M’Cheyne Bible Reading Plan
Nalaman ni David ang tungkol sa Kamatayan ni Saul
1 Pagkamatay ni Saul, nang bumalik na si David mula sa pagpatay sa mga Amalekita, nanatili si David ng dalawang araw sa Siclag.
2 At nangyari, nang ikatlong araw na, may isang lalaking lumabas sa kampo mula kay Saul na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo. Kaya nga nang dumating siya kay David, siya ay nagpatirapa sa lupa at nagbigay-galang.
3 Sinabi ni David sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At kanyang sinabi sa kanya, “Nakatakas ako mula sa kampo ng Israel.”
4 Sinabi ni David sa kanya, “Ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” At siya'y sumagot, “Ang taong-bayan ay tumakas sa labanan, at marami sa mga tao ay nabuwal at namatay, si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na rin.”
5 At sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Paano mo nalaman na si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na?”
6 Sinabi(A) ng binatang nagbalita sa kanya, “Nagkataong ako ay nasa bundok ng Gilboa at naroroon si Saul na nakasubsob sa kanyang sibat samantalang papalapit sa kanya ang mga karwahe at mga mangangabayo.
7 Nang siya'y lumingon, nakita niya ako. Tinawag niya ako, at ako'y sumagot, ‘Narito ako.’
8 Sinabi niya sa akin, ‘Sino ka?’ Ako'y sumagot sa kanya, ‘Ako'y isang Amalekita.’
9 At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka sa tabi ko, ipinapakiusap ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil hirap na hirap na ako, ngunit ako'y buháy pa.’[a]
10 Kaya't tumayo ako sa tabi niya at pinatay ko siya, sapagkat nakakatiyak ako na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal. At kinuha ko ang korona na nasa kanyang ulo at ang pulseras na nasa kanyang kamay, at dinala ko rito sa aking panginoon.”
11 Nang magkagayo'y hinawakan ni David ang kanyang kasuotan at pinunit iyon; gayundin ang ginawa ng lahat ng mga lalaking kasama niya.
12 Sila'y nagluksa, umiyak, at nag-ayuno hanggang sa paglubog ng araw dahil kay Saul at kay Jonathan na kanyang anak, dahil sa bayan ng Panginoon, at sa sambahayan ng Israel, sapagkat sila'y namatay sa pamamagitan ng tabak.
13 Sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” At siya'y sumagot, “Ako'y anak ng isang dayuhan, isang Amalekita.”
14 Sinabi ni David sa kanya, “Bakit hindi ka natakot na magbuhat ng iyong kamay upang patayin ang hinirang[b] ng Panginoon?”
15 At tinawag ni David ang isa sa mga kabataan at sinabi, “Pumarito ka at patayin mo siya.” At kanyang tinaga siya na kanyang ikinamatay.
16 Sinabi ni David sa kanya, “Ang iyong dugo ay mapasaiyong ulo sapagkat ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, ‘Aking pinatay ang hinirang ng Panginoon.’”
Ang Panaghoy ni David para kina Saul at Jonathan
17 Tinangisan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kanyang anak,
18 at(B) sinabi niyang ito ay dapat ituro sa mga mamamayan ng Juda; nasusulat sa Aklat ni Jaser.[c] Sinabi niya:
19 “Ang iyong kaluwalhatian, O Israel ay pinatay sa iyong matataas na dako!
Paano nabuwal ang magigiting!
20 Huwag ninyong sabihin sa Gat,
huwag ninyong ibalita sa mga lansangan ng Ascalon;
baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay magalak,
baka ang mga anak na babae ng mga di-tuli ay magsaya.
21 “Kayong mga bundok ng Gilboa,
huwag magkaroon ng hamog, o ulan sa inyo,
kahit masasaganang bukid,
sapagkat doon ang kalasag ng magiting ay narumihan,
ang kalasag ni Saul na hindi binuhusan ng langis.
22 “Mula sa dugo ng pinatay,
mula sa taba ng magiting,
ang busog ni Jonathan ay hindi umurong,
ang tabak ni Saul ay hindi bumalik nang walang laman.
23 “Sina Saul at Jonathan, minamahal at kaibig-ibig!
Sa buhay at sa kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay;
sila'y higit na maliliksi kaysa mga agila,
sila'y higit na malalakas kaysa mga leon.
24 “Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul,
na sa inyo'y nagbihis ng matingkad na pula,
na siyang naglagay ng palamuting ginto sa inyong mga kasuotan.
25 “Paano nabuwal ang magigiting
sa gitna ng labanan!
“Si Jonathan ay patay na nakabulagta sa iyong matataas na dako.
26 Ako'y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan;
ikaw ay naging kalugud-lugod sa akin;
ang iyong pagmamahal sa akin ay kahanga-hanga,
higit pa sa pagmamahal ng mga babae.
