M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagkakabahagi ng mga Bantay ng Pinto
26 Sa pagkakabahagi ng mga bantay ng pinto: sa mga Korahita, si Meselemia na anak ni Kora, sa mga anak ni Asaf.
2 Si Meselemia ay nagkaroon ng mga anak na lalaki: si Zacarias ang panganay, si Jediael ang ikalawa, si Zebadias ang ikatlo, si Jatnael ang ikaapat;
3 si Elam ang ikalima, si Jehohanan ang ikaanim, si Eliehoenai ang ikapito.
4 Si(A) Obed-edom ay nagkaroon ng mga anak: si Shemaya ang panganay, si Jehozabad ang ikalawa, si Joah ang ikatlo, si Sacar ang ikaapat, at si Natanael ang ikalima,
5 si Amiel ang ikaanim, si Isacar ang ikapito, si Peulletai ang ikawalo; sapagkat pinagpala siya ng Diyos.
6 Gayundin kay Shemaya na kanyang anak ay ipinanganak ang mga lalaking namuno sa sambahayan ng kanilang mga ninuno, sapagkat sila'y mga lalaking may malaking kakayahan.
7 Ang mga anak ni Shemaya: sina Othni, Rephael, Obed, at Elzabad, na ang mga kapatid ay magigiting na lalaki, sina Elihu at Samacias.
8 Lahat ng mga ito'y sa mga anak ni Obed-edom: sila at ang kanilang mga anak at ang kanilang mga kapatid, mga bihasang lalaking naaangkop sa paglilingkod; animnapu't dalawa kay Obed-edom.
9 Si Meselemia ay nagkaroon ng mga anak at mga kapatid na magigiting na lalaki, labingwalo.
10 Si Hosa naman sa mga anak ni Merari ay nagkaroon ng mga anak na lalaki; si Simri ang pinuno (kahit na hindi siya panganay, ginawa siyang pinuno ng kanyang ama).
11 Si Hilkias ang ikalawa, si Tebelias ang ikatlo, si Zacarias ang ikaapat; lahat ng mga anak at mga kapatid ni Hosa ay labintatlo.
12 Sa mga ito ang mga bahagi ng mga bantay-pinto, samakatuwid ay mga pinuno na may mga katungkulang gaya ng kanilang mga kapatid na namamahala sa bahay ng Panginoon.
13 Sila'y nagpalabunutan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, hamak man o dakila, para sa kani-kanilang pinto.
14 Ang palabunutan para sa dakong silangan ay napunta kay Shelemias. Nagpalabunutan din sila para kay Zacarias na kanyang anak na isang matalinong tagapayo at ang nabunot para sa kanya ay ang dakong hilaga.
15 Ang kay Obed-edom ay ang dakong timog; at sa kanyang mga anak ay ang kamalig.
16 Kay Suppim at kay Hosa ay ang dakong kanluran, sa tabi ng pintuang-daan ng Sallechet, sa daang paahon. Bawat tanod ay may katuwang na tanod.
17 Sa dakong silangan ay anim na Levita, sa dakong hilaga ay apat araw-araw, sa dakong timog ay apat araw-araw, at sa kamalig ay dala-dalawa.
18 Sa parbar[a] sa dakong kanluran, apat sa daanan, at dalawa sa parbar.
19 Ito ang mga bahagi ng mga bantay ng pinto sa mga Korahita, at sa mga anak ni Merari.
Ang Tagapamahala ng Kayamanan sa Templo
20 Sa mga Levita, si Ahias ang namahala sa mga kayamanan ng bahay ng Diyos at sa mga kayamanan ng mga itinalagang bagay.
21 Ang mga anak ni Ladan, ang mga anak ng mga Gershonita na nauukol kay Ladan; ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno na ukol kay Ladan na Gershonita; si Jehieli.
22 Ang mga anak ni Jehieli: sina Zetam at Joel na kanyang kapatid ang nangasiwa sa mga kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.
23 Sa mga Amramita, sa mga Izarita, sa mga Hebronita, sa mga Uzielita—
24 at si Sebuel na anak ni Gershom, na anak ni Moises, ay punong-tagapamahala sa mga kabang-yaman.
25 Ang kanyang mga kapatid mula kay Eliezer ay si Rehabias na kanyang anak, at si Jeshaias na kanyang anak, si Joram na kanyang anak, si Zicri na kanyang anak, at si Shelomot na kanyang anak.
