M’Cheyne Bible Reading Plan
Isinumpa ng Propeta ang Altar sa Betel
13 Ngayon, inutusan ng Panginoon ang isang lingkod niyang taga-Juda na pumunta sa Betel. Pagdating niya roon, nakatayo si Jeroboam sa tabi ng altar para maghandog. 2 Inutusan ng Panginoon ang lingkod niya na isumpa ang altar na iyon. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa altar na ito: May isisilang na isang sanggol sa pamilya ni David na ang pangalan ay Josia. Papatayin niya at ihahandog sa altar na ito ang mga pari na naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar[a] at naghahandog sa altar na ito. Masusunog ang kanilang mga buto sa altar na ito.” 3 Sa mismong araw na ito, nagbigay ang lingkod ng Dios ng palatandaan na mangyayari ang kanyang sinabi. Sinabi niya, “Ito ang palatandaan na sinabi ng Panginoon: Matitibag ang altar na ito at ang alikabok nito ay kakalat.”
4 Nang marinig ito ni Haring Jeroboam, itinuro niya ang lingkod ng Dios at sinabi, “Hulihin ninyo siya!” Pero bigla na lang nanigas ang kamay ng hari, kaya hindi na niya maibaba ang kanyang kamay. 5 Pagkatapos, natibag ang altar at ang alikabok nito ay kumalat, ayon sa palatandaang sinabi ng lingkod ng Dios na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.
6 Pagkatapos, sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Ipanalangin mo ako sa Panginoon na iyong Dios na pagalingin niya ang kamay ko.” Kaya nanalangin ang lingkod ng Dios sa Panginoon at gumaling ang kamay ng hari. 7 Muling sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Halika sa bahay at kumain, at bibigyan kita ng regalo.” 8 Pero sumagot ang lingkod ng Dios, “Kahit ibigay pa po ninyo sa akin ang kalahati ng ari-arian ninyo, hindi ako sasama sa inyo o kakain ni iinom man sa lugar na ito. 9 Sapagkat inutusan po ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako, at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 10 Kaya ibang daan ang dinaanan niya nang umuwi siya.
11 Nang panahong iyon, may isang matandang propeta na nakatira sa Betel. Pinuntahan siya ng kanyang mga anak na lalaki[b] at ibinalita ang lahat ng ginawa ng lingkod ng Dios noong araw na iyon sa Betel. Ibinalita rin nila sa kanya kung ano ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari. 12 Nagtanong ang kanilang ama, “Saan siya dumaan pauwi?” At sinabi nila kung saan siya dumaan. 13 Pagkatapos, sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” Kaya inihanda nila ang asno; sumakay siya 14 at hinabol ang lingkod ng Dios. Inabutan niyang nakaupo ito sa ilalim ng punong terebinto. Tinanong niya ito, “Ikaw ba ang lingkod ng Dios na galing sa Juda?” Sumagot siya, “Opo.” 15 Sinabi niya, “Halika sa bahay at kumain.” 16 Sumagot ang lingkod ng Dios, “Hindi po ako maaaring bumalik at sumama sa inyo, at hindi rin ako maaaring kumain o uminom kasama ninyo sa lugar na ito. 17 Sapagkat inutusan ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 18 Sinabi ng matandang propeta, “Propeta rin ako na katulad mo. At inutusan ng Panginoon ang isang anghel para sabihin sa akin na dalhin kita sa bahay ko para makakain at makainom ka.” (Pero nagsisinungaling ang matanda.) 19 Kaya sumama sa kanyang bahay ang lingkod ng Dios, kumain at uminom siya roon.
20 Habang nakaupo sila sa mesa, may sinabi ang Panginoon sa matandang propeta. 21 Kaya sinabi ng matandang propeta sa lingkod ng Dios na galing sa Juda, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Nilabag mo ang utos ng Panginoon na iyong Dios; hindi mo sinunod ang iniutos niya sa iyo. 22 Iniutos niya sa iyo na huwag kang kakain at iinom sa lugar na ito, pero bumalik ka rito at kumain at uminom. Dahil sa ginawa mo, ang bangkay mo ay hindi ililibing sa libingan ng mga ninuno mo.’ ”
23 Nang matapos kumain at uminom ang lingkod ng Dios, inihanda ng matandang propeta ang asno para sa pag-uwi nito. 24 At habang papauwi na siya, sinalubong siya ng isang leon at pinatay. Ang bangkay nitoʼy nakahandusay sa daan, at sa tabi nitoʼy nakatayo ang leon at asno. 25 Nakita ng mga taong dumaraan doon ang bangkay at ang leon sa tabi nito, at ibinalita nila ito sa lungsod kung saan nakatira ang matandang propeta.
