Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Mga Hari 4

Sumigaw nga kay Eliseo ang isang babae na isa sa mga asawa ng mga anak ng mga propeta, na nagsasabi, Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na: at iyong talastas na ang iyong lingkod ay natakot sa Panginoon: at ang pinagkautangan ay naparito upang kuning alipinin niya ang aking dalawang anak.

At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Anong gagawin ko sa iyo? saysayin mo sa akin; anong mayroon ka sa bahay? At sinabi niya, Ang iyong lingkod ay walang anomang bagay sa bahay liban sa isang palyok na langis.

Nang magkagayo'y sinabi niya, Ikaw ay yumaon, manghiram ka ng mga sisidlan sa labas sa lahat ng iyong mga kapitbahay, sa makatuwid baga'y ng mga walang lamang sisidlan; huwag kang manghiram ng kaunti.

At ikaw ay papasok, at ikaw at ang iyong mga anak ay magsasara ng pintuan, at iyong ibubuhos ang langis sa lahat ng sisidlang yaon; at iyong itatabi ang mapuno.

Sa gayo'y nilisan niya siya, at siya at ang kaniyang mga anak ay nagsara ng pintuan; kanilang dinala ang mga sisidlan sa kaniya, at kaniyang pinagbuhusan.

At nangyari, nang mapuno ang mga sisidlan, na kaniyang sinabi sa kaniyang anak, Dalhan mo pa ako ng isang sisidlan. At sinabi niya sa kaniya: Wala pang sisidlan. At ang langis ay tumigil.

Nang magkagayo'y naparoon siya, at kaniyang isinaysay sa lalake ng Dios. At kaniyang sinabi, ikaw ay yumaon, ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong utang, at mabuhay ka at ang iyong mga anak sa nalabi.

At nangyari, isang araw na si Eliseo ay nagdaan sa Sunem, na kinaroroonan ng isang dakilang babae; at pinilit siya niya na kumain ng tinapay. At nagkagayon, na sa tuwing siya'y daraan doon ay lumiliko roon upang kumain ng tinapay.

At sinabi niya sa kaniyang asawa, Narito ngayon, aking nahahalata na ito'y isang banal na lalake ng Dios na nagdadaan sa ating palagi.

10 Isinasamo ko sa iyo na tayo'y gumawa ng isang maliit na silid sa pader; at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, at ng isang dulang, at ng isang upuan, at ng isang kandelero: at mangyayari, pagka siya'y dumarating sa atin, na siya'y papasok doon.

11 At nangyari, isang araw, na siya'y dumating doon, at siya'y lumiko na pumasok sa silid, at nahiga roon.

12 At sinabi niya kay Giezi na kaniyang lingkod, Tawagin mo ang Sunamitang ito. At nang matawag niya, siya'y tumayo sa harap niya.

13 At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo ngayon sa kaniya, Narito, ikaw ay naging maingat sa amin ng buong pagiingat na ito; ano nga ang magagawa sa iyo? ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong kawal ng hukbo? At siya'y sumagot, Ako'y tumatahan sa gitna ng aking sariling bayan.

14 At kaniyang sinabi, Ano nga ang magagawa sa kaniya? At sumagot si Giezi. Katotohanang siya'y walang anak, at ang kaniyang asawa ay matanda na.

15 At kaniyang sinabi, Tawagin siya. At nang kaniyang tawagin siya, siya'y tumayo sa pintuan.

16 At kaniyang sinabi, Sa panahong ito, pagpihit ng panahon, ikaw ang kakalong ng isang anak na lalake. At kaniyang sinabi, Hindi panginoon ko, ikaw na lalake ng Dios huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.

17 At ang babae ay naglihi, at nanganak ng isang lalake nang panahong yaon, nang ang panahon ay makapihit gaya ng sinabi ni Eliseo sa kaniya.

18 At nang lumaki ang bata ay nangyari, isang araw, nang siya'y umalis na patungo sa kaniyang ama, sa mga manggagapas.

19 At kaniyang sinabi sa kaniyang ama, Ulo ko, ulo ko. At sinabi niya sa kaniyang bataan, Dalhin mo siya sa kaniyang ina.

