M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kordero at ang Isangdaan at Apatnapu’t Apat na Libong Tao
14 At nakita ko, narito, ang Korderong nakatayo sa bundok ng Zion. Siya ay may kasamang isangdaan at apatnapu’t apat na libong mga tao na nakatayo. May nakasulat na pangalan ng kaniyang ama sa kanilang mga noo.
2 Ako ay nakarinig ng isang tunog na mula sa langit na katulad ng tunog ng maraming tubig. Ito ay katulad ng isang napakalakas na kulog. Narinig ko ang tunog ng maraming manunugtog ng kudyapi na tumutugtog ng kanilang kudyapi. 3 Sila ay umawit ng isang bagong awit sa harapan ng trono at sa harapan ng apat na buhay na nilalang at ng mga matanda. Walang sinumang matututo ng awit na iyon. Ang matututo lamang nito ay ang isangdaan at apatnapu’t apat na libong mga tao na tinubos ni Jesus sa lupa. 4 Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang mga sarili sa mga babae. Sila ay mga birhen. Sila yaong mga sumusunod sa Kordero saan man siya pumaroon. Sila yaong mga tinubos ng Kordero bilang mga unang bunga para sa Diyos at para sa Kordero. 5 Walang pandaraya sa kanilang mga bibig sapagkat wala silang anumang dungis sa harapan ng trono ng Diyos.
Ang Tatlong Anghel
6 At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit. Taglay nito ang walang hanggang ebanghelyo na ipapahayag sa mga nananahan sa lupa. Kabilang dito ang bawat bansa at lipi at wika at mamamayan.
7 Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Matakot kayo sa Diyos sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom. Magbigay kayo ng papuri sa kaniya. Sambahin ninyo siya na gumawa ng langit at lupa at dagat at bukal ng mga tubig.
8 May isa pang anghel ang sumunod sa kaniya na nagsabi: Bumagsak na ang Babilonya! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonya! Siya ay bumagsak dahil sa alak ng poot ng kaniyang pakikiapid na ipinainom niya sa lahat ng mga bansa.
9 Sumunod sa kanila ang pangatlong anghel. Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Ito ang mangyayari sa sinumang sasamba sa mabangis na hayop at sa kaniyang larawan. Ito ay mangyayari sa sinumang tumanggap ng tatak sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay. 10 Siya ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, na ibinuhos niya na walang halo sa saro ng kaniyang poot. Pahihirapan siya sa apoy at nagniningas na asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang usok ng kanilang paghihirap ay pumailanlang magpakailan pa man. Ang mga sumamba sa mabangis na hayop at kaniyang larawan ay walang kapahingahan araw at gabi. Gayundin ang mga tumanggap ng tatak ng pangalan nito ay walang kapahingahan. 12 Narito ang pagtitiis ng mga banal na tumutupad sa mga utos ng Diyos at nananampalataya kay Jesus.
13 At ako ay nakarinig ng isang tinig mula sa langit. Sinabi nito sa akin: Isulat mo ito. Pinagpala ang mga mamamatay sa Panginoon mula ngayon.
Sinabi ng Espiritu: Oo, sila ay dapat na mamahinga mula sa kanilang mga pagpapagal. Susundan sila ng kanilang mga gawa.
Ang Ani sa Lupa
14 At nakita ko at narito, ang isang puting ulap at sa ibabaw ng ulap ay may isang nakaupo na katulad ng Anak ng Tao. Siya ay may gintong putong sa kaniyang ulo. Sa kaniyang kamay ay may hawak na isang matalas na karit.
15 At may isa pang anghel na lumabas mula sa banal na dako. Siya ay sumigaw sa isang malakas na tinig sa nakaupo sa ulap na nagsasabi: Gamitin mo ang iyong karit at ipanggapas mo na. Ang dahilan ay dumating na ang oras upang ikaw ay gumapas. Ang aanihin sa lupa ay handa na. 16 At inilagay ng nakaupo sa ibabaw ng ulap ang kaniyang karit sa lupa at ginapas ang anihin sa lupa.
17 At isa pang anghel ang lumabas mula sa banal na dako na nasa langit. Siya rin ay may taglay na isang matalas na karit. 18 At may isa pang anghel ang lumabas mula sa dambana. Siya ay may kapamahalaan sa apoy. Tinawag niya sa isang malakas na tinig ang may taglay ng matalas na karit. Sinabi niya: Gamitin mo na ang matalas mong karit. Tipunin mo ang mga buwig ng ubas sa lupa sapagkat hinog na ang mga ubas sa lupa. 19 Inilabas ng anghel ang karit at tinipon ang ubas sa lupa. Inihagis niya ang mga ubas ng lupa sa pisaang-ubas ng poot ng dakilang Diyos. 20 Niyurakan nila ang mga ubas sa pisaang-ubas na nasa labas ng lungsod. Lumabas ang dugo mula sa pisaang-ubas. Ito ay kasinglayo ng bokado ng mga kabayo sa layong tatlong daang kilometro.
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng Kaniyang mga Alagad
13 Bago dumating ang kapistahan ng Paglagpas, alam ni Jesus na ang kaniyang oras ay sumapit na upang siya ay lumisan sa sanlibutang ito at pumunta sa Ama. Inibig niya ang mga sa kaniya na nasa sanlibutang ito, inibigniya sila hanggang sa wakas.
