil tayo'y mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo, kung tunay ngang tayo'y nagtitiis kasama niya, nang sa gayon, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.
Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin
18 Ipinalalagay kong hindi kayang ihambing ang pagtitiis sa kasalukuyang panahon sa kaluwalhatiang ihahayag sa atin. 19 Masidhi ang pananabik ng sangnilikha sa inaasahang paghahayag ng Diyos sa kanyang mga anak. 20 Sapagkat (D) ang sangnilikha ay nasakop ng kabiguan, hindi dahil sa kanyang kagustuhan, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa 21 na ang sangnilikha ay mapalalaya mula sa pagkaalipin sa pagkabulok at tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayon, ang buong sangnilikha ay dumaraing at naghihirap sa tindi ng kirot tulad ng babaing nanganganak. 23 At (E) hindi lamang ang sangnilikha, kundi pati tayo na mga tumanggap ng mga unang bunga ng Espiritu. Naghihirap din ang ating mga kalooban at dumaraing habang hinihintay ang ganap na pagkupkop sa atin bilang mga anak, ang paglaya ng ating katawan. 24 Iniligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi na matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sinong tao ang aasa pa sa bagay na nakikita na? 25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi pa natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong pagtitiyaga.
26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, ngunit ang Espiritu mismo ang dumaraing[d] sa paraang hindi kayang bigkasin sa salita. 27 At ang Diyos na nakasisiyasat ng ating mga puso ang nakaaalam sa kaisipan ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos. 28 At alam nating ang Diyos ay gumagawa ng lahat ng bagay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, sa kanilang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat ang mga kinilala niya noong una pa man ay itinalaga rin niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 At ang mga itinalaga niya ay kanya ring tinawag, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid; at ang mga itinuring niyang matuwid ay niluwalhati rin niya.
Ang Pag-ibig ng Diyos
31 Ano ngayon ang ating sasabihin tungkol sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang makalalaban sa atin? 32 Kung hindi niya ipinagkait ang sariling Anak kundi ibinigay siya para sa ating lahat, hindi kaya kasama rin niyang ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ngayon ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos? Ang Diyos ang nagtuturing na matuwid. 34 Sino ang hahatol upang ang tao'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay ngunit muling binuhay, na ngayon ay nasa kanan ng Diyos at siya ring namamagitan para sa atin? 35 Mayroon bang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, kapighatian, pag-uusig, taggutom, kahubaran, panganib, o ang tabak? 36 Gaya (F) ng nasusulat,
“Dahil sa iyo'y maghapon kaming nabibingit sa kamatayan;
itinuring kaming mga tupa sa katayan.”
37 Subalit sa lahat ng mga ito tayo'y lubos na nagtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat lubos akong naniniwala na kahit kamatayan o buhay, mga anghel, mga pamunuan, mga bagay na kasalukuyan, mga bagay na darating, maging mga kapangyarihan, 39 kataasan, o kalaliman, o kahit anumang bagay na nilikha ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.