20 At nang kaniyang makuha siya at dalhin siya sa kaniyang ina, siya'y umupo sa kaniyang tuhod hanggang sa katanghaliang tapat, at nang magkagayo'y namatay.

21 At siya'y pumanhik at inihiga siya sa higaan ng lalake ng Dios, at pinagsarhan niya ng pintuan siya, at lumabas.

22 At kaniyang dinaingan ang kaniyang asawa, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong suguin sa akin ang isa sa iyong mga bataan, at ang isa sa mga asno, upang aking takbuhin ang lalake ng Dios, at bumalik uli.

23 At kaniyang sinabi, Bakit paroroon ka sa kaniya ngayon? hindi bagong buwan o sabbath man. At kaniyang sinabi, Magiging mabuti.

24 Nang magkagayo'y siniyahan niya ang isang asno, at nagsabi sa kaniyang bataan, Ikaw ay magpatakbo, at magpatuloy; huwag mong pahinain ang pagpapatakbo sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.

25 Sa gayo'y yumaon siya at naparoon sa lalake ng Dios sa bundok ng Carmelo. At nangyari, nang makita siya ng lalake ng Dios sa malayo, na kaniyang sinabi kay Giezi na kaniyang lingkod, Narito, nandoon ang Sunamita:

26 Tumakbo ka, isinasamo ko sa iyo ngayon, na salubungin siya, at iyong sabihin sa kaniya, Mabuti ka ba? mabuti ba ang iyong asawa? mabuti ba ang bata? At siya'y sumagot, Mabuti.

27 At nang siya'y dumating sa lalake ng Dios sa burol, siya'y humawak sa kaniyang mga paa. At lumapit si Giezi upang ihiwalay siya; nguni't sinabi ng lalake ng Dios: Bayaan siya; sapagka't siya'y namamanglaw; at inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi isinaysay sa akin.

28 Nang magkagayo'y sinabi niya, Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?

29 Nang magkagayo'y sinabi niya kay Giezi, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at tangnan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at yumaon ka ng iyong lakad: kung ikaw ay makasasalubong ng sinomang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinoman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin: at ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.

30 At sinabi ng ina ng bata, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At siya'y tumindig, at sumunod sa kaniya.

31 At si Giezi ay nagpauna sa kanila, at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; nguni't wala kahit tinig, o pakinig man. Kaya't siya'y bumalik na sinalubong siya, at nagsaysay sa kaniya, na nagsabi, Ang bata'y hindi magising.

32 At nang si Eliseo ay dumating sa bahay, narito, ang bata'y patay, at nakahiga sa kaniyang higaan.

33 Siya'y pumasok nga at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at dumalangin sa Panginoon.

34 At siya'y sumampa, at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kaniyang bibig sa bibig niya, at ang kaniyang mga mata sa mga mata niya, at ang kaniyang mga kamay sa mga kamay niya: at siya'y dumapa sa kaniya; at ang laman ng bata ay uminit.

35 Nang magkagayo'y bumalik siya, at lumakad sa bahay na paroo't parito na minsan; at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya: at ang bata'y nagbahing makapito, at idinilat ng bata ang kaniyang mga mata.

36 At tinawag niya si Giezi, at sinabi, Tawagin mo ang Sunamitang ito. Sa gayo'y tinawag niya siya. At nang siya'y pumaroon sa kaniya, sinabi niya, Kalungin mo ang iyong anak.

37 Nang magkagayo'y pumasok siya at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at yumukod sa lupa; at kinalong niya ang kaniyang anak, at umalis.

38 At si Eliseo ay bumalik sa Gilgal: at may kagutom sa lupain; at ang mga anak ng mga propeta ay nangakaupo sa harap niya: at sinabi niya sa kaniyang lingkod: Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng lutuin ang mga anak ng mga propeta.

39 At ang isa ay lumabas sa bukid upang manguha ng mga gugulayin, at nakasumpong ng isang baging gubat, at namitas doon ng mga kalabasang gubat na ang kaniyang kandungan ay napuno, at bumalik at pinagputolputol sa palayok ng lutuin: sapagka't hindi nila nalalaman.

40 Sa gayo'y kanilang ibinuhos para sa mga tao upang kanin. At nangyari, samantalang sila'y nagsisikain ng lutuin, na sila'y nagsisigaw, at nagsipagsabi, Oh lalake ng Dios, may kamatayan sa palayok. At hindi nakain yaon.