2 At nang matapos ang hapunan ay inilagay nga ng diyablo sa puso ni Judas na ipagkanulo si Jesus. Si Judas ay taga-Keriot na anak ni Simon. 3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay. Siya ay galing sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Kaya nga, siya ay tumindig mula sa paghahapunan at itinabi ang kaniyang mga kasuotan. Siyaay kumuha ng tuwalya at binigkisan ang kaniyang sarili. 5 Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana. Sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad. Pinunasan niya ang kanilang mga paa ng tuwalyang nakabigkis sa kaniya.
6 Lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?
7 Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya: Ang aking ginagawa ay hindi mo nababatid sa ngayon, ngunit mauunawaan mo rin ito pagkatapos.
8 Tumugon si Pedro sa kaniya: Kailanman ay hindi mo huhugasan ang aking mga paa.
Sumagot si Jesus sa kaniya: Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa akin.
9 Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, hindi lamang ang aking mga paa kundi gayundin ang aking mga kamay at ulo.
10 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang taong napaliguan na ay ang paa na lang ang kailangang hugasan. Siya ay lubos nang malinis. Kayo ay malilinis na bagamat hindi lahat. 11 Ito ay sapagkat alam niya kung sino ang magkakanulo sa kaniya. Ito ang dahilan kaya niya sinabi: Hindi ang lahat sa inyo ay malinis.
12 Pagkahugas nga niya ng kanilang mga paa at muling makapagsuot ng kaniyang kasuotan, siya ay umupo. Sinabi niya sa kanila: Naunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon. Tama ang sinasabi ninyo sapagkat ako nga. 14 Yamang ako na inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din nga kayong maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong gawin ang tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Ang sinugo ay hindi rin higit na dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung alam na ninyo ang mga bagay na ito ay pinagpala kayo kung gagawin ninyo ang mga ito.
Ipinagpauna nang Sabihin ni Jesus na may Magkakanulo sa Kaniya
18 Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang aking mga hinirang. Dapat matupad ang kasulatan: Ang kumakain ng tinapay na kasama ko ang siyang nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
19 Ngayon ay sinasabi ko na sa inyo bago pa ito dumating. Kung mangyayari na ito ay maaaring sasampalataya kayo na ako nga iyon. 20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang tumatanggap sa sinumang susuguin ko ay tumatanggap sa akin. Ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa kaniya na nagsugo sa akin.
21 Nang masabi na ito ni Jesus ay naligalig siya sa espiritu. Siya ay nagpatotoo at nagsabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.
22 Kaya ang mga alagad ay nagtinginan sa isa’t isa, naguguluhan sila kung sino ang tinutukoy niya. 23 Mayroon ngang nakahilig sa piling niJesus na isa sa kaniyang mga alagad, siya ang iniibig ni Jesus. 24 Si Simon Pedro nga ay humudyat sa kaniya na tanungin si Jesus kung sino ang kaniyang tinutukoy.
25 Sa paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya: Panginoon, sino siya?
26 Sumagot si Jesus: Siya ang bibigyan ko ng kapirasong tinapay pagkatapos ko itong maisawsaw. Nang maisawsaw na niya ang kapirasong tinapay ibinigay niya iyon kay Judas na taga-Keriot na anak ni Simon. 27 Pagkatapos ng isang subo ay pumasok kay Judas si Satanas.
Sinabi nga ni Jesus sa kaniya: Kung ano ang iyong gagawin ay gawin mo agad.
28 Walang sinuman sa nakaupong kasalo niya ang nakaunawa kung bakit niya iyon sinabi sa kaniya. 29 Si Judas ang may hawak ng supot ng salapi. Ito ang dahilan kaya inakala ng ilan na ang sinabi sa kaniya ni Jesus ay bumili siya ng mga kakailanganin para sa kapistahan. O kaya ay may ipinabibigay sa kaniya sa mga dukha. 30 Pagkatanggap nga niya ng isang subo ay agad siyang umalis. Noon ay gabi na.
Ipinagpauna ni Jesus na Ipagkakaila Siya ni Pedro
31 Kaya nga, pagkaalis ni Judas, sinabi ni Jesus: Ngayon ay naluwalhati na ang Anak ng Tao. At ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya.
32 Yamang ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya, siya naman ay luluwalhatiin ng Diyos sa kaniyang sarili. At siya ay agad niyang luluwalhatiin.
33 Munting mga anak, makakasama ninyo ako nang kaunting panahon na lamang. Hahanapin ninyo ako. Sinabi ko sa mga Judio: Hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan. Ganito rin ang sinasabi ko sa inyo.
34 Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo, kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa. Kung papaanong inibig ko kayo ay gayundin naman kayong mag-ibigan sa isa’t isa. 35 Sa pamamagitan nito ay malalaman ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad. Ito ay kung may pag-ibig kayo sa isa’t isa.
36 Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, saan ka pupunta?
Sumagot si Jesus sa kaniya: Sa pupuntahan ko ay hindi ka makakasunod sa ngayon ngunit susunod ka sa akin pagkatapos.
37 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, bakit hindi ako makakasunod sa iyo sa ngayon? Iaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyong kapakanan.
38 Sumagot si Jesus sa kaniya: Iaalay mo ba ang iyong buhay alang-alang sa aking kapakanan? Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Hindi titilaok ang tandang hanggang sa ipagkaila mo ako nang tatlong ulit.
Copyright © 1998 by Bibles International