26 Nang marinig ito ng matandang propeta, sinabi niya, “Siya ang lingkod ng Dios na lumabag sa salita ng Panginoon. Pinabayaan siya ng Panginoon sa leon na sumunggab at pumatay sa kanya, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya.”
27 Sinabi agad ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” At inihanda nila ito. 28 Umalis siya, at nakita niya ang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at asno na nakatayo sa tabi nito. Hindi kinain ng leon ang bangkay o nilapa man ang asno. 29 Kinuha ng matandang propeta ang bangkay ng lingkod ng Dios at isinakay sa asno, at dinala sa kanilang lungsod para ipagluksa ang bangkay at ilibing ito. 30 Inilibing niya ito sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili. Lubha silang nalungkot sa pagkamatay ng lingkod ng Dios.
31 Matapos siyang mailibing, sinabi ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Kapag namatay ako, ilibing ninyo ako sa pinaglibingan ng lingkod ng Dios, at pagtabihin ninyo kami. 32 Dahil ang mga salita na sinabi ng Panginoon sa kanya tungkol sa altar sa Betel at sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria ay siguradong matutupad.”
33 Kahit nangyari ang mga ito, hindi pa rin nagbago si Jeroboam sa kanyang pag-uugali. Pumili pa rin siya ng mga taong maglilingkod bilang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar. Ang sinumang gustong maglingkod bilang pari ay inordinahan niya. 34 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng sambahayan niya at naghatid sa kanila ng pagkatalo at kapahamakan.
Mga Bilin
4 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.
2 Nakikiusap ako kina Eudia at Syntique, na magkasundo na sila bilang magkapatid sa Panginoon. 3 At nakikiusap din ako sa iyo, tapat kong kasama sa pangangaral, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat katulong ko sila sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama nina Clement at ng iba ko pang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.[a]
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!
5 Ipakita nʼyo sa lahat ang kagandahang-loob ninyo. Malapit nang dumating ang Panginoon! 6 Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. 7 Kapag ginawa nʼyo ito, bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.
8 Bukod diyan, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. 9 Ipamuhay nʼyo ang lahat ng natutunan nʼyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Dios na nagbibigay ng kapayapaan.
Ang Pasasalamat ni Pablo sa Kanilang Tulong
10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli nʼyong ipinakita ang pagmamalasakit nʼyo sa akin. Alam kong lagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12 Marunong akong mamuhay sa hirap o ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. 13 Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin. 14 Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan nʼyo ako sa kagipitan ko. 15 Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. 16 Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. 17 Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. 18 Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala nʼyo sa akin sa pamamagitan ni Epafroditus, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Dios na tinatanggap niya nang may kasiyahan. 19 At dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus, ibibigay sa inyo ng aking Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya. 20 Purihin natin ang ating Dios at Ama magpakailanman. Amen.
Mga Huling Pangangamusta
21 Ikumusta nʼyo ako sa lahat ng mga pinabanal[b] diyan ng Dios na nakay Cristo Jesus. Kinukumusta kayo ng mga kapatid kay Cristo na kasama ko rito. 22 Kinukumusta rin kayo ng lahat ng mga pinabanal ng Dios dito, lalung-lalo na ang mga naglilingkod sa palasyo ng Emperador.
23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.
Bumalik sa Templo ang Dakilang Presensya ng Dios
43 Pagkatapos, dinala na naman ako ng tao sa daanan sa gawing silangan. 2 At doon ay nakita ko na dumarating mula sa silangan ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel. Ang tunog ng pagdating niya ay parang rumaragasang tubig at ang lupain ay lumiliwanag dahil sa kanyang dakilang presensya. 3 Ang pangitaing ito ay katulad din ng pangitaing nakita ko noong winasak ng Dios ang lungsod ng Jerusalem, at tulad din ng pangitaing nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar. Nang makita ko ito, nagpatirapa ako sa lupa.