41 Nguni't kaniyang sinabi, Magdala nga rito ng harina. At kaniyang isinilid sa palayok; at kaniyang sinabi, Ibuhos ninyo para sa bayan, upang sila'y makakain. At wala nang makasasama sa palayok.

42 At dumating ang isang lalake na mula sa Baal-salisa, at nagdala sa lalake ng Dios ng tinapay ng mga unang bunga, na dalawang pung tinapay na sebada, at mga murang uhay ng trigo na nangasa kaniyang bayong. At kaniyang sinabi, Ibigay mo sa bayan, upang kanilang makain.

43 At sinabi ng kaniyang lingkod: Ano, ilalapag ko ba ito sa harap ng isang daang tao? Nguni't kaniyang sinabi, Ibigay sa bayan upang kanilang makain; sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Sila'y kakain, at magtitira niyaon.

44 Sa gayo'y inilapag niya sa harap nila, at sila'y nagsikain, at nagsipagtira niyaon, ayon sa salita ng Panginoon.

1 Timoteo 1

Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pagasa;

Kay Timoteo na aking tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, kahabagan, at kapayapaan nawang mula sa Dios na Ama at kay Jesucristo na Panginoon natin.

Kung paanong ipinamanhik ko sa iyo na ikaw ay matira sa Efeso, nang pumaparoon ako sa Macedonia, upang maipagbilin mo sa ilang tao na huwag magsipagturo ng ibang aral,

Ni huwag makinig sa mga katha at sa mga kasaysayan ng mga lahi na walang katapusan, na pinanggagalingan ng pagtatalo, at hindi ng pagkakatiwalang mula sa Dios na nasa pananampalataya; ay gayon din ang ipinamamanhik ko ngayon.

Nguni't ang kinauuwian ng bilin ay ang pagibig na nagbubuhat sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi paimbabaw:

Na pagkasinsay ng iba sa mga bagay na ito ay nagsibaling sa walang kabuluhang pananalita;

Na nagsisipagnasang maging mga guro ng kautusan, bagaman di nila natatalastas kahit ang kanilang sinasabi, kahit ang kanilang buong tiwalang pinatutunayan.

Datapuwa't nalalaman natin na ang kautusan ay mabuti, kung ginagamit ng tao sa matuwid,

Yamang nalalaman ito, na ang kautusan ay hindi ginawa dahil sa taong matuwid, kundi sa mga walang kautusan at manggugulo, dahil sa masasama at mga makasalanan, dahil sa mga di banal at mapaglapastangan, dahil sa nagsisipatay sa ama at sa nagsisipatay sa ina, dahil sa mga mamamatay-tao,

10 Dahil sa mga nakikiapid, dahil sa mga mapakiapid sa kapuwa lalake, dahil sa mga nagnanakaw ng tao, dahil sa mga bulaan, dahil sa mga mapagsumpa ng kabulaanan, at kung mayroon pang ibang bagay laban sa mabuting aral;

11 Ayon sa evangelio ng kaluwalhatian ng mapagpalang Dios, na ipinagkatiwala sa akin.

12 Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka't ako'y inari niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kaniya;

13 Bagaman nang una ako'y naging mamumusong, at manguusig; at mangaalipusta: gayon ma'y kinahabagan ako, sapagka't yao'y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya;

14 At totoong sumagana ang biyaya ng ating Panginoon na nasa pananampalataya at pagibig na pawang kay Cristo Jesus.

15 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito;

16 Gayon ma'y dahil dito, kinahabagan ako, upang sa akin na pangulong makasalanan, ay maipahayag ni Jesucristo ang buong pagpapahinuhod niya, na halimbawa sa mga magsisisampalataya sa kaniya, sa ikabubuhay na walang hanggan.

17 Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.

18 Ang biling ito ay ipinagtatagubilin ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga hula na nangauna tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka;

19 Na ingatan mo ang pananampalataya at ang mabuting budhi; na nang ito'y itakuwil ng iba sa kanila ay nangabagbag tungkol sa pananampalataya:

20 Na sa mga ito'y si Himeneo at si Alejandro; na sila'y aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag mamusong.

