M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagtatalaga ng Templo(A)
7 Nang matapos ni Solomon ang kanyang panalangin, may apoy na bumaba mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, at nabalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang templo. 2 Hindi makapasok ang mga pari sa templo ng Panginoon dahil ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay bumalot sa templo. 3 Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang apoy na bumaba at ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ibabaw ng templo, lumuhod sila at sumamba sa Panginoon na may pasasalamat. Sinabi nila, “Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”
4 Pagkatapos, naghandog sa Panginoon si Haring Solomon at ang lahat ng mamamayan. 5 Naghandog sila ng 22,000 baka at 120,000 tupaʼt kambing. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng mga mamamayan ang templo ng Panginoon. 6 Pumwesto ang mga pari sa templo, at ganoon din ang mga Levita na umaawit, “Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.” Tinutugtog nila ang awit gamit ang mga instrumento na ipinagawa ni Haring David sa pagpupuri sa Dios. Sa harap ng mga Levita, ang mga pari ay nagpapatunog din ng mga trumpeta nila habang nakatayo ang lahat ng mga Israelita.
7 Itinalaga ni Solomon ang bakuran sa harap ng templo ng Panginoon para roon mag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at mga taba bilang handog para sa mabuting relasyon. Dahil ang tansong altar na ipinagawa niya ay hindi kakasya para sa mga handog na ito.
8 Nagdiwang pa si Solomon at ang lahat ng mga Israelita ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ng pitong araw. Napakarami ng mga mamamayan na nagtipon mula sa Lebo Hamat sa gawing hilaga hanggang sa Lambak ng Egipto sa gawing timog. 9 Nang ikawalong araw, ginanap nila ang huling pagtitipon, dahil ipinagdiwang nila ang pagtatalaga ng altar at ng buong templo nang ikapitong araw at ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol nang ikapito ring araw. 10 Kinabukasan, na siyang ika-23 araw ng ikapitong buwan, pinauwi ni Solomon ang mga tao. Umuwi sila na masaya dahil sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon kay David at kay Solomon, at sa mga mamamayan niyang Israelita.
Nagpakita ang Dios kay Solomon(B)
11 Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. Natapos niya ang lahat ng binalak niya para rito. 12 At isang gabi, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Narinig ko ang panalangin mo at pinili ko ang templong ito na lugar para pag-aalayan ng mga handog.
13 “Halimbawang hindi ko paulanin, o kaya namaʼy magpadala ako ng mga balang sa lupa na kakain ng mga tanim, o magpadala ako ng salot sa aking mga mamamayan; 14 at kung ang mga mamamayan ko na aking tinawag ay magpakumbaba, manalangin, dumulog sa akin, at tumalikod sa ginagawa nilang kasamaan, diringgin ko sila mula sa langit at patatawarin ang kanilang kasalanan, at pagpapalain ko ulit pagpapalain ang kanilang lupain. 15 Papansinin ko sila at pakikinggan ang kanilang mga panalangin sa lugar na ito, 16 dahil ang templong ito ay pinili kong isang lugar kung saan pararangalan ako magpakailanman. Iingatan ko ito at laging aalagaan.
17 “At ikaw, kung mamumuhay ka sa aking harapan gaya ng iyong amang si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, 18 paghahariin ko ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong amang si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Hindi ka mawawalan ng angkan na maghahari sa Israel.’ 19 Pero kung tatalikod kayo at hindi tutuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios, 20 palalayasin ko kayo sa lupain na ibinigay ko sa inyo, at itatakwil ko ang templong ito na pinili kong lugar para sa karangalan ng aking pangalan. At itoʼy kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao. 21 At kahit maganda at tanyag ang templong ito, gigibain ko ito. Magugulat at magtataka ang lahat ng daraan dito at magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at sa templong ito?’ 22 Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto, at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kasamaang ito.’ ”
1 Mula sa namumuno sa iglesya.
Mahal kong Ginang na pinili ng Dios, kasama ng iyong mga anak. Minamahal ko kayong tunay,[a] at hindi lang ako kundi ang lahat ng nakakakilala sa katotohanan. 2 Minamahal namin kayo dahil sa katotohanang nasa atin at mananatili sa atin magpakailanman.
3 Manatili sana sa atin ang biyaya, awa, at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo na kanyang Anak, habang namumuhay tayo sa katotohanan at pag-ibig.
