Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 5

Pinagaling ni Jesus ang Inalihan ng Demonyo

Dumating sila sa kabilang ibayo ng lawa sa lupain ng mga taga-Gadara.

Pagkababa ni Jesus mula sa bangka agad siyang sinalubong ng isang lalaking galing sa mga libingan na may karumal-dumal na espiritu. Siya ay may tirahan sa mga libingan at walang makagapos sa kaniya kahit na sa pamamagitan ng mga tanikala. Madalas siyang lagyan ng mga pangaw at tanikala ngunit nilalagot niya ang tanikala at pinagsisisira ng mga pangaw. Walang sinumang makapag­paamo sa kaniya. Palagi siyang sumisigaw, araw at gabi, sa mga bundok at sa mga libingan at sinusugatan niya ng bato ang kaniyang sarili.

Subalit pagkakita niya kay Jesus mula sa malayo, siya ay tumakbo at sinamba niya si Jesus. Sumigaw siya nang malakas: Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng kataas-taasang Diyos? Ipangako mo sa Diyos na huwag mo akong pahirapan! Sapagkat sinabi sa kaniya ni Jesus: Lumabas ka sa taong iyan, karumal-dumal na espiritu!

Tinanong siya ni Jesus: Ano ang pangalan mo?

Siya ay sumagot: Ang pangalan ko ay Hukbo, sapagkat marami kami.

10 Nagmakaawa siya nang husto sa kaniya na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

11 Doon sa may libis ng bundok ay mayroong isang mala­king kawan ng mga baboy na nanginginain. 12 Nagmaka­awa ang lahat ng mga demonyo na nagsasabi: Papuntahin mo kami sa mga baboy upang sa kanila kami pumasok. 13 Kaagad silang pina­yagan ni Jesus. Ang mga karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa lalaki at pumasok sa mga baboy at mabilis na tumakbong palusong tuloy-tuloy sa lawa. At lahat ay nalunod sa lawa. Ang kawan ng mga baboy ay halos dalawang libo ang bilang.

14 Ang mga nagpapakain ng mga baboy ay nagmamadaling tumakbo at ipinamalita ito sa lungsod at sa kabukiran. Pumunta roon ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari. 15 Lumapit sila kay Jesus at nakita ang taong inalihan ng mga demonyo na nakaupo, nakadamit at nasa wastong pag-iisip. Siya ang nagkaroon ng isang Hukbo at sila ay natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakasaksi ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at patungkol sa baboy. 17 Nagsimula silang mamanhik kay Jesus na umalis sa kanilang lupain.

18 Nang sumakay na si Jesus sa bangka, namanhik ang ina­lihan ng mga demonyo na isama siya. 19 Hindi siya pinayagan ni Jesus. Sa halip ay sinabi niya: Umuwi ka sa iyong bahay, sa iyong pamilya. Ibalita mo sa kanila kung ano ang ginawa sa iyo ng Panginoon at kung papaano ka niya kinahabagan. 20 Siya ay umalis at nagsimulang maghayag sa Decapolis kung ano ang ginawa sa kaniya ni Jesus. Ang lahat ay namangha.

Ang Babaeng Maysakit at Batang Babaeng Patay

21 Si Jesus ay muling tumawid sa kabilang ibayo sakay ng isang bangka. Nagsiksikan sa kaniya ang napakaraming tao at siya noon ay nasa tabi ng lawa.

22 Narito, lumapit ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita niya kay Jesus nagpatirapa siya sa kaniyang paanan. 23 Siya ay namanhik nang lubos na nagsasabi: Nag-aagaw-buhay ang anak kong dalagita. Sumama ka sa akin, ipatong mo sa kaniya ang inyong mga kamay upang siya ay gumaling at mabuhay. 24 Sumama si Jesus sa kaniya.

Sumunod kay Jesus ang napakaraming tao at nagsiksikan sila sa kaniya.

25 May isang babae roon na labindalawang taon nang dinurugo. 26 Siya ay lubhang naghirap sa maramingmanggagamot na tumingin sa kaniya. Naubos na ang lahat niyang ari-arian ngunit hindi pa rin siya napabuti kahit kaunti, bagkus ay lalo pa siyang lumubha. 27 Nang marinig niya ang patungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa napakaraming tao hanggang sa likuran ni Jesus. Hinipo niya ang damit ni Jesus. 28 Iniisip niya: Kung mahihipo ko lang ang kaniyang damit, ako ay gagaling. 29 Dagling naampat ang kaniyang pagdurugo at nalaman niya sa kaniyang katawan na magaling na siya mula sa sakit na nagpapahirap sa kaniya.

30 Kaagad ding nalaman ni Jesus sa kaniyang sarili na may kapangyarihang lumabas sa kaniya. Pagbaling niya sa kara­mihan, nagtanong siya: Sinong humipo sa aking damit?

31 Sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad: Nakikita mong nagsisiksikan sa iyo ang napakaraming tao. Ngayon ay nagtatanong ka: Sinong humipo sa akin?

32 Nagpalinga-linga pa rin siya sa palibot upang tingnanang babaeng gumawa nito. 33 Ang babae ay natatakot at nanginginig sa pagkaalam ng nangyari sa kaniya. Siya ay lumapit at nagpatirapa sa harap ni Jesus at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Sinabi ni Jesus: Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa. Gumaling ka na sa sakit na nagpapahirap sa iyo.