26 Ang Shelomot na ito at ang kanyang mga kapatid ang namahala sa lahat ng kabang-yaman na nakatalagang bagay na itinalaga ni Haring David, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng mga magulang, ng mga pinunong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan, at ng mga pinunong-kawal ng hukbo.
27 Mula sa mga samsam na pinanalunan sa pakikidigma ay kanilang itinalaga ang mga kaloob upang mapanatiling maayos ang bahay ng Panginoon.
28 Gayundin ang lahat ng itinalaga ni Samuel na tagakita at ni Saul na anak ni Kish, at ni Abner na anak ni Ner, at ni Joab na anak ni Zeruia; ang lahat ng mga itinalagang kaloob ay nasa ilalim ng pag-iingat ni Shelomot at ng kanyang mga kapatid.
29 Sa mga Izarita, si Kenanias at ang kanyang mga anak na lalaki ay itinalaga sa mga panlabas na tungkulin para sa Israel, bilang mga pinuno at mga hukom.
30 Sa mga Hebronita, si Hashabias at ang kanyang mga kapatid na mga magigiting na lalaki, na isang libo't pitong daan, ay namahala sa Israel sa dako roon ng Jordan sa dakong kanluran na ukol sa lahat ng gawain sa Panginoon, at sa paglilingkod sa hari.
31 Sa mga Hebronita, si Jerias ang pinuno sa mga Hebronita, mula sa anumang salinlahi o mga sambahayan. Nang ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, nagkaroon ng pagsisiyasat at may natagpuan sa kanilang magigiting na lalaki sa Jazer ng Gilead.
32 Ang kanyang mga kapatid na mga magigiting na lalaki ay dalawang libo at pitong daan, mga pinuno ng mga sambahayan na siyang ginawa ni David na mga tagapamahala sa mga Rubenita, sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ng mga Manases, sa lahat ng bagay na ukol sa Diyos, at sa mga bagay na ukol sa hari.
Mga Punong-Kawal
27 Ito ang talaan ng sambayanan ng Israel, samakatuwid ay ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinunong-kawal ng libu-libo at daan-daan, at ang kanilang mga pinuno na naglingkod sa hari, sa mga bagay tungkol sa mga pangkat na pumapasok at lumalabas, buwan-buwan sa buong taon, ang bawat pangkat ay dalawampu't apat na libo:
2 Sa unang pangkat na para sa unang buwan, ang tagapamahala ay si Jasobeam na anak ni Zabdiel; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
3 Siya'y mula sa mga anak ni Perez at pinuno ng lahat ng punong-kawal ng hukbo para sa unang buwan.
4 Sa pangkat na para sa ikalawang buwan ay si Dodai na Ahohita, at sa kanyang pangkat ay si Miclot ang tagapamahala, at ang kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
5 Ang ikatlong punong-kawal na para sa ikatlong buwan ay si Benaya, na anak ng paring si Jehoiada na siyang pinuno; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
6 Ito ang Benaya na magiting na lalaki sa tatlumpu, at pinuno sa tatlumpu; ang pinuno sa kanyang pangkat ay si Amisabad na kanyang anak.
7 Ang ikaapat na punong-kawal para sa ikaapat na buwan ay si Asahel na kapatid ni Joab, at si Zebadias na kanyang kapatid ang kasunod niya, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
8 Ang ikalimang punong-kawal para sa ikalimang buwan ay si Samhuth na Izrahita, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
9 Ang ikaanim, para sa ikaanim na buwan ay si Ira na anak ni Ikkes na Tekoita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
10 Ang ikapito, para sa ikapitong buwan ay si Heles na Pelonita, mula sa mga anak ni Efraim, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
11 Ang ikawalo, para sa ikawalong buwan ay si Shibecai na Husatita, mula sa mga Zeraita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
12 Ang ikasiyam, para sa ikasiyam na buwan ay si Abiezer na taga-Anatot, isang Benjaminita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
13 Ang ikasampu, para sa ikasampung buwan ay si Maharai na taga-Netofa mula sa mga Zeraita, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
14 Ang ikalabing-isa, para sa ikalabing-isang buwan ay si Benaya na taga-Piraton, mula sa mga anak ni Efraim, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
15 Ang ikalabindalawa, para sa ikalabindalawang buwan ay si Heldai na Netofatita, mula kay Otniel, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
Mga Tagapamahala sa mga Lipi
16 Ang mga tagapamahala sa mga lipi ng Israel: sa mga Rubenita, si Eliezer na anak ni Zicri, ang punong-tagapamahala; sa mga Simeonita, si Shefatias na anak ni Maaca.
17 Sa Levi, si Hashabias, na anak ni Kemuel; kay Aaron, si Zadok;
18 sa Juda, si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa Isacar, si Omri na anak ni Micael;
19 sa Zebulon, si Ismaias na anak ni Obadias; sa Neftali, si Jerimot na anak ni Azriel.
20 Sa mga anak ni Efraim, si Hosheas na anak ni Azazias; sa kalahating lipi ni Manases, si Joel na anak ni Pedaya,
21 sa kalahating lipi ni Manases sa Gilead, si Iddo na anak ni Zacarias; sa Benjamin, si Jaasiel na anak ni Abner.
22 Sa Dan, si Azarel na anak ni Jeroham. Ito ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel.
23 Ngunit(B) hindi isinama ni David sa pagbilang ang mula sa dalawampung taong gulang pababa, sapagkat ipinangako ng Panginoon na kanyang pararamihin ang Israel na gaya ng mga bituin sa langit.
24 Si(C) Joab na anak ni Zeruia ay nagpasimulang bumilang, ngunit hindi natapos; gayunma'y dumating sa Israel ang poot dahil dito, at hindi ipinasok ang bilang sa mga talaan ni Haring David.
Ang mga Ingat-yaman ni Haring David
25 Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Adiel. Ang ingat-yaman sa mga bukid, sa mga bayan, sa mga nayon, at sa mga tore ay si Jonathan na anak ni Uzias.
26 Ang namahala sa gumagawa sa bukirin at pagbubungkal ng lupa ay si Ezri na anak ni Kelub.
27 Sa mga ubasan ay si Shimei na Ramatita, at sa mga ani sa mga ubasan para sa mga imbakan ng alak ay si Zabdi na Sifmita.
28 Sa mga puno ng olibo at sa mga puno ng sikomoro na nasa Shefela ay si Baal-hanan na Gederita, at sa mga imbakan ng langis ay si Joas.
29 Sa mga bakahan na ipinapastol sa Sharon ay si Sitrai na Sharonita, at sa mga bakahan na nasa mga libis ay si Shafat na anak ni Adlai.
30 Sa mga kamelyo ay si Obil na Ismaelita, at sa mga babaing asno ay si Jehedias na Meronotita, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita.
31 Lahat ng mga ito'y mga katiwala sa mga ari-arian ni Haring David.
Ang mga Tagapayo ni David
32 Si Jonathan na amain ni David ay isang tagapayo, lalaking matalino, at isang eskriba; at si Jehiel na anak ni Hacmoni ay lingkod sa mga anak ng hari.
33 Si Ahitofel ang tagapayo ng hari; at si Husai na Arkita ang kaibigan ng hari.
34 Kasunod ni Ahitofel ay si Jehoiada na anak ni Benaya, at gayundin ni Abiatar. Si Joab ang punong-kawal sa hukbo ng hari.
Pagbati
1 Si Simon[a] Pedro, alipin at apostol ni Jesu-Cristo,
Sa mga tumanggap ng mahalagang pananampalataya na gaya ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo:
2 Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin.
Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos
3 Ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin sa kanyang sariling kaluwalhatian at kabutihan.
4 Gayon niya ipinagkaloob sa atin ang kanyang mahahalaga at mga dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makatakas kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, at maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos.
5 At dahil dito, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman;
6 ang kaalaman ng pagpipigil; ang pagpipigil ng pagtitiis; ang pagtitiis ng pagiging maka-Diyos;
7 at ang pagiging maka-Diyos ng pagmamahal sa kapatid; at ang pagmamahal sa kapatid ng pag-ibig.
8 Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at dumarami, hindi kayo magiging mga walang saysay o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
9 Sapagkat sinumang wala ng mga bagay na ito ay bulag at ang nasa malapit lamang ang nakikita, at nakalimutan na siya ay nilinis mula sa kanyang dating mga kasalanan.
10 Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo, sapagkat kung gawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod kailanman.
11 Sapagkat sa ganitong paraan ay masaganang ibibigay sa inyo ang pagpasok sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
12 Kaya't lagi kong hinahangad na ipaalala sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman na, at kayo'y pinapatibay sa katotohanang dumating sa inyo.
13 Inaakala kong tama, na habang ako'y nasa toldang ito, ay gisingin ko kayo ng isang paalala,
14 yamang aking nalalaman na malapit na ang pag-aalis ng aking tolda na gaya ng ipinakita sa akin ng Panginoon nating si Jesu-Cristo.
15 At sisikapin ko rin na pagkatapos ng aking pagpanaw ay inyong maaalala ang mga bagay na ito sa anumang panahon.
Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo
16 Sapagkat kami ay hindi sumunod sa mga kathang-isip na ginawang may katusuhan nang aming ipaalam sa inyo ang kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kundi kami ay mga saksing nakakita ng kanyang kadakilaan.
17 Sapagkat(A) siya'y tumanggap sa Diyos Ama ng karangalan at kaluwalhatian, at dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.”
18 Kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.
19 Kaya't mayroon kaming salita ng propesiya na lalong tiyak. Mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong pagtutuunan ng pansin, gaya sa isang ilawang tumatanglaw sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso.
20 Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na walang propesiya ng kasulatan na nagmula sa pansariling pagpapakahulugan,
21 sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos.[b]
Ang Paghahari ng Kapayapaan ng Panginoon(A)
4 At nangyari sa mga huling araw,
ang bundok ng bahay ng Panginoon
ay itatatag bilang pinakamataas sa mga bundok,
at itataas sa mga burol;
at ang mga tao'y magpupuntahan doon,
2 at maraming bansa ang darating at magsasabi,
“Halikayo, tayo'y umahon patungo sa bundok ng Panginoon,
at sa bahay ng Diyos ni Jacob;
upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan,
at tayo'y makalakad sa kanyang mga landas.”
Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang kautusan,
at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.
3 Siya'y(B) hahatol sa gitna ng maraming bayan,
at magpapasiya para sa malalakas na bansa sa malayo;
at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod,
at ang kanilang mga sibat upang maging karit;
ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa,
ni magsasanay para sa pakikidigma.
4 Kundi(C) bawat isa'y uupo sa ilalim ng kanyang punong ubas at sa ilalim ng kanyang punong igos;
at walang tatakot sa kanila;
sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Sapagkat ang lahat ng bayan ay lalakad
bawat isa sa pangalan ng kanya-kanyang diyos,
ngunit tayo'y lalakad sa pangalan ng Panginoon nating Diyos
magpakailanpaman.
Ang Israel ay Babalik mula sa Pagkabihag
6 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
titipunin ko ang pilay,
at titipunin ko ang mga itinapon,
at ang aking mga pinahirapan.
7 Ang pilay ay gagawin kong nalabi,
at ang mga itinapon ay isang malakas na bansa;
at ang Panginoon ay maghahari sa kanila sa bundok ng Zion
mula ngayon hanggang sa walang hanggan.
8 At ikaw, O tore ng kawan,
na burol ng anak na babae ng Zion,
ito sa iyo'y darating,
ang dating kapangyarihan ay darating,
ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem.
9 Ngayo'y bakit ka sumisigaw nang malakas?
Wala ka bang hari?
Ang iyo bang tagapayo ay namatay,
upang ang mga paghihirap ay sumaiyo na gaya ng babaing manganganak?
10 Mamilipit ka at dumaing, O anak na babae ng Zion,
na gaya ng babaing manganganak;
sapagkat ngayo'y lalabas ka sa lunsod,
at maninirahan sa parang,
at ikaw ay pupunta sa Babilonia.
Ililigtas ka roon,
doo'y tutubusin ka ng Panginoon
sa kamay ng iyong mga kaaway.
11 At ngayo'y maraming bansa
ang magtitipon laban sa iyo,
na nagsasabi, “Hayaan siyang malapastangan,
ituon natin ang ating mata sa Zion.”
12 Ngunit hindi nila alam ang mga pag-iisip ng Panginoon,
hindi nila nauunawaan ang kanyang panukala,
sapagkat kanyang tinipon sila na parang mga bigkis sa giikan.
13 Bumangon ka at gumiik,
O anak na babae ng Zion;
sapagkat aking gagawing bakal ang iyong sungay,
at tanso ang iyong mga kuko;
at iyong dudurugin ang maraming bayan,
upang iyong italaga sa Panginoon ang kanilang pakinabang,
at ang kanilang kayamanan ay sa Panginoon ng buong lupa.
Magsisi o Mamatay
13 Nang panahong iyon, mayroong ilan na naroon na nagsabi sa kanya tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga iyon ay inihalo ni Pilato sa mga alay nila.