Ang Katotohanan at Ang Pag-ibig
4 Labis ang kagalakan ko nang malaman ko na ang ilan sa mga anak mo ay sumusunod sa katotohanan, ayon sa iniutos sa atin ng Dios Ama. 5 Kaya Ginang, hinihiling ko sa iyo ngayon na magmahalan tayong lahat. Hindi ito isang panibagong utos kundi ito rin ang utos na ibinigay sa atin noong una tayong sumampalataya. 6 Makikita ang pag-ibig sa atin kung namumuhay tayo ayon sa mga utos ng Dios. At ang utos niya na narinig ninyo mula nang sumampalataya kayo ay ito: mamuhay tayo nang may pag-ibig.
7 Mahalaga ito, dahil marami nang nagkalat na manlilinlang sa mundo. Ito ang mga taong hindi kumikilala na si Jesu-Cristo ay naging tao. Silaʼy mga manlilinlang at anti-Cristo. 8 Mag-ingat kayo at nang hindi mawala ang inyong pinaghirapan, sa halip ay matanggap ninyo ang buong gantimpala.
9 Ang sinumang hindi sumusunod sa aral ni Cristo o nagtuturo pa ng labis dito ay hindi pinananahanan ng Dios. Ngunit ang sinumang sumusunod sa aral ni Cristo ay pinananahanan ng Ama at ng Anak. 10 Kung may dumating man sa inyo na iba ang ipinangangaral tungkol kay Cristo, huwag nʼyo siyang tanggapin sa inyong tahanan, ni huwag nʼyo siyang batiin nang may pagpapala. 11 Sapagkat ang sinumang bumati sa kanya ng ganoon ay nakikibahagi sa masasama niyang gawain.
12 Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi ko na lang isusulat. Sapagkat umaasa akong makakadalaw ako riyan at makakausap kayo nang personal, upang malubos ang ating kagalakan.
13 Kinukumusta ka ng mga anak ng kapatid mong babae, na tulad moʼy isa rin sa mga pinili ng Dios.
2 Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing.”
Ang Sagot ng Dios kay Habakuk
2 Ito ang sagot ng Panginoon kay Habakuk: “Isulat nang malinaw sa sulatang bato ang pahayag na ito para madaling basahin. 3 Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.”
4 Ito ang isulat mo:
“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Pero ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.[a] 5 Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan.[b] At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa. 6 Pero kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito,
“ ‘Nakakaawa naman kayo, kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo at nagpapayaman sa pamamagitan ng pandaraya. Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin? 7 Bigla nga kayong gagantihan ng mga bansang binihag ninyo,[c] at dahil sa kanila ay manginginig kayo sa takot, at sila naman ang sasamsam ng inyong mga ari-arian. 8 Dahil maraming bansa ang sinamsaman ninyo ng mga ari-arian, kayo naman ang sasamsaman ng mga natitirang tao sa mga bansang iyon. Mangyayari ito sa inyo dahil sa inyong pagpatay ng mga tao at pamiminsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
9 “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng mga bahay[d] sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan. Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay upang makaligtas kayo kapag dumating ang kapahamakan. 10 Dahil sa pagpatay ninyo ng maraming tao, kayo rin ay papatayin at wawasakin ang inyong mga bahay.[e] 11 Ang mga bato ng pader at ang mga biga ng bahay ay parang tao na hihingi ng tulong dahil mawawasak na ang buong bahay.
12 “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng lungsod sa pamamagitan ng kalupitan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 13 Pero ang mga ipinatayo ninyo sa mga tao na binihag ninyo ay susunugin lang, kaya mawawalan ng kabuluhan ang inyong pinagpaguran. Itinakda na iyan ng Panginoong Makapangyarihan. 14 Sapagkat kung paanong ang karagatan ay puno ng tubig, ang lahat ng tao sa mundo ay mapupuno rin ng kaalaman tungkol sa kadakilaan ng Panginoon.
