Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 13

Ang Paghahari ni Abijah sa Juda(A)

13 Naging hari ng Juda si Abijah noong ika-18 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca[a] na anak ni Uriel na taga-Gibea.

Naglaban sina Abijah at Jeroboam. Lumusob si Abijah kasama ang 400,000 matatapang na tao, at naghanda si Jeroboam ng 800,000 matatapang na tao sa pakikipaglaban. Pagdating nila Abijah sa mababang bahagi ng Efraim, tumayo si Abijah sa Bundok ng Zemaraim, at sumigaw kay Jeroboam at sa mga taga-Israel, “Makinig kayo sa akin. Hindi nʼyo ba alam na ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay gumawa ng walang hanggang kasunduan kay David na siya at ang kanyang mga angkan ang maghahari sa Israel magpakailanman? Pero ikaw Jeroboam na anak ni Nebat ay nagrebelde sa iyong amo na si Solomon na anak ni David. Sumama sa iyo ang mga walang kwentang tao, at kumakalaban sa anak ni Solomon na si Rehoboam noong bata pa ito, at wala pang karanasan at kakayahang lumaban sa inyo. At ngayon gusto nʼyong kalabanin ang kaharian ng Panginoon na pinamamahalaan ng angkan ni David. Nagmamayabang kayo na marami ang mga sundalo ninyo at dala nʼyo ang mga gintong baka na ipinagawa ni Jeroboam bilang mga dios ninyo. Pinalayas nʼyo ang mga pari ng Panginoon, na angkan ni Aaron at ang mga Levita, at pumili kayo ng sarili nʼyong mga pari gaya ng ginagawa ng ibang mga bansa. Sinuman sa inyo na may toro at pitong lalaking tupa ay maaari ng italaga bilang pari ng inyong huwad na mga dios.

10 “Pero kami, ang Panginoon ang aming Dios, at hindi namin siya itinakwil. Ang mga pari namin na naglilingkod sa Panginoon ay mga angkan ni Aaron, at tinutulungan sila ng mga Levita. 11 Tuwing umaga at gabi, naghahandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at insenso. Naglalagay sila ng tinapay sa mesa na itinuturing na malinis. At tuwing gabi, sinisindihan nila ang mga ilaw na nasa gintong mga patungan. Tinutupad namin ang mga utos ng Panginoon naming Dios. Pero kayo, itinakwil nʼyo siya. 12 Ang Dios ay kasama namin; siya ang pinuno namin. Patutunugin ng kanyang mga pari ang mga trumpeta nila sa pangunguna sa amin sa pakikipaglaban sa inyo. Mga mamamayan ng Israel, huwag kayong sumalungat laban sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, dahil hindi kayo magtatagumpay.”

13 Habang nagsasalita si Abijah, lihim na nagsugo si Jeroboam ng mga sundalo sa likod ng mga taga-Juda para tambangan sila. 14 Nang makita ng mga taga-Juda na nilulusob sila sa likuran at sa harapan, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Pinatunog agad ng mga pari ang mga trumpeta, at 15 sumigaw nang malakas ang mga taga-Juda sa paglusob. Sa kanilang pagsigaw, tinalo ng Dios si Jeroboam at ang mga sundalo ng Israel. Hinabol sila ni Abijah at ng mga sundalo ng Juda. 16 Tumakas sila at ibinigay sila ng Dios sa mga taga-Juda. 17 Marami ang napatay ni Abijah at ng mga tauhan niya – 500,000 matatapang na taga-Israel. 18 Kaya natalo ng mga taga-Juda ang mga taga-Israel, dahil nagtiwala sila sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

19 Hinabol ni Abijah si Jeroboam at inagaw niya rito ang mga bayan ng Betel, Jeshana at Efron, at ang mga baryo sa paligid nito. 20 Hindi na mabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan nang panahon ni Abijah, at pinarusahan siya ng Panginoon at siyaʼy namatay. 21 Samantala, lalo pang naging makapangyarihan si Abijah. May 14 siyang asawa at 22 anak na lalaki at 16 na anak na babae. 22 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Abijah, ang kanyang mga sinabi at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Iddo.

Pahayag 3

Ang Sulat para sa Iglesya sa Sardis

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Sardis:

“Ito ang mensahe ng may pitong Espiritu ng Dios[a] at may hawak na pitong bituin: Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Marami ang nagsasabi na buhay na buhay ang pananampalataya nʼyo sa akin, ngunit ang totoo, para kayong patay. Gumising kayo at pasiglahin ang natitira ninyong pananampalataya, para hindi tuluyang mamatay. Dahil nakikita ko na ang mga gawa nʼyo ay hindi pa ganap sa paningin ng aking Dios. Kaya alalahanin ninyo ang mga aral na tinanggap ninyo. Sundin ninyo ang mga iyon at pagsisihan ang inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo gigising, darating ako sa oras na hindi ninyo inaasahan, tulad ng isang magnanakaw na hindi ninyo alam kung kailan darating. Ngunit may ilan sa inyo riyan sa Sardis na hindi nahawa sa masamang gawain ng iba. Lalakad silang kasama ko na nakasuot ng puting damit, dahil karapat-dapat sila. Ang magtatagumpay ay bibihisan ng puting damit at hindi ko aalisin ang pangalan niya sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Ipapakilala ko sila sa aking Ama at sa kanyang mga anghel na sila ay mga tagasunod ko.

“Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Filadelfia

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Filadelfia:

“Ito ang mensahe ng banal at mapagkakatiwalaan na may hawak ng susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pinto ng kaharian, walang makapagsasara nito. At kapag isinara niya, wala sinumang makapagbubukas nito: Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Kahit kakaunti ang inyong kakayahan, sinunod ninyo ang mga turo ko at naging tapat kayo sa akin. Kaya nagbukas ako ng pintuan para sa inyo na walang sinumang makapagsasara. Makinig kayo! Ito naman ang gagawin ko sa mga kampon ni Satanas na mga sinungaling at nagpapanggap na mga Judio: Paluluhurin ko sila sa harapan ninyo, at malalaman nila na mahal ko kayo. 10 Darating ang matinding kahirapan sa buong mundo na susubok sa mga tao. Ngunit dahil sinunod ninyo ang utos ko na magtiis, ililigtas ko kayo sa panahong iyon. 11 Malapit na akong dumating. Kaya ipagpatuloy ninyo ang mabubuti ninyong gawa upang hindi maagaw ng kahit sino ang gantimpalang inihanda para sa inyo. 12 Ang magtatagumpay ay gagawin kong parang haligi sa bahay ng aking Dios, at hindi na siya aalis doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Dios at ang pangalan ng lungsod ng Dios, ang bagong Jerusalem na bababa mula sa langit. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.

13 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Laodicea

14 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Laodicea:

“Ito ang mensahe ng tinatawag na Amen, ang tapat at tunay na saksi. Siya ang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Dios: 15-16 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam kong hindi kayo malamig o mainit. Gusto ko sanang malamig kayo o mainit. Ngunit dahil maligamgam kayo, isusuka ko kayo. 17 Sinasabi ninyo na mayaman kayo, sagana sa lahat ng bagay at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo alam na kaawa-awa kayo dahil mahirap kayo sa pananampalataya, bulag sa katotohanan at hubad sa paningin ng Dios. 18 Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng ginto na dinalisay sa apoy[b] upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot sa mata upang makita ninyo ang katotohanan. 19 Ang lahat ng minamahal ko ay tinutuwid ko at dinidisiplina. Kaya magsisi kayo at ituwid ang ugali ninyo. 20 Narito ako sa labas ng pintuan ninyo at kumakatok. Kung may makarinig sa akin at buksan ang pinto, papasok ako at magsasalo kami sa pagkain. 21 Ang magtatagumpay ay pauupuin ko sa tabi ng aking trono,[c] tulad ko na nagtagumpay at naupo sa tabi ng trono ng aking Ama.

22 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Hageo 1

Ang Panawagan ng Dios na Muling Ipatayo ang Templo

Noong unang araw ng ikaanim na buwan, nang ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia, may sinabi ang Panginoon kina Zerubabel at Josue sa pamamagitan ni Propeta Hageo. Si Zerubabel na anak ni Shealtiel ang gobernador ng Juda, at si Josue na anak ni Jehozadak ang punong pari.

2-3 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa pamamagitan ni Propeta Hageo, “Sinasabi ninyo na hindi pa ito ang panahon upang muling itayo ang aking templo. Matitiis nʼyo bang tumira sa magagandang bahay habang wasak ang templo? Isipin ninyo ang mga nangyayari sa inyo. Marami ang inihasik ninyo, pero kakaunti ang inyong ani. May pagkain nga kayo, pero kulang. May inumin nga kayo, pero hindi rin sapat. May damit kayo, pero giniginaw pa rin kayo. At may tinatanggap kayong sweldo, pero kulang pa rin. Kaya isipin ninyo ang mga nangyayari sa inyo. Ngayon, umakyat kayo sa bundok at kumuha ng mga kahoy, at itayo ninyong muli ang templo. Sa ganitong paraan, masisiyahan ako at mapaparangalan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Marami ang aning inaasahan ninyo, pero kakaunti lang ang naani ninyo. At sinira ko pa ito nang iuwi ninyo sa inyong bahay. Ginawa ko ito dahil wasak ang aking templo habang ang bawat isa sa inyo ay abalang gumagawa ng bahay ninyo. 10 Kaya dahil sa inyo, ang langit ay hindi na magbibigay ng hamog, at ang lupa ay hindi na magbibigay ng ani. 11 Pinatuyo ko ang lupain at ang mga kabundukan, kaya naapektuhan ang mga butil, katas ng ubas, langis, at ang iba pang mga ani, maging ang mga tao, at ang kanilang mga hayop at mga pananim.”