Daniel 8

Nang ikatlong taon ng paghahari ng haring Belsasar, ang isang pangitain ay napakita sa akin, sa aking si Daniel, pagkatapos noong napakita sa akin nang una.

At ako'y may nakita sa pangitain: nangyari nga, na nang aking makita, nasa Susan ako na palacio, na nasa lalawigan ng Elam; at ako'y may nakita sa pangitain, at ako'y nasa tabi ng ilog Ulai.

Nang magkagayo'y itiningin ko ang aking mga mata, at ako'y may nakita, at narito, tumayo sa harap ng ilog ang isang lalaking tupa na may dalawang sungay: at ang dalawang sungay ay mataas; nguni't ang isa'y lalong mataas kay sa isa, at ang lalong mataas ay tumaas na huli.

Aking nakita ang lalaking tupa na nanunudlong sa dakong kalunuran, at sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan; at walang hayop na makatayo sa harap niya, ni wala sinoman na makapagligtas mula sa kaniyang kamay; kundi kaniyang ginawa ang ayon sa kaniyang kalooban, at nagmalaking mainam.

At habang aking ginugunita, narito, isang kambing na lalake ay nagmula sa kalunuran sa ibabaw ng buong lupa, at hindi sumayad sa lupa: at ang lalaking kambing ay may nakagitaw na sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata.

At siya'y naparoon sa lalaking tupa na may dalawang sungay na aking nakitang nakatayo sa harap ng ilog, at tinakbo niya siya sa kabangisan ng kaniyang kapangyarihan.

At aking nakitang siya'y lumapit sa lalaking tupa, at siya'y nakilos ng pagkagalit laban sa kaniya, at sinaktan ang tupa, at binali ang kaniyang dalawang sungay: at ang lalaking tupa ay walang kapangyarihang makatayo sa harap niya; kundi kaniyang ibinuwal sa lupa, at kaniyang niyapakan siya; at walang makapagligtas sa lalaking tupa mula sa kaniyang kamay.

At ang lalaking kambing ay nagmalaking mainam: at nang siya'y lumakas, ang malaking sungay ay nabali; at kahalili niyao'y lumitaw ang apat na marangal na sungay, sa dako ng apat na hangin ng langit.

At mula sa isa sa mga yaon ay lumitaw ang isang maliit na sungay na dumakilang totoo, sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at sa dakong maluwalhating lupain.

10 At lumaking mainam, hanggang sa hukbo sa langit; at ang ilan sa hukbo at sa mga bituin ay iniwaksi sa lupa, at mga niyapakan yaon.

11 Oo, nagmalaki, hanggang sa prinsipe ng hukbo; at inalis niya sa kaniya ang palaging handog na susunugin, at ang dako ng kaniyang santuario ay ibinagsak.

12 At ang hukbo ay nabigay sa kaniya na kasama ng palaging handog na susunugin dahil sa pagsalangsang; at kaniyang iniwaksi ang katotohanan sa lupa, at gumawa ng kaniyang maibigan at guminhawa.

13 Nang magkagayo'y narinig ko ang isang banal na nagsalita; at ibang banal ay nagsabi sa isang yaon na nagsalita, Hanggang kailan magtatagal ang pangitain tungkol sa palaging handog na susunugin, at ang pagsalangsang na sumisira, upang magbigay ng santuario at ng hukbo upang mayapakan ng paa?

14 At sinabi niya sa akin, Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; kung magkagayo'y malilinis ang santuario.

15 At nangyari, nang ako, sa makatuwid baga'y akong si Daniel, ay makakita ng pangitain, na aking pinagsikapang maunawaan; at, narito, nakatayo sa harap ko ang isang kawangis ng isang tao.

16 At narinig ko ang tinig ng isang tao sa pagitan ng mga pangpang ng Ulai, na tumatawag at nagsasabi, Gabriel, ipaaninaw mo sa taong ito ang pangitain.

17 Sa gayo'y lumapit siya sa kinatatayuan ko; at nang siya'y lumapit, ako'y natakot at napasubasob: nguni't sinabi niya sa akin, Talastasin mo, Oh anak ng tao; sapagka't ang pangitain ay ukol sa panahon ng kawakasan.