35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may mga taong dumating mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga. Sinabi nila: Ang anak mong babae ay patay na. Bakit inaabala mo pa ang guro?

36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus, kaagad niyang sinabi sa pinuno ng sinagoga: Huwag kang matakot. Manampalataya ka lamang.

37 Hindi niya pinahintulutang sumama sa kanila ang sinuman maliban kina Pedro, Santiago at Juan na kapatid ni Santiago. 38 Siya ay dumating sa bahay ng pinuno ng sinagoga. Nakita niya ang pagkakagulo ng mga tao, may umiiyak at humagulhol nang husto. 39 Nang nakapasok na siya, sinabi niya sa kanila: Bakit kayo nagkakagulo at umiiyak? Ang bata ay hindi patay kundi natutulog lang. 40 Pinagtawanan nila si Jesus.

Nang maitaboy niya ang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at ang mga kasama niya. Pumasok sila sa kinahihigaan ng bata.

41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kaniya: Talitha kumi! Ang ibig sabihin nito ay: Dalagita, sinasabi ko sa iyo: Bumangon ka. 42 Agad na bumangon ang dalagita at lumakad. Siya ay labindalawang taong gulang na. Lubhang namangha ang mga tao. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag itong ipaalam kahit kanino. Sinabi rin niya na bigyan nila ng makakain ang dalagita.

Roma 5

Kapayapaan at Kagalakan

Kaya nga, yamang tayo ay pinaging-matuwid sa pama­magitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapa­yapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.

Sa pamamagitan din niya tayo ay nagkaroon ng daan patungo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa biyayang ito tayo ay naninindigan at nagmamalaki sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos. Hindi lang ito, kundi sa paghihirap ay nagmamalaki rin tayo dahil alam nating ang paghihirap ay nagbubunga ng pagtitiis. Ang pagtitiis ay nagbubunga ng magandang ugali at ang magandang ugali ay nagbubunga ng pag-asa. Hindi tayo pinapahiya ng pag-asa sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin.

Ito ay sapagkat nang tayo ay mahina pa si Jesus ay namatay sa takdang panahon para sa mga hindi kumikilala sa Diyos. Hindi pangkaraniwan na ang isang tao ay mamatay para sa isang matuwid na tao. Maaaring alang-alang sa isang mabuting tao, ang isang tao ang maglakas-loob na mamatay. Ngunit ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.

Higit pa riyan, tayo ngayon ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng kaniyang dugo. Kaya nga, tayo ay maliligtas sa poot sa pamamagitan niya. 10 Ito ay sapagkat nang tayo ay kaaway ng Diyos, ipinagkasundo tayo sa kaniya sa pamama­gitan ng kamatayan ng kaniyang anak. Higit pa riyan, ngayong tayo ay ipinagkasundo, tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng buhay ng kaniyang anak. 11 Hindi lang gayon, kundi tayo ay nagagalak sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo na sa pamamagitan niya, tayo ay nagtamo ng pakikipagkasundo.

Kamatayan sa Pamamagitan ni Adan, Buhay sa Pamamagitan ni Cristo

12 Sa kadahilanang ito, sa pamamagitan ng isang tao, pumasok ang kasalanan sa sanlibutan. Dahil sa kasalanan nagkaroon ng kamatayan at ang kamatayan ay dumating sa lahat ng tao sapagkat nagkasala ang lahat.

13 Ito ay sapagkat ang kasalanan ay nasa sanlibutan na bago pa ibinigay ang kautusan. Ngunit nang wala pa ang kautusan ang kasalanan ay hindi ibinibilang. 14 Subalit ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises. Ito ay naghari maging sa kanila na ang kasalanan ay hindi tulad ng pagsalangsang ni Adan na siyang larawan ng paparating na.

15 Subalit ang kaloob ay hindi tulad ng pagsalangsang sapagkat kung sa pagsalangsang ng isa, marami ang namatay, lalong higit ang biyaya ng Diyos. At sa pamamagitan ng isang tao, si Jesucristo, ang kaloob sa pamamagitan ng biyaya ay sumagana sa marami. 16 Ang kaloob ay hindi tulad ng isang nagkasala sapagkat sa kasalanan ng isa, ang hatol ay nagdala ng kaparusahan. Ngunit sa kabila ng maraming pagsalangsang, ang walang bayad na kaloob ay nagbunga ng pagpapaging-matuwid. 17 Ito ay sapagkat sa pagsalangsang ng isang tao, naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng taong iyon. At lalong higit sa kanila na tumanggap ng kasaganaan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran. Maghahari sila sa buhay sa pamama­gitan ng isang iyon, si Jesucristo.

18 Kaya nga, sa pagsalangsang ng isang tao, napasalahat ng tao ang kaparusahan. Sa gayunding paraan, sa gawa ng katuwiran ng isang tao, napasalahat ng tao ang pagpapaging-matuwid ng buhay. 19 Ito ay sapagkat sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging mga makasalanan. Sa gayunding paraan, sa pagsunod ng isang tao, marami ang magagawang matuwid.

20 Upang dumami ang pagsalangsang, nagkaroon ng kau­tusan, ngunit sa pagdami ng kasalanan lalong sumagana ang biyaya. 21 Kaya kung papaano ngang naghahari ang kasalanan patungo sa kamatayan, gayundin ang biyaya ay maghahari sa pamamagitan ng katuwiran patungo sa buhay na walang hanggan. Ito ay sa pamamagitan ni Jesucristo, ang ating Panginoon.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International