2 At sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo na ang mga taga-Galileang iyon ay higit na makasalanan kaysa lahat ng mga taga-Galilea, dahil sila'y nagdusa nang gayon?
3 Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila.
4 O ang labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam at sila'y napatay, inaakala ba ninyo na sila'y higit na maysala kaysa lahat ng taong naninirahan sa Jerusalem?
5 Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, kayong lahat ay mapapahamak ding tulad nila.”
Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga
6 Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Ang isang tao ay may isang puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Siya'y pumunta upang maghanap ng bunga roon, subalit walang nakita.
7 Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan ninyo, tatlong taon na akong pumaparito na humahanap ng bunga sa punong igos na ito, at wala akong makita. Putulin mo ito. Bakit sinasayang nito ang lupa?’
8 At sumagot siya sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna sa taóng ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot at malagyan ng pataba.
9 At kung ito ay magbunga sa susunod na taon, ay mabuti; subalit kung hindi, maaari mo na itong putulin.”
Pinagaling ni Jesus nang Araw ng Sabbath ang Babaing may Sakit
10 Noon ay nagtuturo siya sa isa sa mga sinagoga nang araw ng Sabbath.
11 At naroon ang isang babae na may espiritu ng karamdaman sa loob ng labingwalong taon. Siya ay baluktot at hindi niya kayang tumayo ng talagang matuwid.
12 Nang siya'y makita ni Jesus, kanyang tinawag siya at sinabi sa kanya, “Babae, pinalaya ka na sa iyong sakit.”
13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa kanya at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos.
14 Subalit(A) ang pinuno ng sinagoga, na galit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa Sabbath, ay nagsabi sa maraming tao, “May anim na araw na dapat gumawa, pumarito kayo sa mga araw na iyon at kayo'y pagagalingin at hindi sa araw ng Sabbath.”
15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo sa Sabbath ang kanyang bakang lalaki o ang kanyang asno mula sa sabsaban at ito'y inilalabas upang painumin?
16 At hindi ba dapat na ang babaing ito na anak ni Abraham, na ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon ay kalagan sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabbath?”
17 Nang sabihin niya ang mga bagay na ito, napahiya ang lahat ng kanyang mga kaaway at nagalak ang maraming tao dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kanyang ginawa.
Talinghaga ng Butil ng Mustasa(B)
18 Sinabi niya, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos at sa ano ko ito ihahambing?
19 Ito ay tulad sa isang butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang halamanan. Ito'y tumubo, naging isang punungkahoy at dumapo sa mga sanga nito ang mga ibon sa himpapawid.”
Talinghaga ng Pampaalsa(C)
20 At muling sinabi niya, “Sa ano ko ihahambing ang kaharian ng Diyos?
21 Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo[a] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nahaluang lahat ng pampaalsa.”
Ang Makipot na Pintuan(D)
22 Si Jesus[b] ay nagpatuloy sa kanyang lakad sa mga bayan at mga nayon na nagtuturo habang naglalakbay patungo sa Jerusalem.
23 At may nagsabi sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” At sinabi niya sa kanila,
24 “Magsikap kayong pumasok sa makipot na pintuan, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magsisikap na pumasok at hindi makakapasok.
25 Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at maisara na ang pinto, magsisimula kayong tumayo sa labas at tutuktok sa pintuan, na magsasabi, ‘Panginoon, pagbuksan mo kami.’ At siya'y sasagot sa inyo, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling.’
26 Kaya't magsisimula kayong magsabi, ‘Kami ay kasama mong kumain at uminom at nagturo ka sa aming mga lansangan.’
27 Subalit(E) sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayas kayo, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’
28 Magkakaroon(F) ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin kapag nakita na ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Diyos, at kayo mismo'y inihahagis sa labas.
29 At(G) may mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa timog at hilaga, at uupo sa hapag sa kaharian ng Diyos.
30 Sa(H) katunayan, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.”
Ang Pag-ibig ni Jesus para sa Jerusalem(I)
31 Dumating nang oras ding iyon ang ilang Fariseo na nagsabi sa kanya, “Lumabas ka na at umalis dito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes.”
32 At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at inyong sabihin sa asong-gubat na iyon, ‘Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos ko ang aking gawain.
33 Gayunma'y kailangang ako'y magpatuloy sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa, sapagkat hindi maaari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.’
34 O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!
35 Tingnan ninyo,(J) sa inyo'y iniwan ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001