Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 10

Ang Ikalawang Malalapad na Bato(A)

10 “Nang panahong sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Gumawa ka ng dalawang malalapad na bato kagaya noong una, at umakyat ka sa bundok papunta sa akin. Gumawa ka rin ng kahon na yari sa kahoy. Isusulat ko sa malalapad na bato ang mga salita na isinulat ko sa unang malalapad na bato na biniyak mo. At ilagay mo ito sa kahon.’

“Kaya gumawa ako ng kahon na yari sa akasya at ng dalawang malalapad na bato gaya noong una, at umakyat sa bundok dala ang dalawang malalapad na bato. Isinulat ng Panginoon sa dalawang malalapad na batong ito ang isinulat niya noong una, ang Sampung Utos na ibinigay niya sa inyo nang nagsalita siya mula sa apoy noong araw na nagtipon kayo sa bundok. Nang maibigay na ito ng Panginoon sa akin, bumaba ako sa bundok at inilagay ito sa kahong ginawa ko, ayon sa iniutos ng Panginoon, at hanggang ngayoʼy naroon pa ito.”

(Naglakbay ang mga Israelita mula sa balon ng mga taga-Jaakan[a] papunta sa Mosera. Doon namatay si Aaron at doon din inilibing. At si Eleazar na anak niya ang pumalit sa kanya bilang punong pari. Mula roon, pumunta sila sa Gudgoda at sa Jotbata, isang lugar na may mga sapa. Nang panahong iyon, pinili ng Panginoon ang lahi ni Levi para sila ang magbuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, para maglingkod sa kanyang presensya, at para magbasbas sa mga tao sa kanyang pangalan. At hanggang ngayoʼy ganito ang gawain nila. Ito ang dahilan kung bakit walang bahagi o mana ang mga Levita sa lupain, hindi gaya ng ibang mga Israelita. Ang Panginoon ang bahagi nila ayon sa sinabi ng Panginoon na inyong Dios.)

10 Sinabi pa ni Moises, “Gaya ng ginawa ko noong una, nanatili ako sa bundok sa loob ng 40 araw at 40 gabi, at muli akong pinakinggan ng Panginoon at hindi niya kayo pinatay. 11 Sinabi niya sa akin, ‘Lumakad ka at pamunuan ang mga Israelita sa pagpasok at sa pag-angkin sa lupaing ipinangako kong ibibigay sa inyo at sa inyong mga ninuno.’

Igalang at Sundin ang Panginoon

12 “At ngayon, O mga mamamayan ng Israel, ang hinihingi lang ng Panginoon na inyong Dios sa inyo ay igalang ninyo siya, mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, mahalin siya, maglingkod sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa, 13 at sundin ang lahat ng mga utos at tuntunin niya na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito para sa ikabubuti ninyo.

14 “Sa Panginoon na inyong Dios ang kalangitan, kahit ang pinakamataas na langit, pati ang mundo at lahat ng narito. 15 Ngunit pinili ng Panginoon ang inyong mga ninuno para mahalin, at sa lahat ng bansa kayo na mula sa kanilang lahi ang pinili niya hanggang ngayon. 16 Kaya baguhin[b] ninyo ang mga puso ninyo at huwag nang patigasin ang mga ulo ninyo. 17 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay Dios ng mga dios at Panginoon ng mga panginoon. Makapangyarihan siya at kamangha-manghang Dios. Wala siyang pinapanigan at hindi siya tumatanggap ng suhol. 18 Ipinagtatanggol niya ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda. Minamahal niya ang mga dayuhan[c] at binibigyan sila ng pagkain at mga damit. 19 Kaya mahalin din ninyo ang mga dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto. 20 Igalang ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo siya. Manatili kayo sa kanya at sumumpa kayo sa pangalan lang niya. 21 Purihin ninyo siya, dahil siya ang Dios ninyo na gumawa ng dakila at kamangha-manghang bagay na nakita ninyo. 22 Nang dumating ang inyong mga ninuno sa Egipto, 70 lang silang lahat, pero ngayon, pinadami na kayo ng Panginoon na inyong Dios na katulad ng mga bituin sa langit.

Salmo 94

Ang Dios ang Hukom ng Lahat

94 Panginoon, kayo ang Dios na nagpaparusa.
    Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.
Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,
    kaya sige na po Panginoon,
    gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.
Hanggang kailan magdiriwang ang masasama, Panginoon?
Silang lahat na gumagawa ng masama ay ubod ng yabang.
Inaapi nila ang mamamayang pag-aari ninyo, Panginoon.
Pinapatay nila ang mga biyuda at mga ulila, pati na ang mga dayuhan.[a]
Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;
    ni hindi ito mapapansin ng Dios ni Jacob.”

Kayong mga hangal at matitigas ang ulo, kailan ba kayo makakaunawa?
    Unawain ninyo ito:
Ang Dios na gumawa ng ating mga tainga at mata, hindi ba nakakarinig o nakakakita?
10 Siya na nagpaparusa sa mga bansang hindi kumikilala sa kanya ay hindi ba magpaparusa sa inyo?
    Siya na nagtuturo sa mga tao, wala bang nalalaman?
11 Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao ay walang kabuluhan.
12 O Panginoon, mapalad ang taong pinangangaralan nʼyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng inyong mga kautusan.
13 Tinuturuan nʼyo siya upang magkaroon siya ng kapayapaan sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras na ang masasama ay inyong parusahan.
14 Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon, ang mamamayang pag-aari ninyo.
15 Darating ang araw na ang paghatol ay muling magiging makatarungan
    at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay nang matuwid.
16 Walang tumutulong sa akin laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kundi kayo lang, Panginoon.
17 Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon, maaaring patay na ako ngayon.
18 Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa Panginoon ang tumulong sa akin.
19 Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.
20 Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom[b] na gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng[c] kautusan.
21 Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.
22 Ngunit kayo, Panginoon na aking Dios ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan.
23 Parurusahan nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
    Tiyak na lilipulin nʼyo sila, O Panginoon naming Dios.

Isaias 38

Nagkasakit si Hezekia(A)

38 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia na halos ikamatay niya. Pumunta sa kanya si Propeta Isaias na anak ni Amoz at sinabi, “Sinabi ng Panginoon na magbilin ka na sa sambahayan mo dahil hindi ka na gagaling, mamamatay ka na.”

Nang marinig ito ni Hezekia, humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon. Sinabi niya, “Panginoon, alalahanin po ninyo kung papaano ako namuhay nang tapat at buong pusong naglingkod sa inyo at kung papaano ako gumawa ng mabuti sa paningin ninyo.” At umiyak siya ng husto.

Sinabi ng Panginoon kay Isaias na bumalik siya kay Hezekia at sabihin ito: “Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng iyong ninunong si David: Narinig ko ang iyong dalangin at nakita ko ang mga luha mo. Dadagdagan ko pa ng 15 taon ang buhay mo. Ililigtas kita pati ang lungsod na ito sa hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lungsod na ito. Ito ang tanda na aking ibibigay para patunayang gagawin ko ang ipinangako kong ito: Pababalikin ko ng sampung guhit ang anino ng araw sa orasang ipinagawa ni Ahaz.” At nangyari nga ito.

Ito ang isinulat ni Haring Hezekia ng Juda nang gumaling siya sa kanyang sakit: 10 Akala koʼy mamamatay na ako sa panahon ng aking kabataan, at mananatili sa lugar ng mga patay. 11 Akala koʼy hindi ko na makikita ang Panginoon dito sa mundo ng mga buhay o hindi ko na makikita ang mga tao rito sa mundo. 12 Muntik nang nawala ang buhay ko na parang tolda ng mga pastol ng mga tupa na iniligpit. Ang akala koʼy mapuputol na ang buhay ko na parang telang puputulin na sa habihan. Mula sa umaga hanggang gabi ay inaakala kong wawakasan mo na ang buhay ko. 13 Buong pagpapakumbaba akong naghintay hanggang umaga sa pag-aakalang mamamatay na ako. Parang nilalansag ng leon ang aking mga buto kaya akala koʼy wawakasan mo na ang buhay ko. 14 Humingi ako ng tulong hanggang sa ang tinig koʼy para nang huni ng langay-langayan o ng tagak. Dumaing ako na parang tinig na ng kalapati. Ang mga mata koʼy pagod na rin ng katititig sa itaas. Panginoon, tulungan nʼyo po ako sa kahirapang ito.