12 At sinunod nga nina Zerubabel, Josue, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel mula sa pagkabihag sa Babilonia ang sinabi ng Panginoon na kanilang Dios sa pamamagitan ni Propeta Hageo na kanyang sugo. Sa pamamagitan nito, ipinakita nila ang kanilang paggalang sa Panginoon.

13 Sinabi ni Hageo na sugo ng Panginoon sa mga Israelita, “Sinasabi ng Panginoon na kasama ninyo siya.” 14 Pinalakas ng Panginoon ang loob nina Zerubabel, Josue, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel, upang muling itayo ang templo ng kanilang Panginoong Dios na Makapangyarihan. 15 Sinimulan nila ang pagtatayo ng templo noong ika-24 na araw ng ikaanim na buwan, nang ikalawang taon ng paghahari ni Darius.

Juan 2

Ang Kasalan sa Cana

Pagkalipas ng dalawang araw, may ginanap na kasalan sa bayan ng Cana na sakop ng Galilea. Naroon ang ina ni Jesus. Inimbita rin si Jesus at ang mga tagasunod niya. Nang maubos ang alak sa handaan, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” Sumagot si Jesus, “Babae,[a] huwag po ninyo akong pangunahan. Hindi pa po dumarating ang panahon ko.” Sinabi ng ina ni Jesus sa mga katulong, “Sundin ninyo ang anumang iutos niya.”

May anim na tapayan doon na ginagamit ng mga Judio sa ritwal nilang paghuhugas.[b] Ang bawat tapayan ay naglalaman ng 20 hanggang 30 galon ng tubig. Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila ang mga ito. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumalok kayo at dalhin sa namamahala ng handaan.” Sumalok nga sila at dinala sa namamahala. Tinikman ng namamahala ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang alak. (Pero alam ito ng mga katulong na sumalok ng tubig.) Kaya ipinatawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Karaniwan, ang pinakamainam na alak muna ang inihahanda, at kapag marami nang nainom ang mga tao, saka naman inilalabas ang ordinaryong alak. Pero iba ka, dahil ngayon mo lang inilabas ang espesyal na alak.”

11 Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea ay ang unang himala na ginawa ni Jesus. Sa ginawa niyang ito, ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan, at sumampalataya sa kanya ang mga tagasunod niya.

12 Pagkatapos ng kasalan, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga tagasunod. Nanatili sila roon ng ilang araw.

Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(A)

13 Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel,[c] kaya pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya roon sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at mga kalapati. Nakita rin niya ang mga nagpapalit ng pera ng mga dayuhan sa kanilang mga mesa. 15 Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya palabas ng templo ang mga baka at tupa. Ikinalat niya ang mga pera ng mga nagpapalit at itinaob ang mga mesa nila. 16 Sinabi ni Jesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” 17 Naalala ng mga tagasunod niya ang nakasulat sa Kasulatan: “Mapapahamak ako dahil sa pagmamalasakit ko sa bahay ninyo.”[d]

18 Dahil sa ginawa niyang ito, tinanong siya ng mga pinuno ng mga Judio, “Anong himala ang maipapakita mo sa amin upang mapatunayan mong may karapatan kang gawin ito?” 19 Sinagot sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli.” 20 Sinabi naman nila, “Ginawa ang templong ito ng 46 na taon at itatayo mo sa loob lang ng tatlong araw?” 21 Pero hindi nila naintindihan na ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya nang nabuhay siyang muli, naalala ng mga tagasunod niya ang sinabi niyang ito. At naniwala sila sa pahayag ng Kasulatan at sa mga sinabi ni Jesus tungkol sa kanyang muling pagkabuhay.

Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao

23 Habang si Jesus ay nasa Jerusalem, nang Pista ng Paglampas ng Anghel, marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginawa niya. 24 Pero hindi nagtiwala si Jesus sa pananampalataya nila, dahil kilala niya ang lahat ng tao. 25 At hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa mga tao, dahil alam niya kung ano ang nasa mga puso nila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®