4 Pagkatapos, pumasok ang dakilang presensya ng Panginoon sa templo. Doon siya dumaan sa pintuan sa gawing silangan. 5 Itinayo ako ng Espiritu at dinala sa bakuran sa loob, at nakita ko ang buong templo na nilukuban ng makapangyarihang presensya ng Panginoon. 6 Habang nakatayo ang tao sa tabi ko, may narinig akong tinig mula sa templo. 7 Ang sinabi sa akin, “Anak ng tao, ito ang aking trono, at ang patungan ng aking paa. Dito ako mananahan kasama ng mga Israelita magpakailanman. Hindi na muling lalapastanganin ng mga Israelita maging ng kanilang mga hari ang aking pangalan, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan[a], o sa mga monumento ng namatay nilang mga hari. 8 Noong una, nagtayo sila ng mga altar para sa mga dios-diosan nila malapit sa altar ko at pader lang ang pagitan. Dinungisan nila ang banal kong pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam na gawang iyon. Kaya nilipol ko sila. 9 Ngayoʼy kinakailangan na silang tumigil sa pagsamba sa mga dios-diosan at sa mga monumento ng namatay nilang mga hari. Sa gayon, mananahan akong kasama nila magpakailanman.”
10 Sinabi pa ng tinig, “Anak ng tao, ilarawan mo sa mga mamamayan ng Israel ang templo na ipinakita ko sa iyo. Sabihin mo sa kanila ang anyo nito upang mapahiya sila dahil sa mga kasalanan nila. 11 Kapag napahiya na sila sa lahat ng ginawa nila, ilarawan mo sa kanila kung paano gagawin ito, ang mga daanan, pinto, at ang buong anyo ng gusali. Isulat mo ang mga tuntunin sa pagpapagawa nito habang nakatingin sila para masunod nila ito nang mabuti. 12 At ito ang pangunahing kautusan tungkol sa templo: Ituring ninyong banal ang lahat ng lugar sa paligid ng bundok doon sa itaas na pagtatayuan ng templo.
Ang Altar
13 “Ito ang sukat ng altar ayon sa umiiral na panukat: Sa paligid ng altar ay gagawa kayo ng parang kanal na 20 pulgada ang luwang at 20 pulgada rin ang lalim at may sinepa sa paligid na anim na pulgada ang kapal. 14-17 May tatlong palapag ang altar na parisukat lahat. Ang ibabang palapag ay 27 talampakan ang haba at luwang. Ang taas naman ay tatlong talampakan. Ang gitnang palapag ay 24 na talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. May kanal sa paligid nito na 20 pulgada ang lalim, at may sinepa sa palibot na sampung pulgada ang luwang. Ang palapag sa itaas ay 20 talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. Dito sinusunog ang mga handog. Ang apat na sulok ng altar ay may parang mga sungay ng hayop. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan.”
18 Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Kapag nagawa na ang altar, italaga ninyo ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog na sinusunog at pagwiwisik ng dugo ng hayop na inihandog. 19 Sa araw na iyon, ang mga paring naglilingkod sa akin na mga Levitang mula sa pamilya ni Zadok ay bibigyan ng isang batang toro na iaalay nila bilang handog sa paglilinis. 20 Kumuha ka ng dugo nito at ipahid mo sa apat na sungay na nasa sulok ng pangalawang palapag ng altar at sa sinepa nito. Sa ganitong paraan ay malilinis ang altar. 21 Pagkatapos, kunin mo ang batang toro na handog sa paglilinis, at sunugin mo sa lugar na pinagsusunugan sa labas ng templo. 22 Kinabukasan, maghandog ka ng lalaking kambing na walang kapintasan at ihandog mo sa paglilinis ng altar, katulad ng ginawa mo sa batang toro. 23 Pagkatapos, kumuha ka ng isang batang toro at isang tupa na walang kapintasan, 24 at ihandog mo sa Panginoon. Lalagyan ito ng asin ng mga pari bago nila ialay sa Panginoon bilang handog na sinusunog.
25 “Sa loob ng isang linggo, maghandog ka sa bawat araw ng isang lalaking kambing, isang toro at isang tupa na pawang walang kapintasan at ialay mo ito bilang handog sa paglilinis. 26 Sa ganitong paraan, malilinis ang altar at maaari nang gamitin pagkatapos. 27 At mula sa ikawalong araw, maghahandog na ang mga pari ng inyong mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[b] At tatanggapin ko kayo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Awit ng Pagpupuri sa Dios
95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
2 Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
3 Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
4 Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
5 Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
6 Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
7 Dahil siya ang ating Dios
at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
9 Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”
Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)
96 Kayong mga tao sa buong mundo,
umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
2 Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
3 Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
4 Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
5 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
6 Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
7 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
9 Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®