18 Samantalang siya nga'y nagsasalita sa akin, ako'y nagupiling sa isang mahimbing na pagkakatulog na padapa; nguni't hinipo niya ako, at itinayo ako.

19 At kaniyang sinabi, Narito, aking ipaaaninaw sa iyo kung ano ang mangyayari sa huling panahon ng pagkagalit; sapagka't ukol sa takdang panahon ng kawakasan.

20 Ang lalaking tupa na iyong nakita, na may dalawang sungay, ang mga yaon ang mga hari sa Media at Persia.

21 At ang may magaspang na balahibo na lalaking kambing ay siyang hari sa Grecia: at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kaniyang mga mata ay siyang unang hari.

22 At tungkol sa nabali, sa dakong tinayuan ng apat, ay apat na kaharian ang magsisibangon mula sa bansa, nguni't hindi sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.

23 At sa huling panahon ng kanilang kaharian, pagka ang mananalangsang ay nagsidating sa kapuspusan, isang hari ay babangon na may mabagsik na pagmumukha, at nakaunawa ng malabong salita.

24 At ang kaniyang kapangyarihan ay magiging dakila, nguni't hindi sa pamamagitan ng kaniyang sariling kapangyarihan; at siya'y lilipol na kamanghamangha, at giginhawa, at gagawa ng kaniyang maibigan; at kaniyang lilipulin ang mga makapangyarihan at ang banal na bayan.

25 At sa kaniyang paraan ay kaniyang palulusugin ang pagdaraya sa kaniyang kamay; at siya'y magmamalaki ng kaniyang loob, at sa kanilang ikatitiwasay ay papatay ng marami: siya'y tatayo rin laban sa prinsipe ng mga prinsipe; nguni't siya'y mabubuwal hindi ng kamay.

26 At ang pangitain sa mga hapon at mga umaga na nasaysay ay tunay: nguni't ilihim mo ang pangitain; sapagka't ukol sa maraming araw na darating.

27 At akong si Daniel ay nanglupaypay, at nagkasakit na ilang araw; nang magkagayon ako'y nagbangon, at ginawa ko ang mga gawain ng hari: at ako'y natigilan sa pangitain, nguni't walang nakakaunawa.

Awit 116

116 Aking iniibig ang Panginoon, sapagka't kaniyang dininig ang aking tinig at aking mga hiling.

Sapagka't kaniyang ikiniling ang kaniyang pakinig sa akin, kaya't ako'y tatawag sa kaniya habang ako'y nabubuhay.

Ang tali ng kamatayan ay pumulupot sa akin, at ang mga sakit ng Sheol ay nagsihawak sa akin: aking nasumpungan ang kabagabagan at kapanglawan.

Nang magkagayo'y tumawag ako sa pangalan ng Panginoon; Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang aking kaluluwa.

Mapagbiyaya ang Panginoon, at matuwid; Oo, ang Dios namin ay maawain.

Pinalalagi ng Panginoon ang mga tapat na loob: ako'y nababa, at kaniyang iniligtas ako.

Bumalik ka sa iyong kapahingahan, Oh kaluluwa ko; sapagka't ginawan ka ng mabuti ng Panginoon.

Sapagka't iyong iniligtas ang kaluluwa ko sa kamatayan, at ang mga mata ko sa mga luha, at ang mga paa ko sa pagkabuwal.

Ako'y lalakad sa harap ng Panginoon, sa lupain ng mga buhay.

10 Ako'y sumasampalataya, sapagka't ako'y magsasalita: ako'y lubhang nagdalamhati:

11 Aking sinabi sa aking pagmamadali, lahat ng tao ay bulaan.

12 Ano ang aking ibabayad sa Panginoon dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin?

13 Aking kukunin ang saro ng kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon.

14 Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan.

15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kaniyang mga banal.

16 Oh Panginoon, tunay na ako'y iyong lingkod; ako'y iyong lingkod, na anak ng iyong lingkod na babae; iyong kinalag ang aking mga tali.

17 Aking ihahandog sa iyo ang hain na pasalamat, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon.

18 Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan;

19 Sa mga looban ng bahay ng Panginoon, sa gitna mo, Oh Jerusalem. Purihin ninyo ang Panginoon.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain