Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Mga Hari 16

16 Nang ikalabing pitong taon ni Peka na anak ni Remalias ay nagpasimulang maghari si Achaz na anak ni Jotham na hari sa Juda.

May dalawangpung taon si Achaz nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at hindi siya gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon niyang Dios, na gaya ni David na kaniyang magulang.

Kundi siya'y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, oo, at kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon mula sa harap ng mga anak ni Israel.

At siya'y naghain, at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako, at sa mga burol, at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy.

Nang magkagayo'y si Resin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias na hari sa Israel ay umahon sa Jerusalem upang makipagdigma: at kanilang kinulong si Achaz, nguni't hindi nila nadaig.

Nang panahong yaon ay binawi ni Resin na hari sa Siria ang Elath sa Siria at pinalayas ang mga Judio sa Elath: at ang mga taga Siria ay nagsiparoon sa Elath, at tumanan doon, hanggang sa araw na ito.

Sa gayo'y nagsugo si Achaz ng mga sugo kay Tiglath-pileser na hari sa Asiria, na ipinasabi, Ako ang iyong lingkod at ang iyong anak: ikaw ay umahon, at iligtas mo ako sa kamay ng hari sa Siria at sa kamay ng hari sa Israel, na bumabangon laban sa akin.

At kinuha ni Achaz ang pilak at ginto na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, at ipinadalang kaloob sa hari sa Asiria.

At dininig siya ng hari sa Asiria; at ang hari sa Asiria ay umahon laban sa Damasco, at sinakop, at dinala sa Cir ang bayan na bihag, at pinatay si Resin.

10 At ang haring si Achaz ay naparoon sa Damasco upang salubungin si Tiglath-pileser na hari sa Asiria: at nakita ang dambana na nasa Damasco: at ipinadala ng haring si Achaz kay Urias na saserdote ang ayos ng dambana at ang anyo niyaon, ayon sa buong pagkayari niyaon.

11 At si Urias na saserdote ay nagtayo ng isang dambana: ayon sa buong ipinadala ng haring si Achaz mula sa Damasco, gayon ginawa ni Urias na saserdote, bago dumating ang haring Achaz mula sa Damasco.

12 At nang dumating ang hari mula sa Damasco, ay nakita ng hari ang dambana: at ang hari ay lumapit sa dambana, at naghandog doon.

13 At kaniyang sinunog ang kaniyang handog na susunugin, at ang kaniyang handog na harina, at ibinuhos ang kaniyang inuming handog, at iniwisik ang dugo ng kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan sa ibabaw ng dambana.

14 At ang dambana na tanso na nasa harap ng Panginoon ay kaniyang dinala mula sa harapan ng bahay, mula sa pagitan ng kaniyang dambana at ng bahay ng Panginoon, at inilagay sa dakong hilagaan ng kaniyang dambana.

15 At inutusan ng haring Achaz si Urias na saserdote, na sinasabi, Sa ibabaw ng malaking dambana, ay magsunog ka ng handog na susunugin sa umaga, at ng handog na harina sa hapon, at ng handog na susunugin ng hari at ng kaniyang handog na harina sangpu ng handog na susunugin ng buong bayan ng lupain at ng kanilang handog na harina, at ng kanilang mga handog na inumin; at iwisik mo roon ang buong dugo ng handog na susunugin, at ang buong dugo ng hain: nguni't ang dambanang tanso ay mapapasa akin upang pagusisaan.

16 Ganito ang ginawa ni Urias na saserdote, ayon sa buong iniutos ng haring Achaz.

17 At pinutol ng haring Achaz ang mga hangganan ng mga tungtungan, at inalis sa mga yaon ang hugasan, at ibinaba ang dagatdagatan mula sa mga bakang tanso na nasa ilalim niyaon, at ipinatong sa isang pavimentong bato.

18 At ang dakong natatakpan na daan sa sabbath na kanilang itinayo sa bahay, at ang pasukan ng hari na nasa labas, ibinago sa bahay ng Panginoon, dahil sa hari sa Asiria.

19 Ang iba nga sa mga gawa ni Achaz na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda.

20 At si Achaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Ezechias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

Tito 2

Nguni't magsalita ka ng mga bagay na nauukol sa aral na magaling:

Na ang matatandang lalake ay maging mapagpigil, mahusay, mahinahon ang pagiisip, magagaling sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis:

Na gayon din ang matatandang babae ay maging magalang sa kanilang kilos, hindi palabintangin ni paalipin man sa maraming alak, mga guro ng kabutihan;

Upang kanilang maturuan ang mga babaing may kabataan na magsiibig sa kanikaniyang asawa, magsiibig sa kanilang mga anak, mangagpakahinahon,

Mangagpakahinahon, mangagpakalinis, mangagpakasipag sa bahay, magagandang-loob, pasakop sa kanikaniyang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Dios:

Iaral mo rin naman sa mga bagong tao na sila'y mangagpakahinahon ng pagiisip:

Sa lahat ng mga bagay ay magpakilala kang ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong aral ay ipakilala mo ang walang kamalian ang kahusayan,

Pangungusap na magaling, na di mahahatulan; upang sila na nasa kabilang panig ay mahiya, nang walang anomang masamang masabi tungkol sa atin.

Iaral mo sa mga alipin na sila'y pasakop sa kanikaniyang Panginoon, at kanilang kalugdan sa lahat ng mga bagay; at huwag mga masagutin;

10 Huwag mangagdaya, kundi mangagpakita ng buong buting pagtatapat; upang pamutihan sa lahat ng mga bagay ang aral ng Dios na ating Tagapagligtas.

11 Sapagka't napakita ang biyaya ng Dios, na may dalang kaligtasan sa lahat ng mga tao,

12 Na nagtuturo sa atin, upang, pagtanggi natin sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanglibutan, ay marapat mabuhay tayong may pagpipigil at matuwid at banal sa panahong kasalukuyan ng sanglibutang ito;

13 Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo;

14 Na siyang nagbigay ng kaniyang sarili dahil sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at malinis niya sa kaniyang sarili ang bayang masikap sa mabubuting gawa, upang maging kaniyang sariling pag-aari.

15 Ang mga bagay na ito ay iyong salitain at iaral at isaway ng buong kapangyarihan. Sinoman ay huwag humamak sa iyo.

Hosea 9

Huwag kang magalak, Oh Israel sa katuwaan, na gaya ng mga bayan; sapagka't ikaw ay nagpatutot na humihiwalay sa iyong Dios; iyong inibig ang upa sa bawa't giikan.

Ang giikan at ang pisaan ng ubas ay hindi magpapakain sa kanila, at ang bagong alak ay magkukulang sa kaniya.

Sila'y hindi magsisitahan sa lupain ng Panginoon; kundi ang Ephraim ay babalik sa Egipto, at sila'y magsisikain ng maruming pagkain sa Asiria.

Hindi nila ipagbubuhos ng alak ang Panginoon, ni makalulugod man sa kaniya: ang kanilang mga hain ay magiging sa kanila'y parang tinapay ng nangagluksa; lahat ng magsikain niyaon ay mangapapahamak; sapagka't ang kanilang tinapay ay parang sa kanilang ipagkakagana; hindi papasok sa bahay ng Panginoon.

Ano ang inyong gagawin sa kaarawan ng takdang kapulungan, at sa kaarawan ng kapistahan ng Panginoon?

Sapagka't, narito, sila'y nagsialis sa kagibaan, gayon ma'y pipisanin sila ng Egipto, sila'y ililibing ng Memphis; ang kanilang maligayang mga bagay na pilak ay aariin ng dawag; mga tinik ang sasa kanilang mga tolda.

Ang mga kaarawan ng pagdalaw ay dumating, ang mga kaarawan ng kagantihan ay dumating; malalaman ng Israel: ang propeta ay mangmang, ang lalake na may espiritu ay ulol, dahil sa karamihan ng iyong kasamaan, at sapagka't ang poot ay malaki.

Ang Ephraim ay bantay na kasama ng aking Dios: tungkol sa propeta, ay silo ng manghuhuli sa lahat ng kaniyang lansangan, at pagkakaalit ay nasa bahay ng kaniyang Dios.

Sila'y nangagpapahamak na mainam, na gaya ng mga kaarawan ng Gabaa: kaniyang aalalahanin ang kanilang kasamaan, kaniyang dadalawin ang kanilang mga kasalanan.

10 Aking nasumpungan ang Israel na parang ubas sa ilang; aking nakita ang inyong mga magulang na parang unang bunga sa puno ng higos sa kaniyang unang kapanahunan: nguni't sila'y nagsiparoon kay Baalpeor, at nangagsitalaga sa mahalay na bagay, at naging kasuklamsuklam na gaya ng kanilang iniibig.

11 Tungkol sa Ephraim, ang kanilang kaluwalhatian ay lilipad na parang ibon; mawawalan ng panganganak, at walang magdadalang tao, at walang paglilihi.

12 Bagaman kanilang pinalalaki ang kanilang mga anak, gayon ma'y aking babawaan sila, na walang tao; oo, sa aba nila pagka ako'y humiwalay sa kanila!

13 Ang Ephraim, gaya ng aking makita ang Tiro, ay natatanim sa isang masayang dako: nguni't ilalabas ng Ephraim ang kaniyang mga anak sa tagapatay.

14 Bigyan mo sila, Oh Panginoon-anong iyong ibibigay? bigyan mo sila ng mga bahay-batang maaagasan at mga tuyong suso.

15 Lahat nilang kasamaan ay nasa Gilgal; sapagka't doo'y kinapootan ko sila; dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa, akin silang palalayasin sa aking bahay; hindi ko na sila iibigin; lahat nilang prinsipe ay mapagsalangsang.

16 Ang Ephraim ay nasaktan, ang kaniyang ugat ay natuyo, sila'y hindi mangagbubunga: oo, bagaman sila'y nanganak, gayon ma'y aking papatayin ang minamahal na bunga ng kanilang bahay-bata.

17 Itatakuwil sila ng aking Dios, sapagka't hindi nila dininig siya; at sila'y magiging mga gala sa gitna ng mga bansa.

Awit 126-128

126 Nang dalhin muli ng Panginoon yaong nangagbalik sa Sion, tayo ay gaya niyaong nangananaginip.

Nang magkagayo'y napuno ang bibig natin ng pagtawa, at ang dila natin ng awit: nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa, Ginawan sila ng Panginoon ng mga dakilang bagay.

Ginawan tayo ng Panginoon ng mga dakilang bagay; na siyang ating ikinatutuwa.

Papanumbalikin mo uli ang aming nangabihag, Oh Panginoon, na gaya ng mga batis sa Timugan.

Sila na nagsisipaghasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan.

Siyang lumalabas at umiiyak, na nagdadala ng binhing itatanim; siya'y di sasalang babalik na may kagalakan, na dala ang kaniyang mga tangkas.

127 Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo: malibang ingatan ng Panginoon ang bayan, walang kabuluhang gumigising ang bantay.

Walang kabuluhan sa inyo na kayo'y magsibangong maaga, at magpahingang tanghali, at magsikain ng tinapay ng kapagalan: sapagka't binibigyan niyang gayon ng pagkakatulog ang kaniyang minamahal.

Narito, ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon: at ang bunga ng bahay-bata ay kaniyang ganting-pala.

Kung paano ang mga pana sa kamay ng makapangyarihang lalake, gayon ang mga anak ng kabataan.

Maginhawa ang lalake na pumuno ng kaniyang lalagyan ng pana ng mga yaon: sila'y hindi mapapahiya, pagka sila'y nakikipagsalitaan sa kanilang mga kaaway sa pintuang-bayan.

128 Mapalad ang bawa't isa na natatakot sa Panginoon, na lumalakad sa kaniyang mga daan.

Sapagka't iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay: magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo.

Ang asawa mo'y magiging parang mabungang puno ng ubas, sa mga pinakaloob ng iyong bahay: ang mga anak mo'y parang mga puno ng olibo, sa palibot ng iyong dulang.

Narito, na ganito nawa pagpalain ang tao, na natatakot sa Panginoon.

Pagpapalain ka ng Panginoon mula sa Sion: at iyong makikita ang buti ng Jerusalem sa lahat na kaarawan ng iyong buhay.

Oo, iyong makikita ang mga anak ng iyong mga anak. Kapayapaan nawa'y suma Israel.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain