M’Cheyne Bible Reading Plan
Ipinaayos ni Joash ang Templo(A)
24 Si Joash ay pitong taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 40 taon. Ang ina niya ay si Zibia na taga-Beersheba. 2 Matuwid ang ginawa ni Joash sa paningin ng Panginoon sa buong buhay ng paring si Jehoyada. 3 Pumili si Jehoyada ng dalawang asawa para sa kanya, at nagkaroon siya ng mga anak na lalaki at babae.
4 Pagkalipas ng ilang panahon, nagpasya si Joash na ipaayos ang templo. 5 Ipinatawag niya ang mga pari at mga Levita, at sinabi, “Pumunta kayo sa mga bayan ng Juda at kolektahin nʼyo ang mga buwis ng Israelita bawat taon, para maipaayos natin ang templo ng ating Dios.” Pero hindi agad sumunod ang mga Levita.
6 Kaya ipinatawag ni Haring Joash si Jehoyada, ang punong pari, at tinanong, “Bakit hindi mo kinolekta sa mga Levita ang buwis ng mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem? Hindi ba nag-utos si Moises sa mamamayan ng Israel na ibigay nila ito para sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan?”
7 Ang mga anak ng masamang babaeng si Atalia ay pumasok noon sa templo ng Dios at nanguha ng mga banal na kagamitan para gamitin sa pagsamba kay Baal. 8 Kaya nag-utos si Haring Joash na gumawa ng kahon na paglalagyan ng pera, at ilagay ito sa labas ng pintuan ng templo. 9 Pagkatapos, naglabas siya ng pabalita sa Juda at sa Jerusalem, na kailangang dalhin ng mga tao sa Panginoon ang kanilang buwis ayon sa iniutos ni Moises sa mamamayan ng Israel sa disyerto. 10 Masayang nagbigay ang lahat ng opisyal at tao. Inihulog nila ang kanilang pera sa kahon hanggang mapuno ito.
11 Kapag puno na ang kahon, dinadala ito ng mga Levita sa mga opisyal ng hari. Pagkatapos, binibilang ito ng kalihim ng hari at ang opisyal ng punong pari, at ibinabalik nila ang kahon sa pintuan ng templo. Ginagawa nila ito araw-araw hanggang sa dumami ang koleksyon. 12 Pagkatapos, ibinigay nina Haring Joash at Jehoyada ang pera sa mga tao na namamahala sa pag-aayos ng templo ng Panginoon. At kumuha sila ng mga karpintero at manggagawang mahusay sa bakal at tanso. 13 Napakasipag ng mga itinalaga sa mga trabaho, kaya naging mabilis ang paggawa. Naayos nila ang templo ng Dios ayon sa orihinal na disenyo at mas pinatatag pa ito. 14 Nang matapos ang trabaho, isinauli nila sa hari at kay Jehoyada ang sobrang pera at ginamit ito sa paggawa ng mga kagamitan sa templo ng Panginoon – ang mga ginagamit sa pagsamba, sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog, pati na ang mga mangkok at mga sisidlan na ginto at pilak. At habang nabubuhay si Jehoyada, nagpatuloy ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon.
15 Nabuhay si Jehoyada nang mahabang taon, at namatay siya sa edad na 130. 16 Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lungsod ni David, dahil sa mabubuting ginawa niya sa Israel para sa Dios at sa kanyang templo.
17 Pero pagkatapos mamatay ni Jehoyada, pumunta ang mga opisyal ng Juda kay Haring Joash at hinimok siyang makinig sa kanila. 18 Nagpasya sila na pabayaan na lang ang templo ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at sumamba sa posteng simbolo ng diosang si Ashera at sa iba pang mga dios-diosan. Dahil sa ginawa nila, nagalit ang Dios sa Juda at sa Jerusalem. 19 Nagpadala ang Panginoon ng mga propeta sa mga tao para pabalikin sila sa kanya, pero hindi sila nakinig.
20 Si Zacarias na anak ni Jehoyada na pari ay pinuspos ng Espiritu ng Dios. Tumayo siya sa harapan ng mga tao at nagsabi, “Ito ang sinabi ng Dios: Bakit hindi nʼyo sinusunod ang mga utos ng Panginoon? Hindi kayo uunlad kailanman. Dahil itinakwil nʼyo ang Panginoon, itatakwil din niya kayo.”
21 Nagplano ang mga opisyal na patayin si Zacarias. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias sa loob ng bakuran ng templo ng Panginoon, at namatay ito. 22 Kinalimutan ni Haring Joash ang kabutihang ipinakita sa kanya ni Jehoyada, na ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya si Zacarias. Ito ang sinabi ni Zacarias nang naghihingalo na siya, “Sanaʼy pansinin ng Panginoon ang inyong ginawa, at singilin niya kayo.”
23 Nang simula ng bagong taon, nilusob ng mga sundalo ng Aram ang Juda. Natalo nila ang Juda at ang Jerusalem, at pinatay nila ang mga pinuno ng Juda. At dinala nila sa kanilang hari sa Damascus ang lahat ng kanilang nasamsam. 24 Kakaunti lang ang mga sundalo ng Aram na lumusob kung ihahambing sa mga sundalo ng Juda. Pero ipinatalo sa kanila ng Panginoon ang Juda, dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Kaya dumating ang parusang ito kay Joash.
25 Pag-alis ng mga taga-Aram, malubha ang mga sugat ni Joash. Pero nagplano ang kanyang mga opisyal na patayin siya dahil sa pagpatay niya sa anak ni Jehoyada na pari. Kaya pinatay nila siya sa kanyang higaan. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.
26 Ang mga pumatay sa kanya ay sina Zabad na anak ng isang babaeng Ammonita na si Shimeat, at si Jehozabad na anak ng isang babaeng Moabita na si Shimrit. 27 Ang salaysay tungkol sa mga anak ni Joash, sa mga propesiya tungkol sa kanya, at sa pagpapaayos ng templo ng Dios ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari. At ang anak niyang si Amazia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Dalawang Saksi
11 Pagkatapos nito, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi sa akin, “Sukatin mo ang templo ng Dios at ang altar, at bilangin mo ang mga taong sumasamba roon. 2 Pero huwag mong sukatin ang labas ng templo dahil inilaan iyan para sa mga taong hindi kumikilala sa Dios. Sila ang mga taong sisira sa banal na lungsod ng Jerusalem sa loob ng 42 buwan. 3 Sa mga araw na iyon isusugo ko roon ang dalawang saksi ko. Magsusuot sila ng damit na sako bilang pahiwatig sa mga tao na kailangan na nilang magsisi sa mga kasalanan nila. Ipapahayag nila ang mensahe ng Dios sa loob ng 1,260 araw.”
4 Ang dalawang saksing ito ay ang dalawang punong olibo[a] at dalawang ilawan sa harap ng Panginoon ng buong mundo. 5 Kung may magtangkang manakit sa dalawang ito, may apoy na lalabas sa bibig nila at masusunog ang kanilang kaaway. Ganyan papatayin ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. 6 May kapangyarihan silang pigilin ang ulan upang hindi umulan habang nagpapahayag sila ng mensahe ng Dios. May kapangyarihan din sila na gawing dugo ang mga tubig at magpadala ng lahat ng uri ng salot sa mundo anumang oras na gustuhin nila.
7 Pagkatapos nilang ipahayag ang mensahe ng Dios, makikipaglaban sa kanila ang halimaw na galing sa kailaliman. Tatalunin at papatayin sila ng halimaw. 8 Ang bangkay nila ay pababayaan sa lansangan ng tanyag na lungsod, ang lugar na pinagpakuan sa krus ng kanilang Panginoon. Ito rin ang lungsod na tinaguriang Sodom at Egipto. 9 Sa loob ng tatloʼt kalahating araw, ang bangkay nila ay panonoorin ng mga tao mula sa ibaʼt ibang lahi, angkan, wika at bansa, at hindi sila papayag na ilibing ang mga ito. 10 Matutuwa ang mga tao sa buong mundo dahil sa pagkamatay ng dalawang propeta. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo dahil namatay na ang dalawang iyon na nagpahirap sa mga tao sa mundo. 11 Ngunit pagkalipas ng tatloʼt kalahating araw, muli silang binuhay ng Dios. Bumangon sila, at ganoon na lang ang takot ng lahat ng nakakita sa kanila. 12 Narinig ng dalawa ang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang tinitingnan sila ng mga kaaway nila, pumapaitaas sila sa langit sakay ng ulap. 13 Nang oras ding iyon, lumindol nang napakalakas. Nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod, at 7,000 ang namatay. Natakot ang natirang mga tao, kaya pinuri nila ang Dios sa langit.
14 Natapos na ang ikalawang nakakatakot na pangyayari, ngunit susunod pa ang ikatlo.
Ang Ikapitong Trumpeta
15 Nang patunugin ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, may narinig akong malalakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Maghahari na ngayon sa buong mundo ang ating Panginoon at ang Cristo na kanyang pinili. At maghahari siya magpakailanman.” 16 At ang 24 na namumuno na nakaupo sa mga trono nila ay lumuhod at sumamba sa Dios. 17 Sinabi nila,
“Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat,
kayo po ang Dios noon, at kayo rin ang Dios ngayon.
Nagpapasalamat kami sa inyo dahil ginamit nʼyo na ang inyong kapangyarihan,
at nagsimula na kayong maghari ngayon sa mundo.
18 Galit na galit ang mga taong hindi kumikilala sa inyo,
dahil dumating na ang panahon upang parusahan nʼyo sila.
Panahon na upang hatulan nʼyo ang mga patay
at bigyan ng gantimpala ang inyong mga lingkod, mga propeta, mga pinabanal,
at ang lahat ng may takot sa inyo, dakila man o hindi.
At panahon na rin upang lipulin ang mga namumuksa sa mundo.”
19 Pagkatapos, binuksan ang templo ng Dios doon sa langit, at naroon sa loob ang Kahon ng Kasunduan. Kumidlat, kumulog, umugong, lumindol at umulan ng yelo na parang mga bato.
Tinuligsa ang Pakunwaring Pag-aayuno
7 May sinabi ang Panginoon kay Zacarias noong ikaapat na araw ng buwan ng Kislev (ikasiyam na buwan), nang ikaapat na taon ng paghahari ni Darius. 2-3 Nangyari ito matapos ipadala ng mga mamamayan ng Betel si Sharezer at si Regem Melec, kasama ang kanilang mga tauhan, upang hilingin sa mga pari sa templo at sa mga propeta na tanungin ang Panginoon kung talagang kailangan pa nilang magluksa at mag-ayuno sa ikalimang buwan upang alalahanin ang pagkagiba ng templo, gaya ng maraming taon na nilang ginagawa. 4 At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias: 5 “Sabihin mo sa lahat ng mga mamamayan ng Israel pati sa mga pari, na ang kanilang pag-aayuno at pagluluksa sa bawat ikalima at ikapitong buwan sa loob ng 70 taon ay hindi nila ginagawa para sa akin. 6 At kung silaʼy kumakain at umiinom, ginagawa nila iyan para lamang sa sarili nilang kaligayahan. 7 Ito rin ang mensahe na ipinasabi ko sa mga propeta noon, nang masagana pa ang Jerusalem at marami pa itong tao pati ang mga bayang nasa paligid nito, at pati na ang Negev[a] at ang kaburulan sa kanluran.”[b]
8-9 Sinabi muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ito ang sinabi ko sa aking mga mamamayan: ‘Humatol kayo nang makatarungan. Ipakita ninyo ang inyong kabutihan at habag sa isaʼt isa. 10 Huwag ninyong gigipitin ang mga biyuda, mga ulila, mga dayuhan, at ang mga mahihirap. Huwag kayong magbalak ng masama laban sa isaʼt isa.’
11 “Ngunit hindi nila pinansin ang aking sinabi. Tinanggihan nila ito at hindi sila nakinig. 12 Pinatigas nilang parang bato ang kanilang mga puso, at hindi sila nakinig sa Kautusan at mga salitang ipinasasabi ng aking Espiritu sa pamamagitan ng mga propeta noon. Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay talagang galit na galit. 13 At dahil hindi sila nakinig sa mga sinabi ko, hindi rin ako makikinig kapag tumawag sila sa akin. 14 Para akong buhawing nagpangalat sa kanila sa ibaʼt ibang lugar na hindi pa nila napupuntahan. Iniwanan nila ang kanilang magandang lupain na hindi na mapapakinabangan at hindi na rin matitirhan.”
Ang Tunay na Pastol
10 Nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng paghahalintulad. Sinabi niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi dumadaan sa pintuan, kundi umaakyat sa pader ay magnanakaw at tulisan. 2 Ngunit ang dumadaan sa pintuan ay ang pastol ng mga tupa. 3 Pinapapasok siya ng tagapagbantay sa pintuan, at kilala ng mga tupa ang boses niya. Tinatawag niya ang mga tupa sa kani-kanilang pangalan at inilalabas sa kulungan. 4 Kapag nailabas na niya ang mga tupa, nauuna siya sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa dahil, kilala nila ang boses niya. 5 Ngunit hindi nila susundin ang iba; sa halip ay agad pa nga nila itong lalayuan, dahil hindi nila kilala ang boses nito.”
6 Sinabi ni Jesus sa mga tao ang paghahalintulad na ito, pero hindi nila naintindihan ang ibig niyang sabihin.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
7 Kaya muling sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako ang pintuan na dinadaanan ng mga tupa. 8 May mga tagapagturo na nauna sa akin, na ang katulad ay mga magnanakaw at mga tulisan. Ngunit hindi sila pinakinggan ng aking mga tupa. 9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Magiging katulad siya ng tupa na malayang nakakapasok at nakakalabas ng kulungan, at makakatagpo siya ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lang magnakaw, pumatay at mangwasak. Ngunit dumating ako upang magkaroon ang mga tao ng buhay na ganap.
11 “Ako ang mabuting pastol, at ang isang mabuting pastol ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. 12 Hindi siya katulad ng bayarang pastol ng mga tupa, sapagkat ang ganitong tagapagbantay ay tumatakas at iniiwan ang mga tupa kapag nakakita ng asong lobo na paparating. Kaya sinasalakay ng lobo ang mga tupa at nagkakawatak-watak sila. 13 Tumatakas siya dahil bayaran lang siya at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako ang mabuting pastol. Kung paano ako nakikilala ng aking Ama at kung paano ko siya nakikilala, ganyan din ang pagkakakilala ko sa aking mga tupa at ang pagkakakilala nila sa akin. At iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila. 16 May iba pa akong mga tupa na wala sa kawan na ito ng mga Judio. Kinakailangan ko rin silang tipunin. Pakikinggan din nila ang mga salita ko, at ang lahat ng nakikinig sa akin ay magiging isang kawan na lang na may iisang pastol.
17 “Mahal ako ng Ama, dahil iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila, at pagkatapos ay muli akong mabubuhay. 18 Walang makakakuha ng aking buhay, kundi kusa ko itong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan din akong bawiin ito. Sinabi ito ng aking Ama sa akin.”
19 Dahil sa sinabing ito ni Jesus, nagkaroon na naman ng pagtatalo ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsasabi, “Baliw siya at sinasaniban ng masamang espiritu. Bakit nʼyo siya pinapakinggan?” 21 Pero sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagturo nang ganyan ang sinasaniban ng masamang espiritu. At isa pa, paano siya makakapagpagaling ng bulag kung totoong sinasaniban nga siya?”
Itinakwil ng mga Judio si Jesus
22 Sumapit ang pagdiriwang ng Pista ng Pagtatalaga ng Templo sa Jerusalem. Taglamig na noon, 23 at naglalakad si Jesus sa bahagi ng templo na kung tawagin ay Balkonahe ni Solomon. 24 Pinalibutan siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo ililihim sa amin kung sino ka talaga? Kung ikaw nga ang Cristo, tapatin mo na kami.” 25 Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo kung sino ako, pero ayaw naman ninyong maniwala. Ang mga ginawa kong himala sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatunay kung sino ako. 26 Ngunit ayaw nʼyong maniwala sa akin dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanman ay hindi sila mapapahamak. Walang makakaagaw sa kanila sa aking kamay. 29 Ibinigay sila sa akin ng Ama na higit na makapangyarihan sa lahat. Walang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”
31 Nang marinig ito ng mga Judio, muli silang dumampot ng mga bato para batuhin siya. 32 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Ipinakita ko sa inyo ang maraming mabubuting gawa na ipinapagawa sa akin ng Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit nʼyo ako babatuhin?” 33 Sumagot sila, “Hindi ka namin babatuhin dahil sa mabubuti mong gawa, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Dios. Sapagkat sinasabi mong ikaw ay Dios gayong tao ka lang.” 34 Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan na sinabi ng Dios na kayoʼy mga dios?[a] 35 At hindi natin maaaring balewalain ang Kasulatan. Kaya kung tinawag niyang ‘dios’ ang mga binigyan niya ng mensahe niya, 36 bakit nʼyo sinasabing nilalapastangan ko ang Dios dahil sa sinabi kong akoʼy Anak ng Dios? Pinili ako ng Ama at sinugo niya rito sa mundo. 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng Ama, huwag kayong maniwala sa akin. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ipinapagawa ng aking Ama, kahit ayaw nʼyong maniwala sa akin, paniwalaan nʼyo ang mga ginawa ko upang maunawaan nʼyo na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa aking Ama.”
39 Tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, pero nakatakas siya.
40 Bumalik si Jesus sa kabila ng Ilog ng Jordan, sa lugar na pinagbautismuhan noon ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming tao ang pumunta sa kanya. Sinabi nila, “Wala ngang ginawang himala si Juan, pero totoong lahat ang sinabi niya tungkol sa taong ito.” 42 At marami sa mga naroon ang sumampalataya kay Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®