27 “Paano nabuwal ang magigiting,
at nasira ang mga sandatang pandigma!”
Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko nais na wala kayong alam tungkol sa mga kaloob na espirituwal.
2 Alam ninyo na nang kayo'y mga pagano pa, inakit at iniligaw kayo sa mga diyus-diyosan na hindi makapagsalita.
3 Kaya't nais kong maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4 May(A) iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu.
5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon.
6 May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7 Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat.
8 Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu,
9 sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu.
10 Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
11 Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.
Iisang Katawan—Maraming Bahagi
12 Sapagkat(B) kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo.
13 Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14 Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy.
18 Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya.
19 At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan?
20 Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan.
21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.”
22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan.
23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiyahiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan,
24 na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan;
25 upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa.
26 Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa'y mga bahagi.
28 At(C) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga gumagawa ng himala, saka mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang uri ng wika.
29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala?
30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng mga wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag?
31 Subalit pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing.
Iniwan ng Kaluwalhatian ng Diyos ang Templo
10 Nang(A) magkagayo'y tumingin ako, at narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin ay may nagpakita na parang isang batong zafiro, na ang anyo ay parang isang trono.
2 Sinabi(B) niya sa lalaki na nakadamit ng telang lino, “Pumasok ka sa pagitan ng umiikot na mga gulong sa ilalim ng kerubin. Punuin mo ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa buong lunsod.” At umalis siya sa harapan ko.
3 Ang mga kerubin ay nakatayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalaki ay pumasok; at pinuno ng ulap ang loob ng bulwagan.
4 Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa kerubin hanggang sa pintuan ng bahay. Ang bahay ay napuno ng ulap, at ang bulwagan ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng Panginoon.
5 At ang tunog ng pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa labas ng bulwagan, na gaya ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat kapag siya'y nagsasalita.
6 Nang kanyang utusan ang lalaking nakadamit ng telang lino, “Kumuha ka ng apoy sa pagitan ng umiikot na mga gulong, sa pagitan ng mga kerubin,” siya'y pumasok at tumayo sa tabi ng isang gulong.
7 Iniunat ng isang kerubin ang kanyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, kumuha niyon, at inilagay sa mga kamay ng nakadamit ng telang lino na kumuha niyon at lumabas.
8 Ang kerubin ay may anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.
9 Ako'y(C) tumingin, at narito, may apat na gulong sa tabi ng mga kerubin, isa sa bawat tabi ng isang kerubin, at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berilo.
10 Tungkol sa kanilang anyo, ang apat ay magkakawangis na para bang isang gulong na nasa loob ng isang gulong.
11 Kapag ang mga ito'y umiikot, umiikot sila sa alinman sa apat na dako na hindi nagsisipihit habang umiikot, kundi saanmang panig humarap ang gulong sa harap, sumusunod ang iba na hindi pumipihit habang umiikot.
12 Ang(D) kanilang buong katawan, at ang kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak at ang kanilang mga gulong ay punô ng mga mata sa palibot.
13 Tungkol sa mga gulong, tinawag sila sa aking pandinig, “ang umiikot na mga gulong.”
14 Bawat(E) isa'y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang agila.
15 At ang mga kerubin ay pumaitaas. Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar.
16 Kapag kumilos ang mga kerubin, ang mga gulong ay gumagalaw na katabi nila; at kapag itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang pumaitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi pumihit sa tabi nila.
17 Kapag ang mga kerubin ay nakahinto, ang mga gulong ay humihinto, at kapag sila'y pumapaitaas, ang mga gulong ay pumapaitaas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga iyon.
18 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at tumayo sa ibabaw ng mga kerubin.
19 Itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at lumipad mula sa lupa sa aking paningin habang sila'y humahayong kasama ng mga gulong sa tabi nila. At sila'y tumayo sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila.
20 Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa ilalim ng Diyos ng Israel sa baybayin ng Ilog Chebar; at nalaman ko na sila'y mga kerubin.
21 Bawat isa'y may apat na mukha at apat na pakpak; at ang anyo ng mga kamay ng tao ay nasa ilalim ng kanilang mga pakpak.
22 Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ito rin ang mga mukha na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar. Bawat isa'y nagpatuloy sa paglakad.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
2 maging mababa at mataas,
mayaman at dukha na magkakasama!
3 Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
4 Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.
5 Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
6 mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
7 Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
8 Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
at dapat siyang huminto magpakailanman,
9 na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
na siya'y huwag makakita ng kabulukan.
10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.
13 Ito ang daan noong mga hangal,
at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)
14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
at ang kanilang anyo ay maaagnas;
ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)
16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
ay gaya ng mga hayop na namamatay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001