15 “ ‘Nakakaawa kayo! Sa inyong poot ay ipinahiya ninyo ang inyong mga karatig bansa. Parang nilalasing ninyo sila upang makita ninyo silang huboʼt hubad. 16 Ngayon kayo naman ang ilalagay sa kahihiyan sa halip na parangalan, dahil parurusahan kayo ng Panginoon. Kayo naman ang paiinumin niya sa tasa ng kanyang galit, at kapag lasing na kayo, makikita ang inyong kahubaran[f] at malalagay kayo sa kahihiyan. 17 Pinutol ninyo ang mga puno sa Lebanon, at dahil dito, namatay ang mga hayop doon. Kaya ngayon, kayo naman ang pipinsalain at manginginig sa takot. Mangyayari ito sa inyo dahil sa pagpatay ninyo ng mga tao at pagpinsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
18 “ ‘Ano ang kabuluhan ng mga dios-diosan? Gawa lang naman ang mga ito ng tao mula sa kahoy o metal, at hindi makapagsasabi ng katotohanan. At bakit nagtitiwala sa mga dios-diosang ito ang mga taong gumawa sa kanila? Ni hindi nga makapagsalita ang mga ito? 19 Nakakaawa kayong nagsasabi sa rebultong kahoy o bato, “Gumising ka at tulungan kami.” Ni hindi nga iyan makapagtuturo sa inyo. At kahit pa balot iyan ng ginto at pilak, wala namang buhay. 20 Pero ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo. Kaya ang buong mundo ay manahimik sa kanyang presensya.’ ”
Ang Kaloob ng Biyuda(A)
21 Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang naghuhulog ng pera sa lalagyan ng mga kaloob sa templo. 2 Nakita rin niya ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang pirasong barya. 3 Sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa kanilang lahat. 4 Sapagkat silang lahat ay nagbigay galing sa sobra nilang pera, pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng ikabubuhay niya.”
Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(B)
5 May ilan doon na nag-uusap tungkol sa mga mamahaling bato ng templo at mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Sinabi sa kanila ni Jesus, 6 “Darating ang araw na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay magigiba at walang maiiwang bato na magkapatong.”
Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(C)
7 Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari iyon?”
8 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihin nilang sila ang Cristo, at sasabihin din nilang dumating na ang panahon. Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 At kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang katapusan.”
10 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa ibaʼt ibang lugar. At makakakita kayo ng mga nakakatakot at nakakamanghang palatandaan mula sa langit.
12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng iyan ay uusigin muna kayo at dadakpin ng mga tao. Dadalhin nila kayo sa mga sambahan ng mga Judio upang akusahan at ipabilanggo. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 13 Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 14 Kaya itanim ninyo sa inyong isip na hindi kayo dapat mabalisa kung ano ang inyong isasagot. 15 Sapagkat bibigyan ko kayo ng karunungan sa pagsagot para hindi makaimik ang inyong mga kalaban. 16 Ibibigay kayo sa inyong mga kaaway ng sarili ninyong mga magulang, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 18 Ngunit hindi kayo mapapahamak.[a] 19 At kung magpapakatatag kayo, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.
Tungkol sa Pagkawasak ng Jerusalem(D)
20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga sundalo ang Jerusalem, malalaman ninyong malapit na itong mawasak. 21 Kaya ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, at ang mga nasa Jerusalem ay kailangang umalis agad. At ang mga nasa bukid naman ay huwag nang bumalik pa sa Jerusalem. 22 Sapagkat panahon na iyon ng pagpaparusa, upang matupad ang nakasaad sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. Darating ang napakatinding paghihirap sa lupaing ito dahil sa matinding galit ng Dios sa mga tao rito. 24 Ang iba sa kanilaʼy papatayin sa espada, at ang iba namaʼy dadalhing bihag sa ibang mga bansa. At ang Jerusalem ay sasakupin ng mga hindi Judio hanggang sa matapos ang panahong itinakda ng Dios sa kanila.
Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(E)
25 “May mga palatandaang makikita sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Mababagabag ang mga bansa at hindi nila malalaman kung ano ang gagawin nila dahil sa malalakas na ugong ng mga alon sa dagat. 26 Hihimatayin sa takot ang mga tao dahil sa mga mangyayari sa mundo, dahil mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga bagay[b] sa kalawakan. 27 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[c] 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, umasa kayo at maghintay[d] dahil malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(F)
29 Ikinuwento sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Tingnan ninyo ang puno ng igos at ang iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito alam ninyong malapit na ang tag-init. 31 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Dios. 32 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 33 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[e]
Maging Handa Kayo
34 “Kaya mag-ingat kayo na huwag mawili sa kalayawan, sa paglalasing, sa pagkaabala sa inyong kabuhayan, at baka biglang dumating ang araw na iyon 35 nang hindi ninyo inaasahan.[f] Sapagkat darating ang araw na iyon sa lahat ng tao sa buong mundo. 36 Kaya maging handa kayo sa lahat ng oras. Palagi kayong manalangin upang magkaroon kayo ng lakas na mapagtagumpayan ang lahat ng mangyayaring kahirapan, at makatayo kayo sa harap ko na Anak ng Tao nang hindi napapahiya.”
37 Araw-araw, nagtuturo si Jesus sa templo. Pagsapit ng gabi, pumupunta siya sa Bundok ng mga Olibo para magpalipas ng gabi. 38 At maagang pumupunta ang mga tao sa templo upang makinig sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®