15 Pero ano pa ang masasabi ko? Sapagkat sinagot niya ako at pinagaling. Mamumuhay ako nang may kapakumbabaan dahil sa mapait kong karanasan.

16 Panginoon, sa ginawa nʼyo pong ito, mapapalakas nʼyo ang loob ng tao, at ako mismo napalakas ninyo. Pinagaling nʼyo ako at pinayagan pang mabuhay. 17 Totoong ang mga kahirapang aking tiniis ay para rin sa aking kabutihan. Dahil sa pag-ibig nʼyo, iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan at pinatawad nʼyo ang aking mga kasalanan. 18 Sapagkat papaano pa akong makakapagpuri sa inyo kung patay na ako? Ang mga patay ay hindi makakapagpuri sa inyo o makakaasa man sa inyong katapatan. 19 Ang mga buhay lamang ang makakapagpuri sa inyo katulad ng ginagawa ko ngayon. Ang bawat henerasyon ay magpapahayag sa susunod na henerasyon tungkol sa inyong katapatan. 20 Panginoon, iniligtas nʼyo po ako, kaya sa saliw ng tugtog, aawit kami sa inyong templo habang kami ay nabubuhay.

21 Noong hindi pa gumagaling si Hezekia, sinabi sa kanya ni Isaias na patapalan niya sa kanyang mga katulong ng dinikdik na bunga ng igos ang bukol niya para gumaling. 22 Nagtanong si Hezekia, “Ano ang palatandaan na magpapatunay na ako ngaʼy gagaling at makakapunta sa templo ng Panginoon?”

Pahayag 8

Ang Ikapitong Selyo

Nang tanggalin ng Tupa ang ikapitong selyo, tumahimik ang langit ng mga kalahating oras. Pagkatapos, nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Dios. Ang bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng trumpeta.

May isa pang anghel na lumapit sa altar, dala ang isang gintong lalagyan ng insenso. Binigyan siya ng maraming insenso para maisama niya sa mga dalangin ng lahat ng mga pinabanal[a] ng Dios at maihandog sa gintong altar sa harap ng trono. Mula sa kamay ng anghel ay pumailanlang sa harap ng Dios ang usok ng insenso kasama ang mga panalangin ng mga pinabanal. Pagkatapos, kumuha ang anghel ng mga baga sa altar at pinuno ang lalagyan ng insenso, at inihagis sa lupa. At bigla namang kumidlat, kumulog, umugong at lumindol.

Ang mga Trumpeta

Nakahanda na ang pitong anghel upang patunugin ang kanilang trumpeta. Nang patunugin ng unang anghel ang kanyang trumpeta, umulan ng yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga kahoy at ang lahat ng damo.

Nang patunugin ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta, bumagsak sa dagat ang parang malaking bundok na nagliliyab. At naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat. Namatay ang ikatlong bahagi ng mga nabubuhay sa dagat, at nawasak ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga sasakyang pandagat.

10 Nang patunugin ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta, nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo at tumama sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. 11 Ang pangalan ng bituin ay “Mapait.” Kaya pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay nang makainom ng tubig na iyon.

12 Nang patunugin ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta, napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya nabawasan ang mga liwanag nito. Nawala ang ikatlong bahagi ng liwanag sa araw at sa gabi.

13 Pagkatapos, nakita ko ang isang agila na lumilipad sa himpapawid at sumisigaw nang malakas, “Nakakaawa! Kawawang-kawawa ang mga nakatira sa lupa kapag pinatunog na ng tatlo pang anghel ang mga trumpeta nila.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®