M’Cheyne Bible Reading Plan
Ipinatawag ni Cornelio si Pedro
10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio. Siya ay kapitan ng tinatawag na balangay ng mga taga-Italia.
2 Siya ay isang taong palasamba at may takot sa Diyos kasama ng kaniyang sambahayan. Marami siyang pagkakaloob sa mga kahabag-habag at laging nananalanging sa Diyos para sa iba. 3 Isang araw, nang ikasiyam pa lamang ang oras, maliwanag siyang nakakita ng isang pangitain. Nakita niya ang anghel ng Diyos na papalapit sa kaniya. Sinabi nito sa kaniya: Cornelio.
4 Siya ay tumitig sa kaniya at sa takot ay sinabi niya sa kaniya: Ano iyon, Panginoon?
Sinabi niya sa kaniya: Ang iyong mga pananalangin atmga pagkakaloob sa mga kahabag-habag ay pumailanglang na isang alaala sa harap ng Diyos.
5 Magsugo ka ng mga tao ngayon sa Jope. Ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 6 Siya ay nanunuluyan sa isang taong nagngangalang Simonna mangungulti ng balat ng hayop. Ang kaniyang bahay aynasa tabing dagat. Sasabihin ni Pedro sa iyo ang dapat mong gawin.
7 Nang umalis ang anghel na nagsalita kay Cornelio, tumawag siya ng dalawa sa kaniyang mga katulong. Tumawag din siya ng isang kawal niya na palasamba sa Diyos napatuloy na naglilingkod sa kaniya. 8 Nang maisaysay na sa kanila ni Cornelio ang lahat ng mga bagay, sila ay isinugo niya sa Jope.
Ang Pangitain ni Pedro
9 Kinabukasan, habang naglalakbay sila at papalapit na sa lungsod, si Pedro ay umakyat sa bubong ng bahay upang manalangin. Noon ay ikaanim na ang oras.
10 Siya ay nagutom at ibig na niyang kumain. Ngunit samantalang sila ay naghahanda, sa kaniyang kalalagayang tulad ng nananaginip, isang pangitain ang bumaba sa kaniya. 11 Nakita niyang bukas ang langit at may isang kagamitang bumababa sa kaniya. Ito ay gaya ng isang malapad na kumot na nakabuhol ang apat na sulok na bumababa sa lupa. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa. Naroon din ang mababangis na hayop at ang mga gumagapang sa lupa. Naroon din ang mga ibon sa himpapawid. 13 Dumating sa kaniya ang isang tinig: Tumindig ka Pedro. Kumatay ka at kumain.
14 Ngunit sinabi ni Pedro: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay hindi ako kumain ng anumang bagay na pangkaraniwan at marumi.
15 Muli niyang narinig ang tinig sa ikalawang pagkakataon: Anumang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan.
16 Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak sa langit ang sisidlan.
17 Totoong nalito si Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitain na nakita niya. Narito, nang mga sandaling iyon ay naipagtanong na ng mga taong sinugo ni Cornelio kung saan ang bahay ni Simon. Sila ay tumayo sa tarangkahan. 18 Sila ay tumawag at nagtanong kung si Simon na tinatawag na Pedro ay nanunuluyan doon.
19 Samantalang iniisip ni Pedro ang patungkol sa pangitain, sinabi sa kaniya ng Espiritu: Narito, hinahanap ka ng tatlong lalaki. 20 Subalit tumindig ka at bumaba ka at sumama ka sa kanila. Huwag ka nang mag-alinlangan pa sapagkat sila ay aking sinugo.
21 Nanaog si Pedro papunta sa mga lalaki na pinadala ni Cornelio sa kaniya. Sinabi niya: Narito, ako ang hinahanap ninyo. Bakit kayo naparito?
22 Sinabi nila: Si Cornelio ay isang kapitan ng isang balangay at taong matuwid at may takot sa Diyos. Siya ay may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio. Pinagtagubilinan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay papuntahin sa kaniyang bahay upang siya ay makarinig ng salita mula sa iyo. 23 Kaya sila ay pinapasok at binigyan ng matutuluyan.
Si Pedro sa Tahanan ni Cornelio
Kinabukasan, umalis si Pedro na kasama nila. Sila ay sinamahan ng ilang kapatid na lalaki mula sa Jope.
24 Kinabukasan dumating sila sa Cesarea. Sila ay hinihintay ni Cornelio. Tinipon niya ang kaniyang kamag-anakan at kaniyang mga matatalik na kaibigan. 25 Nangyari, na pagpasok ni Pedro ay sinalubong siya ni Cornelio. Nagpatirapa siya sa kaniyang paanan at siya ay sinamba. 26 Ngunit itinindig siya ni Pedro na sinasabi: Tumindig ka, ako ay tao rin naman.
27 Habang nag-uusap sila, pumasok siya at nakita niyang marami ang nagkakatipun-tipon. 28 Sinabi niya sa kanila: Alam ninyo na hindi ayon sa kautusan na ang Judio ay makisama o lumapit sa isang taga-ibang bansa. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na huwag kong tawaging pangkaraniwan o marungis ang sinuman. 29 Iyan ang dahilan kaya nang ako ay ipasundo mo, naparito akong hindi tumututol. Kaya nga, itinatanong ko sa inyo, sa anong kadahilanan ipinasundo mo ako?
30 Sinabi ni Cornelio: May apat na araw na hanggang sa oras na ito na ako ay nag-aayuno. Sa ikasiyam na oras sa aking bahay, sa aking pananalangin, at narito, isang lalaki ang tumindig sa harapan ko. Siya ay nakasuot ng maningning na damit. 31 Sinabi niya: Cornelio, dininig ang dalangin mo. Ang iyong mga pagkakaloob sa kahabag-habag ay inaalaala sa paningin ng Diyos. 32 Magsugo ka nga sa Jope, at anyayahan mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa bahay ni Simong mangungulti ng balat ng hayop. Ang bahay niya ay nasa tabing dagat. Pagdating niya ay magsasalita siya sa iyo. 33 Kaagad-agad nga ay nagpasugo ako sa iyo. Mabuti at naparito ka. Kaya nga, naririto kaming lahat sa paningin ng Diyos upang dinggin ang lahat ng bagay na ipinag-utos sa iyo ng Diyos.
34 Ibinukas ni Pedro ang kaniyang bibig at nagsabi: Totoo ngang naunawaan kong ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. 35 Subalit sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaniyang tinatanggap. 36 Alam ninyo ang salitang ipinadala ng Diyos sa mga anak ni Israel na naghahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya ay Panginoon ng lahat. 37 Ang pangyayaring ito ay naganap sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bawtismo na ipinangaral ni Juan. 38 Alam ninyo kung papaanong si Jesus, na taga-Nazaret ay pinahiran ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan. Siya ay naglilibot na gumagawa ng mabuti. Pinagaling niya ang lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo sapagkat sumasa kaniya ang Diyos.
39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Pinatay nila siya sa pamamagitan ng pagbitin sa kahoy. 40 Nang ikatlong araw siya ay muling binuhay ng Diyos at siya ay inihayag. 41 Inihayag siya hindi sa lahat ng mga tao kundi sa mga saksi na hinirang ng Diyos nang una. Ito ay sa amin na kasalo niyang kumain at uminom pagkatapos niyang bumangon mula sa mga patay. 42 Iniutos niya sa amin na mangaral sa mga tao at lubos na pinagpapatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta. Pinatotohanan nila na ang bawat sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.
44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig ng salita. 45 Ang lahat ng mga mananampalatayang nasa pagtutuli na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Banal na Espiritu. 46 Nalaman nila ito dahil narinig nila ang mga ito na nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos.
47 Nang magkagayon ay sumagot si Pedro: Maipagbabawal ba ng sinuman ang paggamit ng tubig upang mabawtismuhan itong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na gaya naman natin? 48 Inutusan niya sila na magpabawtismo sa pangalan ng Panginoon. Pagkatapos nito hiniling nila sa kaniya na manatili ng mga ilang araw.
Pinagaling ni Jesus ang Inalihan ng Demonyo
5 Dumating sila sa kabilang ibayo ng lawa sa lupain ng mga taga-Gadara.
2 Pagkababa ni Jesus mula sa bangka agad siyang sinalubong ng isang lalaking galing sa mga libingan na may karumal-dumal na espiritu. 3 Siya ay may tirahan sa mga libingan at walang makagapos sa kaniya kahit na sa pamamagitan ng mga tanikala. 4 Madalas siyang lagyan ng mga pangaw at tanikala ngunit nilalagot niya ang tanikala at pinagsisisira ng mga pangaw. Walang sinumang makapagpaamo sa kaniya. 5 Palagi siyang sumisigaw, araw at gabi, sa mga bundok at sa mga libingan at sinusugatan niya ng bato ang kaniyang sarili.
6 Subalit pagkakita niya kay Jesus mula sa malayo, siya ay tumakbo at sinamba niya si Jesus. 7 Sumigaw siya nang malakas: Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng kataas-taasang Diyos? Ipangako mo sa Diyos na huwag mo akong pahirapan! 8 Sapagkat sinabi sa kaniya ni Jesus: Lumabas ka sa taong iyan, karumal-dumal na espiritu!
9 Tinanong siya ni Jesus: Ano ang pangalan mo?
Siya ay sumagot: Ang pangalan ko ay Hukbo, sapagkat marami kami.
10 Nagmakaawa siya nang husto sa kaniya na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Doon sa may libis ng bundok ay mayroong isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. 12 Nagmakaawa ang lahat ng mga demonyo na nagsasabi: Papuntahin mo kami sa mga baboy upang sa kanila kami pumasok. 13 Kaagad silang pinayagan ni Jesus. Ang mga karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa lalaki at pumasok sa mga baboy at mabilis na tumakbong palusong tuloy-tuloy sa lawa. At lahat ay nalunod sa lawa. Ang kawan ng mga baboy ay halos dalawang libo ang bilang.
14 Ang mga nagpapakain ng mga baboy ay nagmamadaling tumakbo at ipinamalita ito sa lungsod at sa kabukiran. Pumunta roon ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari. 15 Lumapit sila kay Jesus at nakita ang taong inalihan ng mga demonyo na nakaupo, nakadamit at nasa wastong pag-iisip. Siya ang nagkaroon ng isang Hukbo at sila ay natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakasaksi ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at patungkol sa baboy. 17 Nagsimula silang mamanhik kay Jesus na umalis sa kanilang lupain.
18 Nang sumakay na si Jesus sa bangka, namanhik ang inalihan ng mga demonyo na isama siya. 19 Hindi siya pinayagan ni Jesus. Sa halip ay sinabi niya: Umuwi ka sa iyong bahay, sa iyong pamilya. Ibalita mo sa kanila kung ano ang ginawa sa iyo ng Panginoon at kung papaano ka niya kinahabagan. 20 Siya ay umalis at nagsimulang maghayag sa Decapolis kung ano ang ginawa sa kaniya ni Jesus. Ang lahat ay namangha.
Ang Babaeng Maysakit at Batang Babaeng Patay
21 Si Jesus ay muling tumawid sa kabilang ibayo sakay ng isang bangka. Nagsiksikan sa kaniya ang napakaraming tao at siya noon ay nasa tabi ng lawa.
22 Narito, lumapit ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita niya kay Jesus nagpatirapa siya sa kaniyang paanan. 23 Siya ay namanhik nang lubos na nagsasabi: Nag-aagaw-buhay ang anak kong dalagita. Sumama ka sa akin, ipatong mo sa kaniya ang inyong mga kamay upang siya ay gumaling at mabuhay. 24 Sumama si Jesus sa kaniya.
Sumunod kay Jesus ang napakaraming tao at nagsiksikan sila sa kaniya.
25 May isang babae roon na labindalawang taon nang dinurugo. 26 Siya ay lubhang naghirap sa maramingmanggagamot na tumingin sa kaniya. Naubos na ang lahat niyang ari-arian ngunit hindi pa rin siya napabuti kahit kaunti, bagkus ay lalo pa siyang lumubha. 27 Nang marinig niya ang patungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa napakaraming tao hanggang sa likuran ni Jesus. Hinipo niya ang damit ni Jesus. 28 Iniisip niya: Kung mahihipo ko lang ang kaniyang damit, ako ay gagaling. 29 Dagling naampat ang kaniyang pagdurugo at nalaman niya sa kaniyang katawan na magaling na siya mula sa sakit na nagpapahirap sa kaniya.
30 Kaagad ding nalaman ni Jesus sa kaniyang sarili na may kapangyarihang lumabas sa kaniya. Pagbaling niya sa karamihan, nagtanong siya: Sinong humipo sa aking damit?
31 Sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad: Nakikita mong nagsisiksikan sa iyo ang napakaraming tao. Ngayon ay nagtatanong ka: Sinong humipo sa akin?
32 Nagpalinga-linga pa rin siya sa palibot upang tingnanang babaeng gumawa nito. 33 Ang babae ay natatakot at nanginginig sa pagkaalam ng nangyari sa kaniya. Siya ay lumapit at nagpatirapa sa harap ni Jesus at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Sinabi ni Jesus: Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa. Gumaling ka na sa sakit na nagpapahirap sa iyo.
35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may mga taong dumating mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga. Sinabi nila: Ang anak mong babae ay patay na. Bakit inaabala mo pa ang guro?
36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus, kaagad niyang sinabi sa pinuno ng sinagoga: Huwag kang matakot. Manampalataya ka lamang.
37 Hindi niya pinahintulutang sumama sa kanila ang sinuman maliban kina Pedro, Santiago at Juan na kapatid ni Santiago. 38 Siya ay dumating sa bahay ng pinuno ng sinagoga. Nakita niya ang pagkakagulo ng mga tao, may umiiyak at humagulhol nang husto. 39 Nang nakapasok na siya, sinabi niya sa kanila: Bakit kayo nagkakagulo at umiiyak? Ang bata ay hindi patay kundi natutulog lang. 40 Pinagtawanan nila si Jesus.
Nang maitaboy niya ang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at ang mga kasama niya. Pumasok sila sa kinahihigaan ng bata.
41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kaniya: Talitha kumi! Ang ibig sabihin nito ay: Dalagita, sinasabi ko sa iyo: Bumangon ka. 42 Agad na bumangon ang dalagita at lumakad. Siya ay labindalawang taong gulang na. Lubhang namangha ang mga tao. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag itong ipaalam kahit kanino. Sinabi rin niya na bigyan nila ng makakain ang dalagita.
Copyright © 1998 by Bibles International